Chapter 40

4.6K 64 1
                                    

#DC | Chapter 40

“Itulak mo pa 'ko, yung mas malakas.” lingon ko kay Bibi, nasa likuran ko ito at mahina lang ang tulak na ginagawa sa 'kin sa ginawa naming duyan, one week ko na itong pinagkaka-abalahan.

Kumamot siya sa pisngi, “Eh Ma'm, baka magsemplang kayo. Ako pa malalagot kay Sir.” nag-aalalang aniya.

“Aish! Huwag mong intindihin ang Sir mo, takot sa 'kin yun eh, dali na!” sambit ko at tinapik ang paa sa lupa ng tuluyan ng tumigil sa pag-swing ang duyan.

“Ma'm naman..” lumabi pa ito.

“Sige ka, pag hindi mo pa 'ko tinulak ay ako na ang magtutulak sa'yo sa pool. Hindi ka marunong lumangoy 'di ba?” pananakot ko.

Namutla naman ito at agad ng humawak sa magkabilang tali nitong duyan, natuwa naman ako dahil mukhang effective ang pananakot ko. Hindi ko naman talaga iyon gagawin kung sakaling hindi niya ako sundin.

“Ready na Ma'm ha, malakas 'to..” warning niya, nakangiti lang akong tumango. Hanggang sa hilahin niya muna ako paurong at agad ring itinakbo pasulong, tapos paurong ulit hanggang sa tuluyan na niyang bitawan ang magkabilang tali ng buong lakas.

“Woah!” sigaw ko, ang lakas nga. “Oy teka!” nataranta ako ng muli niya na namang binigyan ng malakas na tulak ang swing kahit malakas pa ito, hindi ko tuloy malaman ngayon kung dapat ko siyang suwayin o puriin.

“Sabi niyo Ma'm malakas eh, ayan na po.” rinig kong sabi niya, halos maabot ko na ang mga bungang mangga nitong puno. “Eto pa po––” aniya kasunod ang muling pagtulak sa duyan.

“AAAAHHHH!” hiyaw ko, sabog-sabog na rin ang buhok ko sa buong mukha ko dahil sa lakas ng hangin. “Patigilin mo na!” mangiyak-ngiyak na ako, oo nga at gusto ko ng malakas pero hindi naman yung ganito kalakas na parang maiiwan ang kaluluha ko kada back and forth.

“Opo, opo.” sagot niya, nang lingunin ko siya ay nakita kong tawang-tawa siya sa reaction ko at wala namang ginagawa!

“I-fi-fire kitang buwitri ka!” sigaw ko.

Ngumuso siya, “Sabi niyo kasi malakas, tapos nung nilakasan ko eh ayaw niyo naman..” aniya at kumilos na rin para hulihin ang tali.

“Hindi. Nang-iinis ka eh.” iling ko, nang tuluyan na niyang mapatigil ang duyan ay agad akong tumayo at inayos ang nagulo kong buhok. “Kinabahan ako doon ah.” bulong ko, nag-aalala rin ako na baka maputol o makalas ang pagkakatali ng mga lubid.

“Kaya nga po ayaw kong lakasan Ma'm eh..” mahinang sabi niya, nanlalaki ang butas ng mga ilong na tiningnan ko siya.

“Hays, masyado kang literal. Oh sige, ikaw naman ang ma-upo.” sinenyasan ko siyang umupo sa swing, agad naman siyang umiling.

“Hindi na po, Ma'm. Sa inyo po iyan eh, nakakahiya naman.” sagot niya, hindi ko makita sa mukha niya ang sinseridad sa sinabi niya.

“Sige na––”

“Ok po. Mapilit kayo eh.” mabilis pa sa alas-quatro na naupo siya roon at malaki ang ngiting tumingin sa'kin. “Game na Ma'm, kung pwede po ay 'yung kasing lakas na rin ng ginawa ko sa inyo kanina.”

Tumaas ang dalawa kong kilay dahil sa request nito, kakaiba rin ang katulong na ito eh. Pero ayos na rin 'yon, para hindi maging boring ang bawat araw ko rito sa bahay.

“Kapit ha.” paalala ko.

“Ma'm, yes, ma'm.” sagot niya. Ginaya ko lang din ang ginawa niya kanina, at kada balik ng swing sa pwesto ko ay siya namang muling pagtulak ko. “Oh yassss, punyemasssss!” tili niya at sinusubukan pang abutin ang mga bungang mangga. “Lakasan mo pa Ma'm!” utos niya.

Damn Contract | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon