#DC | Chapter 9
Tatlong araw. Tatlong araw na ang nakakalipas ngunit hindi parin siya umuuwi. Sa loob ng tatlong araw rin na 'yun ay panay ang pang-uusig sa'kin ng konsensiya ko.
Alam kong sumobra na ako, alam ko rin na galit na galit siya nung malaman niyang may contact na kami ni Gael sa isa't-isa.
Ngayon ay nakaupo ako sa Salas, pero ang mga mata ko ay nakatutok na ngayon sa pinto. Hinihintay ko ang pag-uwi niya, kung uuwi pa nga siya.
Kung maiisipan niya pang bumalik sa bahay na ito na ako ang kasama.
Pero hindi ba't 'yun naman ang gusto niya? Ang makasama ako kahit halos isumpa ko na siya?
Napalinga ako sa paligid, malinis ang lahat dahil naglinis ako kanina. Nagluto rin ako at umuusok pa nga sa kusina ang bagong luto kong ulam at kanin.
Ang sahig rin ay sobrang kintab, pwede ng gamiting salamin.
Aaminin ko na sa tala ng pamumuhay ko rito ay ngayon lang ako naglinis, kahit ang simpleng pagligpit sa mga pinagkainan ko noon ay hindi ko ginagawa, si Zurich ang gumagawa no'n para sa'kin.
Buong maghapon ay hinintay ko lang ang pagdating niya, tulad lang nitong mga nagdaang araw. Sa isip ko ay hihingi na ako ng tawad, pero tila yata hindi na talaga siya uuwi.
Gabi na at malamig na ang lahat ng niluto ko kanina, aakyat na sana ako pataas sa hagdan ng maulinagan sa labas ang pamilyar na tunog ng sasakyan ni Zurich.
Bumilis ang kabog ng dibdib ko at napakaripas ng takbo pabalik sa sofa sa Salas, binuksan ko ang telebisyon at nagpanggap na nanonood.
Hanggang sa magbukas ang pinto, saglit pa akong napalingon roon ng hindi ko napigilan ang sarili. Pero wala pa siya, ilang segundo pa ang lumipas bago iyon tuluyang nagbukas, pumasok siya.
Bitbit sa mga bisig ang isang babae ay dumiretso pasok siya, hindi man lang napansin ang kalinisan ng paligid.
Seryoso ang ekspresyon ng mukha niya ng lampasan ako bitbit ang babae, ang buhok pa nito ay nakaladlad habang susuray-suray ang paggalaw ng kamay.
Nakaawang ang bibig na pinanood ko siya, ang mga mata nito ay sumisigaw ng pag-aalala. Malamang na para roon sa babaeng buhat niya.
Nang umakyat ito sa hagdan ay doon lang ako bumalik sa huwisyo, pinatay ko ang TV at walang sapin sa paang mabilis silang sinundan. Halos liparin ko ang hagdan makasunod lang sa kanila.
Naabutan ko si Zurich na pumasok sa isa sa mga guestroom dala yung babae, ako naman ay madaling naglakad papunta roon, hindi ako pumasok at tanging pagdungaw mula sa hamba nalang ng pinto ang ginawa ko.
Inihiga ni Zurich ang nakilala kong babae sa malapad na higaan, ito yung babaeng pumunta noon rito at hinahanap siya.
Yung, Sunset ba 'yun?
Basta may 'Sun'.
Napalunok ako ng tanggalan rin ito ng sapin sa paa ni Zurich, tila nilukot ang dibdib ko ng makita ang mga bagay na ginagawa niya sa'kin sa iba.
Akmang haharap na si Zurich sa direksyon ko kaya mabilis akong tumago sa pader, hindi ko maintindihan ang sarili ko. Nagagalit ako, pero nakakaramdam din ako ng sakit.
Hindi ba't gusto ko rin naman na makahanap na siya ng iba para hiwalayan na niya 'ko?
Naglakad ako papasok sa kusina, lahat ng niluto ko kanina ay tinapon ko sa basurahan, pati ang kanin na halos isang sandok lang ang bawas. Pati ang mga pagkain na itinabi ko noon sa ref ay kinuha ko, itinapon ko sa basurahan kasama ang lalagyan.
Una palang ay hindi ko na dapat ginagawa ito, ano't maaawa ako sa kanya? Eh siya nga ang dahilan kung bakit nawalan ako ng pamilya.
Ang balak kong paghingi ng tawad at pagluluto sa kanya ng mga masasarap na pagkain para pambawi ay isang malaking kalokohan. Siraulo lamang ang gagawa noon sa taong may kasalanan kung bakit nawalan ka ng mga mahal sa buhay.
Nang matapos ay siyang pagpasok ni Zurich, ang sleeve ng suot nitong polo ay nakarolyo sa magkabilang siko, bukas din ang dalawa't unang butones ng suot nito.
Nagtagpo ang mga mata namin pero ako na rin ang unang nag-iwas, blangko ang ekspresyon sa mukhang nilampasan ko siya. Dumiretso ako sa hagdan at umakyat papunta sa kwarto ko, nadaanan ko rin yung guestroom kung saan inuukupa nung babae ni Zurich at nakitang sarado iyon.
Sa huli ay ini-lock ko nalang ang sarili sa kwarto ko, kinuha ko ang pang-pinta ko at muling nagpinta. Nawala ang antok ko at sa tingin ko rin ay matagal bago ako muling dalawin ng antok.
...
Hindi ako nakatulog.
Buong magdamag lang ako nagpinta, ang dami ko ring errors na ang patunay ay ang maraming papel na nagkalat sa lapag ng kwarto ko. Dalawa lang ang nakikita kong perpekto, at ang dalawang 'yon ay isinabit ko sa loob ng kwarto ko.
Alas-sinco na ng umaga ng silipin ko ang orasan, napagdesisyunan kong bumaba sa kusina para magtimpla ng gatas. Puyat na naman ako, kagaya lang din nitong tatlong araw na lumipas.
Patay pa ang ilaw sa buong lugar, maliban sa kusina. Tanaw ko kasi mula rito sa kinatatayuan ko ang liwanag na nagmumula roon.
Nang pumasok ako sa loob ay natagpuan ko si Zurich na nakaupo sa isa sa upuan roon, kaharap ang isang umuusok na mug. Kape ang nasa loob no'n. Iba na rin ang suot nitong damit, itim na sando na pinarisan ng kulay maroon na cargo shorts na.
Nang mag-angat ito ng paningin sa'kin ay siyang pag-iwas ko ng tingin, dumiretso ako sa sink kung saan malapit ang painitan ng tubig, nagpainit ako ng tubig.
Walang ingay na gumalaw ako, kinuha ko ang mug ko sa maliit na cabinet, may print iyon ng pangalan ko at konting flower design. Kinuha ko rin ang isang lata ng gatas sa gilid at isang garapon ng asukal.
Naglagay ako sa mug ko ng dalawang salok ng powdered milk at konting asukal, isinunod ko na rin ang mainit na tubig.
Inilapag ko iyon sa lamesa, sunod ay kumuha ako ng pinggan at isang balot ng tinapay, yung tirang nutella ang ginamit kong pampalaman rito.
Naupo ako kaharap ang pagkain ko, nasa pinakang dulo si Zurich, sa sentro. Habang ako nasa gilid at pinapanood lang siya sa peripheral vision ko.
Nakita ko ang paglapit ng katawan nito sa lamesa, ipinatong niya rin ang dalawa niyang braso roon habang pinapanood ako.
Tumikhim siya, “You clean the whole house?” tanong niya.
Hindi ko siya pinansin.
| itsmezucky
BINABASA MO ANG
Damn Contract | Completed
General FictionWatch me. Curse me. Break me. Hate me. But don't you ever dare not to Love me. -Zurich Eian Napier -Completed- All Rights Reserved 2020 © itsmezucky