Chapter 55

509 29 0
                                    

Ang pinuno

Hindi pa rin ako makapaniwala sa nalaman ko. Si tatay Selyo? Lider ng samahan? Hindi maaari! Ayaw ni tatay ng gulo. Hindi, nagkakamali lang sila.

"Tatay? Totoo po ba ang sinabi niya na kayo ang namumuno sa samahan?" Gusto kong sa kanya mismo manggaling ang sagot.

Inangat ni tatay ang ulo nito na kaninang nakatingin sa sahig at humarap sa akin. "H-hindi apo. Mali ang akala nila. W-wala akong kinalaman sa mga nangyayari ngayon sa lugar natin." Hindi na masyadong pilit ang boses niya. Nagkaroon na kahit papaano ng lakas si tatay. Mahina pa rin ito pero hindi na kagaya kanina. Mas naniniwala ako kay tatay kaysa sa lalaking hindi ko naman kilala.

Wala akong ideya kung gaano na kami katagal dito pero pakiramdam ko habang-buhay na akong nakakulong. Kailangan na naming makaalis dito sa lalong madaling panahon. Baka ano pa ang pwede nilang gawin kung tatagal pa kami dito.

"Tatakas tayo tay. Hindi ko alam kung paano pero mag-iisip tayo ng paraan. Wala tayong aasahan kung'di tayong dalawa lang." Sabi ko. Gayunpaman, hinihiling ko na may magligtas sa amin dito. Tate! Tate please.  Sana alam mong nasa panganib kami. Hindi ko alam kung anong gagawin ko.

Buti na lamang at pinabayaan nila kaming makawala sa pagkakatali at hindi na pinatay ang ilaw kaya may pagkakataon akong tignan ang paligid ng kulungan, naghahanap ng pwedeng gamitin sa pagtakas namin. Rehas na ginamit para itali kami, kutsara na naiwan kanina, isang ilaw na nagsisilbing liwanag at iilang butil ng kanin na natapon sa pwersahang pagkuha ng lalaki sa plato. Anong gagawin ko sa mga yan? Imposibleng magagamit namin ang butil ng kanin sa pagtakas maging ang lahat ng mayroon ang kulungang ito.

Bumagsak ang pag-asa kong makakatakas kami dito. Napayuko ako at tinitigan ang sahig. Natatakot akong aminin na baka hanggang dito na lang talaga ang buhay ko, ang buhay namin ni tatay.

At inakala kong wala na akong luha, mali pala ako. Dahil sunod-sunod itong lumalabas sa mga mata kong makikitaan na ng pagsuko.

"Sorry apo. Nadamay ka pa." Narinig kong sabi ni tatay. "Lahat na lang ng mahalaga sa akin, nalalagay sa panganib ng dahil sa kagagawan ko." Dagdag pa niya. Pinapakinggan ko lang siya. Wala na akong maisip na pwedeng sabihin para matigil ang pag-ako niya sa mga nangyayari. "Nangyari na 'to sa asawa ko. Ngayon naman ikaw."

Nang marinig ko ang salitang 'asawa' ay agad akong tumingin sa kanya. "Ano pong ibig niyong sabihin? So totoo po ba na kayo ang pumatay sa asawa niyo?"

"Baka nga. Baka nga ako ang pumatay sa kanya..." nagugulahan man, hinayaan ko siyang magpatuloy. Kailangan ko ng distraction ngayon. "Kita mo? Nauulit lang ang nangyari dati. May mga taga siyudad rin na pumunta rito noon para naman sa lupa namin. Tumanggi kami kahit pa inalok nila kami ng malaking halaga kapalit ang pagbebenta ng aming lupa. Humantong sa pisikalan at bilang bata pa ako nun, malakas, mayabang pinamunuan ko ang labanan na 'yon." Kapansin-pansin ang pagsisisi sa kanyang boses. Pero kahit gaano pa niya pagsisihan ang lahat, huli na. "Kinulong nila ako ng walang tamang proseso. Paniwala nila'y kapag wala na ang utak ng labanan, mapipilayan sila. At tama nga ang hinala nila. Hindi na alam ng mga kasama ko ang gagawin at muntik na nilang makuha ang mga lupa namin kung hindi dahil sa asawa ko. Isa siyang abogado at inapila niya sa korte ang illegal na gawain ng mga taga-siyudad habang nakakulong ako." Tinatago man niya, hindi na kaya pang hindi mapansin ang mga luha sa kanyang mata. "Tutol siya sa mga ginagawa ko, sinabi niya na mas maaayos ang problema kung idadaan sa legal na proseso at malakas ang laban namin. Hindi ako nakinig kaya habang natutulog ako sa malamig na sahig siya naman ay gising at inaayos ang gulong sinimulan ko. Matapos ang hindi ko na mabilang na araw, pinalaya na ako at nanalo raw ang kaso namin laban sa mga taga siyudad. Sobrang saya ko nun dahil makikita ko na ulit ang asawa ko, mahahawakan ko na ulit siya at maaamoy ang mabango nitong buhok... pero... pero pag-uwi ko nadatnan ko siyang nakabulagta habang naliligo sa sariling dugo at wala ng malay." Ngayon ko lang napagtantong umiiyak na rin pala ako. Nakikisimpatya sa mga nangyari matagal na panahon na ang nakaraan. Ang kapangyarihan ng mga salita. Huminto saglit si tatay. Naghahanap ng sasabihin at ng lakas ng loob. "Gumuho ang mundo ko ng makita siyang wala ng buhay. Lahat ng pinangarap ko para sa amin, mga anak, mga apo. Lahat nawala. Ang pamilyang mayroon sana ako ngayon, hindi ko na makukuha. May hawak pa itong sulat, tandang-tanda ko pa na sa kanang kamay niya 'yon nakalagay. Sinabi niya doon kung gaano niya ako kamahal. Kaya ganoon na lamang ang pagmamahal ko sa mga sulat dahil kahit wala na siya nararamdaman ko pa ring konektado kami gamit lamang ang isang pirasong papel." Hinagod ko ang braso ni tatay. Kahit papaano'y gumaan ang pakiramdam ko nang malaman na mas malala pala ang kalagayan niya noon kumpara sa akin. Pinanood ko lang siyang humikbi at damhin muli ang sakit na naranasan niya na para bang kahapon lang ito nangyari. Ang kapangyarihan ng sulat, ng mga salita.

My Greeny Lovely Heart (BOYXBOY) *CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon