Huminga ako ng malalim pagkapasok ko sa kotse ni Theo. Inabutan niya kaagad ako ng bottled water."Ano?" Tanong niya.
Uminom muna ako ng tubig dahil tuyong-tuyo na yung lalamunan ko. Ang init-init pa naman.
"Hanap pa tayo." Sagot ko nalang.
Tumango siya bago pinaandar yung kotse niya. Gusto kong itapat yung aircon sa sasakyan niya dahil sobrang naiinitan pa ako pero hindi ko naman alam kung paano. Hindi naman kasi ako sumasakay sa ganito. Sa jeep lang.
Humilig nalang ako doon sa may bintana ng kotse niya. Ipipikit ko muna sana yung mata ko ng biglang may nag-click sa gilid ko.
"Hala!"
Tinignan ko si Theo. Nakasira yata ako! Hinanap ko pa kung saan galing yung tumunog.
"What's wrong?" Tanong niya sa akin.
Nilingon ko siya at tinuro yung gilid ko. "M-may nasira yata ako? May tumunog, e."
Kumunot ang noo niya tapos maya maya ay sumilay ang ngiti sa labi niya. Nag-iwas siya ng tingin.
"Damn, ang cute." Bulong niya.
"Alam kong cute ako pero baka kasi may nadaganan ako. Wala akong pang bayad, Theo!"
Sinilip ko ulit yung sa gilid ko. Mukha namang walang sira, e ano yung tumunog?
Halos mapatalon ako sa upuan ko ng makarinig ulit ng tunog. Nakita ko yung parang maliit na pinipindot doon na kusang tumataas at bumababa.
"Hala!" Sabi ko ulit.
Humagalpak na si Theo bago ipinarada ang kotse sa gilid ng kalsada. Hawak niya na ngayon ang tyan niya habang tumatawa.
Nababaliw na ba itong kasama ko? Natatanga na?
"Nakadrugs ka, Theo?" Hindi siya sumagot. Tumawa lang siya ng tumawa.
Anong problema nito? Wala namang nakakatawa, ah!
"Hoy!" Suway ko sakaniya.
Maya maya ay natigil din siya. Pinunasan niya yung luha niya sa mata dahil sa katatawa. Wala na, nababaliw na.
"Ang cute mo, Lian. Sobra." May pinindot siya sa gilid niya tapos narinig ko ulit yung tunog na yon.
Umawang ang bibig ko. Walang hiya! Tinanggal ko yung seatbelt ko at lumapit sakaniya. Sumandal siya sa upuan niya ng makita ang ginawa ko.
Pinindot ko ulit yung pinindot niya at nakita ko ulit yung pagbaba nung maliit na yon. Sinamaan ko siya ng tingin.
"Nakakatawa yon, Theo?" Pikon kong tanong sakaniya. "Saksakin kita ng ballpen, e."
Tumawa pa siya lalo. Bumalik na ako sa upuan ko at sinuot ulit yung seatbelt. Hindi ko na siya nilingon dahil nahihiya na ako. Masyado na akong nagmumukhang ignorante.
"Hindi kasi nakalock yang pinto mo. Sumandal ka doon sa bintana. Nilock ko baka kasi mahulog ka dyan."
Umirap ako sa paliwanag niya. Ewan sayo, nakakatuwa ba talaga yon?
"Pasensya na. Hindi kasi ako masyadong sumasakay sa kotse dahil wala naman kaming ganon." Sabi ko.
"Ayos lang. Nakakatuwa ka lang." Tumawa ulit siya.
"Tigilan mo na."
Tumahimik na siya at nagpatuloy na sa pagddrive. Tahimik na rin ako buong byahe. Ayoko na magsalita dahil nakakahiya naman sakaniya.
"Hey." Tawag niya.
Nag-iwas ako ng tingin. Dinirekta ko nalang yon doon sa gilid ko. Nakikita ko yung mga iba't-ibang stalls dito sa plaza.