#DC | Chapter 22
Hindi nakakatulong ang pagh-hiking naming ito sa mga plano ko, ang balak ko ay iiwan ko na agad siya kapag nakakuha ako ng kahit kakarampot na oras. Pero ano ito? Inabot na ako ng gabi at heto nga't nagagawa ko pang makipag-kwentuhan sa kanya.
Bwisit.
Nang pumatak ang alas-onse ng gabi ay tanging ingay mula sa mga kuliglig nalang ang maririnig sa paligid, nasa tabi ko si Zurich at mahimbing na ang tulog habang nakapatong sa tiyan ko ang isa nitong braso.
Nakagat ko ang labi ko at mariing pumikit. Inalala ko ang mga pangyayari two years ago, nang masunog ang bahay namin kasama ang pamilya ko, pinilit kong pabangunin muli ang galit sa puso ko. Hindi puwedeng lumambot ang puso ko sa taong ito, dapat ay kamuhian ko siya.
Nang muli kong idilat ang mga mata ko'y blangko akong tumitig sa taas nitong tent na kinalalagyan namin. Buo na ang desisyon ko, mamayang madaling araw ay gagawin ko na ang dapat ay kaninang umaga ko pa ginawa. Tatakas na ako, iiwan ko na siya.
...
Palyado. Nakakainis at nagising ako alas-sinco na ng madaling araw, napasarap ang tulog ko at nagising sa dibdib niya habang siya'y pinapanood akong matulog. Gusto kong sapukin ang sarili, ang sabi ko kagabi ay hindi ako matutulog at hihintayin nalang na mag-madaling-araw, pero sa katititig ko sa kawalan ay inantok ako.
“Hey,” malamlam ang mga matang pagtawag sa'kin ni Zurich, tumabi siya sa'kin dito sa labas ng tent. “Are you mad?” tanong niya ng mapansin ang pagkakakunot ng noo ko.
Iniiwas ko ang mukha ko sa kanya, “Gutom lang ako.” sagot ko, napatingala ako sa kanya ng tumayo ito at magtungo sa loob ng tent.
“We have preserve food here..” aniya habang hinahalukay ang loob ng bag niya, umasim ang mukha ko nang maisip na pagkaing nasa lata o ano ang tinutukoy niya.
“Ayoko n'yan. Gusto ko isda, manghuli ka ng isda.” kunot noong sabi ko, nang marinig ko ang sariling boses ay agad akong bumawi at pinahinhin ang tono ko. “Please, asawa ko..”
Napabuga ito ng hangin bago tumango, “Alright. If that's what you want.” aniya at muling lumabas ng tent. “May kalayuan ang ilog dito, but the view there is really nice. Want to come?” dagdag niya na puno ng pag-asang sasama ako.
Pinalungkot ko ang mukha ko, “Masakit ang paa ko gawa kahapon.. Kaya ikaw nalang..” lumabi pa ako at hinawakan ang mga paa ko. Tipid siyang tumango bago kumuha ng ilang kagamitan.
“Stay here.” sambit niya bago ako talikuran at iwan. Napatingin ako sa nagdidilim na kalangitan, uulan pa ata..
Pumihit ako papasok sa loob ng tent, inisang hila ko lang ang bag ko bago ito isakbat. Ang sapatos ko rin ay agad kong sinuot bago humakbang palabas. Ito na ang tamang oras para sa'kin, mabuti pa at magmadali na akong umalis.
Sinimulan ko ng tahakin ang direksyon na dinaanan namin kahapon, medyo nakakalito dahil magkakamukha ang mga puno rito pero natutukoy ko parin naman kahit papaano. Pumulot ako ng putol na kahoy at ginamit iyon pangtukod sa lupa para hindi magdire-diretso pababa ang paglalakad ko.
Bawat hakbang ko palayo ay siyang pagkabog ng dibdib ko, hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. May parte sa'kin na lubos na natutuwa, ngunit mayroon ding nalulungkot at nanghihinayang. Hindi ko pinansin ang panghuli at nangingiti nalang na mas binilisan pa ang paglalakad.
Tingin ko ay nangangalahati na ako, malayo na ako sa tent at alam kong malayo pa din ako sa baba nitong bundok. Akma palang akong muling hahakbang ng makaramdam ng patak ng tubig sa braso ko, napatingala ako. Napatakan din ako sa pisngi hanggang sa magsunod-sunod iyon, umuulan na.
Agad kong nilingap ang paligid, nang may makitang malaki't matabang puno ay ito ang nilapitan ko, sa paanan din nito ay may malaking bato. Chineck ko kung magiging safe ba ako rito, baka kasi mamaya ay may ahas o kung ano.
Nang masigurong wala naman akong ikapapahamak roon ay agad na akong nagsumiksik katabi ang bato, hindi na ako masyadong nababasa. Niyakap ko ang sarili at saglit na tumitig sa kawalan, ang lakas ng ulan. Nasa ilog na kaya ang lalaking iyon? Oh bumalik siya?
“Tsk. Paniguradong nasa ilog iyon, hindi yun babalik hangga't walang dalang isda..” bulong ko sa sarili, yumukyok ako sa tuhod ko at pumikit. Magpapatuloy ako sa pagbaba kapag tumila na ang ulan.
Naka-idlip ako. Naalimpungatan lang ako ng makarinig ng ingay, umuulan parin pero hindi na kasing lakas ng kanina. Pinakinggan ko ang ingay na naririnig ko.
“Gwyn!” boses ni Zurich. “Where are you!? Wife!” paulit-ulit na sigaw niya, nanlalaki ang mga matang napaangat ako ng tingin. Palapit na ng palapit ang boses niya.
Bahagya akong sumilip sa matabang katawan nitong punong pinagsisilungan ko, hinintay kong lumitaw siya sa paningin ko. At nang tuluyan ko na nga siyang makita ay umawang ang bibig ko, ang dungis ng itsura niya dahil sa mga putik na nasa damit at short niya. Ang buo niya ring katawan ay basa na dahil sa ulan, at wala rin siyang suot na sapatos! Hindi ko na makita ng ayos ang paa niya dahil sa putik at mga dahon na nakadikit roon, wala siyang pakielam kahit ganoon na ang itsura niya.
“Wife! Where are you? Please talk if you can hear me!” puno ng pag-aalala ang mukha niya, tumigil siya at iniikot ang paningin sa paligid kaya mabilis akong napasiksik sa puno. Hindi ko alam kung bakit naiiyak ako, sobrang lakas din ng tibok ng puso ko. “Damn it..” rinig ko pang anito, tila maiiyak na ang tono ng boses niya.
Muli ko siyang sinilip, nakasambunot na siya sa buhok niya at tila hindi na alam ang gagawin.
Nagbaba ako ng paningin at muli na lamang umisod pabalik sa kinauupuan ko kanina. Tinakpan ko ang magkabila kong tainga para hindi na marinig ang boses niya, hanggang sa umalis siya ay nakasiksik lang ako doon at pilit na pinipigilan ang sariling daluhan siya at patahanin.
Ito ang gusto ko. Ang malayo sa kanya, ang iparamdam sa kanya ang pagkabigo. Gusto ko siyang magdusa, kasi demonyo siya. Baliw at sira ang ulo, hindi siya ka-mahal-mahal.
Tama lang na iwan ko siya. Tama ito. Oras na tumila ang ulan ay hudyat na iyon na malaya na ako, malaya na ako sa kanya.
Tama. Hihintayin ko nalang ang pagtila ng ulan..
| itsmezucky
BINABASA MO ANG
Damn Contract | Completed
General FictionWatch me. Curse me. Break me. Hate me. But don't you ever dare not to Love me. -Zurich Eian Napier -Completed- All Rights Reserved 2020 © itsmezucky