38. Ang Natakasang Kamatayan

26 1 1
                                        

Nagpunta ako sa burol ni Mrs. Eunjean, ang daming taong naghihinagpis sa biglaang pagkawala ng mama ni Andrei. Lahat ng makita ko ay umiiyak, tulad ko na hindi rin makapaniwala. Sana panaginip lang 'to, sana hindi totoo ang mga nangyayari.

Binangungot daw. 'Di ko mapigilang malungkot at masaktan sa lahat nang nangyayari. Hindi ko pa rin mapaniwalaan.

Nasorpresa ako nang makita ko si Angela at tumabi sa 'kin, inabutan ako ng tissue at malungkot ang muka n'yang nakatulala.

"Kahit ilang libong taon pa akong mabuhay, hindi ako masasanay sa mga ganitong tagpo," basag ang boses na paliwanag n'ya. "Babalikan s'ya ng kamatayan matapos ang ika-dalawangpung taon mula nang una n'ya itong matakasan."

"Natulog lang s'ya pero hindi na gumising. Sana hindi s'ya umiiyak ngayon kung nasaan man s'ya."

"Walang lungkot at pagdadalhati sa lugar na pupuntahan n'ya."

Natanaw ko si Vien na umiiyak sa tabi ng kabaong. Sobra ang pagdadalamhati sa mga nangyari. Puno ako ng pagtatanong pero hindi ko alam kung kanino makukuha ang mga sagot.

"Noong bata pa si Eunjean, inalagaan n'ya si Vien. Napakasakit nito para kay Vien. Sa ating tatlo, s'ya ang nakasama n'ya nang mas matagal at minahal na parang kapatid."

Tumutulo ang luha at kahit anong pahid ko ay nagtuloy-tuloy pa rin sa pagpatak ang lungkot mula sa loob ko.

"Wala dito si Andrei, puntahan mo s'ya."

Sinunod ko s'ya na walang pagtatanong, tumayo ako kahit nangangatog ang tuhod, kailangan kong mapuntahan si Andrei.

Pagdating sa bahay nila, sinalubong ako ng kamag-anak nila at itinuro na nagkukulong si Andrei sa kwarto. Hindi pa daw lumalabas at hindi pa kumakain ng kahit na ano.

Kumatok ako pero hindi sumagot, hindi naman naka-lock kaya pumasok ako, nakita ko s'ya na naglalaro ng computer games. Tinatakasan n'ya ang realidad kaya lalong dinudurog nito ang puso ko.

"Akala ko may trabaho ka kapag linggo? Nandito ka ba para makipag-date na sa 'kin?" casual n'yang tanong na parang normal lang at walang nangyari. "Tatapusin ko lang 'to."

"Andrei."

"Please. Alam ko namang napipilitan ka lang. Hindi ka naman sa 'kin concern diba? Ibang Andrei ang gusto mong makasama, hindi ako. Umalis ka na."

"Hindi nga ikaw ang gusto kong makausap at makita, pero ikaw pa rin si Andrei. Kahit anong gawin ko, iisa lang kayo. Kahit pagbalik- baliktarin pa, ikaw pa rin s'ya."

"Umalis ka na," basag na boses na nagtataboy sa 'kin.

"Alam kong masakit. Pero hindi natin mababago ang mga nangyayari. Puntahan na natin ang mama mo.".

Hindi s'ya kumibo kaya nilapitan ko s'ya at niyakap. Doon na kumawala ang luha marahil ay pinipigilan n'ya ng matagal.

"Ang sama-sama ko sa kanya. Hindi man lang ako naging mabuting anak sa kanya. Napakasuwail ko. Tapos. Bigla n'ya kaming iniwan. Paano pa ako babawi? Paano n'ya makikita na nagbabago na ako?"

"Pinagluluto mo s'ya ng paborito n'yang pagkain, minamasahe ang paa sa tuwing umuuwi at bumibili ka ng pasalubong sa kanya araw-araw kahit walang okasyon. Hindi ko alam ang iba mo pang nagawa pero sa tingin ko, naparamdam mo sa kanya kung gaano mo s'ya kamahal."

Kumalma s'ya pero patuloy pa rin sa pagluha, walang kahit anong salita ang makakapagpawala ng sakit, kahit intensyon mo pa ay maganda.

"Hindi ako 'yon. Kahit anong sabihin mo, hindi ako 'yon."

"Alam ko. Pero sana makatulong sa 'yo na malamang sa paningin ng mama mo, iisa lang kayo at naging mabuti kang anak sa kanya."

Tumayo s'ya at nag-ikot sa kwarto, parang may hinahanap. Pinapanood ko lang s'ya, lutang s'ya na kahit anong hanap, hindi alam kung ano talaga ang hahanapin.

Write Me a Happy EndingMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon