Prologue

731 15 6
                                    

Maverick Emilio A. Valiciejo

 Valiciejo

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

PROLOGUE

Tanging ang tunog lang na nagmumula sa binubugang hangin ng electric fan sa kuwarto ko ang maririnig. Kung pagtutuunan ko lang ng pansin ay siguradong maririnig ko na rin ang sariling paghinga. Katulad ng nakasanayan ay sarado ang pinto ng kuwarto ko, at abala ako sa pagre-review ng modules na magkakaroon ng test sa Lunes. Mabuti na ang handa. Hindi naman puwedeng ngayon pa ako magloloko sa pag-a-aral kung kailan graduating year ko na.

Medyo malayo pa pero natatanaw ko na agad ang sarili na kukuha ng Medical Course pagka-graduate ko, sa kasalukuyang kinukuhang pre-med na Bachelor of Science in Medical Technology. Hindi na ako makapaghintay na maging ganap na Doktor at mas maipagmalaki pa nina Mama.

Nawala sa binabasa ko ang mata nang biglang bumukas ang pinto. Dire-diretsong pumasok doon si Maze at walang tinginang pasalampak na umupo sa sofa ko. Nasa study table ako at kailangan ko pang tumalikod para lang makalingon sa gawi niya.

"Uso kumatok, 'di mo 'to kuwarto," naiirita ang tono kong sabi sa kaniya.

Si Maze ang isa sa lima kong pinsan sa side ni Papa. Siya ang panganay sa aming lahat na sinusundan ko, pero hindi ko siya tinatawag na kuya; pitong araw lang naman ang tanda niya sa'kin e.

"Sali ka? Basketball daw kasama mga Zobelians," aya niya at hindi na pinansin ang una kong sinabi. Nag-angat din siya ng tingin sa'kin pagkatapos magsalita.

Napaismid ako sa narinig. Tinutukoy niya ang dalawang mag-pinsan na Zobel; ang madalas naming nakalalaro sa basketball. 

Kung may matatawag man na pahinga ko sa pagaaral, 'yon ay ang paglalaro ko ng basketball. Hindi ko nga lang alam kung sasama ba ako, dahil tambak ang reviewers kong kailangang asikasuhin.

"Saan ba?" 

"JPA Subdivision Court," nasa kalagitnaan pa lang siya ng pagsasalita ay umiiling na ako.

"Ang layo masyado, katamad." 

Ang akala ko naman ay 'yung malapit lang na court dito sa Alabang ang rerentahan namin, pero sa kabilang barangay pa pala. Magkabilang dulo na barangay ng Muntinlupa ang gusto nilang biyahe. Halos 30 minutes ang bibilangin bago makarating sa JPA, papunta pa lang ay pagod na kami.

"Sumama ka na, magkukulang kami sa tao e." 

Inismiran ko lang siya at inilingan. Iniisip ko pa lang na ang dami ko na sanang magagawa sa mga oras na kukuhanin noong biyahe papunta at pauwi, ilang pages na rin ng reviewers ko 'yon. Sayang lang!

"Ayoko, kita mong ang dami kong ginagawa e. Mag-aral ka na lang din," suhestyon ko at tinalikuran na siya. 

Kapag mga ganitong panahon talaga ay wala ako sa wisyo para maglaro o gumawa pa ng kahit anong ibang bagay, dahil naka-pokus ang isip ko sa tambak na modules na kailangan kong aralin.

(Valiciejo #1) Deleterious of the CarouselTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon