Escape. Go back home.
I never utter a word. It's no use. Hindi na ako lumaban, 'di na ako naghalupasay. Ang tanging ginawa ko na lamang ay ibigay ang sarili sa lalaking pumasok at tanggapin na lang ang lahat.
Mabilis niya kaming binitbit papalabas. Wala na siyang kasama, siguro alam na niyang pagod na rin kaming lumaban.
"Anong sabi sa inyo?" Pang-aasar niya pagkatapos isara ang pinto. "Mahaba-haba ang usapan niyo ha, mukhang ilang beses kayong nagmakaawa pero dito pa rin ang bagsak niyo." Hinayaan ko na lang siyang magsalita nang magsalita. Siguro kung magiging masugid lang niya akong taga-pakinig, hindi ganoon kahirap ang magiging pagkamatay ko. "Ganyan talaga 'yan. Hindi nakikinig kahit kanino. Kung anong sinabi niya, ayun ang masusunod!" Dagdag pa niya. Marami pa siyang sinabi ngunit alingawngaw na lang ang lahat ng 'yon sa akin.
Nakaabang naman ang isa pa niyang kasama at kinuha si tatay. Mabilis silang naglalakad nang hindi kinokonsidera na gutom,pagod at sugatan ang bitbit nila.
They don't care from the start, why would they even care now?
Akala ko ay ibababa ulit nila kami sa basement. Ngunit mukhang ilalabas nila kami sa gusali.
Tama nga ang hinala ko.
Nang buksan nila ang pinto sa harap namin ay pumasok ang sinag ng araw at tumama sa aking balat. Nasilaw rin ako ng bahagya dito kaya tumingin ako sa lupa. Hindi naman ganito kaliwanag ang araw sa kwarto ni Albert.
Pagkalabas ay lumingon ako para makita ang gusaling pinagmulan namin. Nakatayo ito sa kawalan. Hindi marangya ang itsura nito sa labas. Para itong bodega na may tatlong palapag at basement. Ni hindi man lang sila nag-abalang pinturahan ang labas ng gusali.
Pagkaharap ko'y isang malawak na lupain ang aking nakita, kasya dito ang dose-dosenang truck at sosobra pa. Sa tingin ko dito nilalagay ang mga sasakyang ginagamit nila. Mga ilang kilometro mula dito ay may mga harang na wire. Mula dito kakailanganin mong sumakay o maglakad ng labing limang minuto. Sa palagay ko'y gate yon.
Sobrang patag ng buong paligid. Napakaraming puno ang kinailangang putulin para lang dito.
Naisip ko na kahit pala makatakas kami sa building, sa ganitong lagay namin at layo ng gate, hindi pa rin kami ligtas dahil siguradong mahuhuli rin nila kami.
Napansin ko pang sa lawak ng lupaing nandito, ang gusali lang na iyon ang nakatayo. So much waste. Ilan kayang puno ang pinutol para lang maitayo 'tong gusali na si Albert lang naman ang gumagamit?
Bakit ba mga puno pa rin ang iniisip ko ngayong mamamatay na ako?
Maling-mali na pumunta pa ako dito bitbit ang paniniwalang kaya kong gumawa ng pagbabago. Mukhang mas pinalala ko lang ang sitwasyon. At ngayon, mamamatay na ako. Hindi ko man lang natupad ang mga pangarap ko. Ni hindi ko man lang masusuklian ang paghihirap ng mga magulang ko.
Pero nandito na tayo. I've already lost my faith.
Hindi kami naglalakad papunta sa gate, bagkus ay gumilid kami. May mga barbed wire din dito na may taas na tama lang para hindi makapasok ang mga nasa labas. Ngunit may parte doon na may awang, isang uri ng shortcut, at doon kami pumasok. Hindi ko na tinanong kung saan nila kami dadalhin. Nagpadala na lang ang buo kong katawan.
Mga ilang minuto pa ng paglalakad, huminto kami sa isang barracks, ngunit ang mga ito'y sira na. Wala na ni isang kubo ang nakatayo. Mukhang pagkatapos itong sirain ay hindi pa nila nililinis. Inaantay siguro kami.
"Kita mo yan bata ha?" Tumingin ako sa lupa, dito namatay ang mga kasama nila. Hinigpitan niya ang hawak sa braso ko hanggang sa pinilipit na niya ito kaya napaungol ako. "Ang sabi ko tingnan mo!" Sinunod ko ang utos niya at pinagmasdan ang sirang barracks, malakas niyang binitawan ang braso ko.
Sinuri ko ang aking braso. Namumula na ito at may sugat mula sa pagkakabaon ng kanyang mga kuko.
"Alam niyo kung gusto niyo kaming patayin, gawin niyo na lang." Tumulo na naman ang luha ko. Nanginginig na din ang aking tuhod. May takot pa rin ako sa kamatayan kahit kanina ko pa siya kaharap. "Parang awa niyo na tapusin na natin 'to."
"Sa tingin mo, mabilis pinatay ng matandang to—"
"Putang ina!" Sigaw ko, huli na bago ko na-realize ang lala ng pagkakasabi ko. Pero nagpatuloy pa rin, mamamatay naman na ako. "Ilang beses ko bang sasabihin na hindi siya ang gumawa niyan sa mga kasama mo! 'Di ba gusto mong malaman kung anong pinag-usapan namin? Sinabi lang naman niya sa akin kung paano niya plinano lahat ng 'to. Ang pondohan ang samahan at atakihin kayo para magalit kayo't magkaroon ng gulo. Nang sa ganon masolo niya ang anumang kikitain ng pagmiminang 'to. At kung ayaw niyong maniwala, okay lang, ikasa mo na yan at iputok mo na sa akin."
"Eh pre gago pa—" singit ng may hawak kay tatay ngunit pinigilan na siyang ipagpatuloy pa ang ano mang sasabihin ng kanyang kasama. Dahan-dahan itong lumapit sa akin. Tinitigan niya ako sa mata, hindi ako nagpatalo at isang sampal ang naramdaman ko. Malakas. Nakakabingi.
"Huh. Ang lakas rin ng loob mo 'no?" Sabi niya at biglang tumawa. Ginaya rin naman siya ng kasama niya. At sabay silang nagtawanan.
Tumigil na sila't kagaya ng inutos ko, binunot ng lalaki ang nakaipit na baril sa kanyang sinturunan at kinasa ito. Pumikit ako. At inisip ang pinakamagagandang nangyari sa akin, ito ang gusto kong huling makita, hindi ng lalaking papatay sa akin.
Malakas na putok na baril ang umalingawngaw sa payapang lugar. Pero buhay pa ako. Alam kong humihinga pa ako. At naulit pa ang putok. Dumilat ako at ang dalawang lalaki ang nakahandusay sa lupa. Lupang siya ring huling hantungan ng kanilang mga kasama. Namatay silang may maling pinanigan.
Tumingin ako sa likod, nakita ko si Tate at dalawa pa niyang kasama. Tumakbo ito papalapit sa amin. "Ayos lang ba kayo?" Pagsisiguro niya. Hawak-hawak niya ang magkabila kong pisngi at sinusuri kung ayos lang ako.
Tumango ako at lumingon para tingnan si tatay. Hapong-hapo ito. Lumapit ako sa kanya at ginawa rin kung anong ginawa sa akin ni Tate. "Ayos lang ako. Si tatay, asikasuhin niyo si tatay. Tate, papuntahin mo ulit yung doktor sa bahay please." Utos ko sa kanila. Niyakap ko si tatay nang mahigpit, rinig ko pa ang sunod-sunod niyang paghinga.
"Ligtas na tayo tatay. Kaunting tiis pa, makakaalis na tayo." Hindi sumasagot si tatay at hindi ko na rin inasahan pa.
Kumalas na ako sa pagkakayakap kay tatay at humarap kanila Tate. Naglakad na kami papalayo sa sirang barracks. Hindi pa kami nakakalayo nang may marinig na naman kaming isang putok ng baril. At sa tunog na 'yon, nagsimula ang kinatatakutan ko.
Wala na akong narinig kung hindi ang pagbagsak sa lupa ni tatay.
Hindi ako nakapagsalita. Hindi pa ako naniniwala.
Tapos na dapat 'to. Uuwi na dapat kami. Ligtas na dapat kami. Pero hindi ito ang nakikita ng dalawa kong mata.
Isang wala ng buhay ang nasa harap ko, taliwas sa pag-asang hawak ko na uuwi kami nang sabay.
Hindi ko alam ang nararamdaman ko. Bago sa akin 'to. Iba ang sakit na 'to.
Hindi ko na maramdaman ang buo kong katawan. Wala na akong naririnig kung hindi ang tangi kong paghinga. Ngunit ilang sandali lang ay sinamahan na ito ng isa pang putok ng baril.
Tumama ito sa bandang tiyan ko. Ngayon ay nakakaramdam na ako. At isa pa. At tumama na naman itong muli sa aking katawan.
Bumagsak ako sa lupa. Tinignan ko ang mga matang nasa harap ko. Mata ni tatay Selyo.
Hindi ko na kailangang magpaalam sa kanya.
Mukhang hindi na rin ako makakauwi.
BINABASA MO ANG
My Greeny Lovely Heart (BOYXBOY) *Completed
Novela JuvenilWhen a person got the love he thought he couldn't get, will he hold long to it? John Belle Venille, an environmentalist, will meet the person that might change his life. Makuha kaya niya ang pagmamahal na mailap sa iba? Ang pagiging environmentali...