Hindi ko nga alam kung paano ko natagalan yung hapunan na iyon. Ang alam ko lang sobrang nakakahiya yung mga pinagsasabi ni Nanay.Umuwi rin naman kaagad si Theo pagkatapos non. Ilang araw din akong nanatili sa bahay dahil nga naghihintay ako kung may kukuha ba sa akin sa trabaho o ano.
Buti nalang talaga, may nauto pa ako doon sa resume ko dahil kahapon, nakatanggap ako ng tawag at sinabing iinterview-hin daw ako ngayon.
"Nanay!"
Lumabas ako ng kwarto ko. Nakasuot ako ng black na slacks tapos white na long sleeves. Nagsuot din ako ng black na blazer.
"Nakita mo po ba yung sapatos ko?" Tanong ko kay Nanay.
Naghahanda palang kasi sila. Pupunta sila ng palengke ngayon. Malakas ang kita ngayon sa isda, e. Kaya doble kayod si Tatay.
Inabot ni nanay sa akin ang isang pulang supot. Sa loob non may box. Kumunot ang noo ko.
"Ano ito, nay?" Kinuha ko yon sakaniya at binuksan.
Ngumiti siya sa akin. "Napadaan ako sa plaza kahapon. Binilhan kita ng bago mong takong."
Ngumuso ako. Ang bait talaga ni Nanay. "Salamat, Nay. Gagalingan ko talaga sa interview."
"Saan ba yan, Lian? Baka scam yan, ah?" Tumawa si Tatay.
"Sabi nung tumawag sa akin sa munisipyo daw ako iinterview-hin. Naalala ko, nagpasa ako ng resume doon noong isang araw." Sabi ko.
Nabalitaan ko rin kasi na hiring sila, e. Saktong-sakto naman at naghahanap na rin ako ng trabaho.
"Sige na. Isuot mo na iyan at baka malate ka pa." Sabi ni Nanay. Naupo na ulit siya doon sa pagkainan namin. Umakyat naman ako sa kwarto.
"Sana makuha na ako. Babawi ako talaga kila Nanay." Bulong ko habang sinusuot ang baging bili na takong.
Inayos ko muna ang mukha ko. Yung magmumukha naman akong tao, ah. Hindi yung basta basta lang. Dapat presentable.
Nagpulbo lang ako. Kinagat kagat ko ang labi ko para mamula. Oh diba, life hacks yon. Wala akong pang bili ng lipstick, e.
Hinayaan ko lang buhok ko na nakalugay. Kinuha ko ang bag ko at ang extra resumé ko nakalagay pa sa folder.
"Alis na ako, Nay!" Sigaw ko bago lumabas ng bahay. Hinabol pa niya ako.
"Teka, ipapahatid kita kay Gusting!"
Ngumiwi ako. Nakakatakot din talaga si Mang Gusting pero may tiwala naman si nanay sakaniya kaya bahala na. Hahampasin ko nalang siya ng takong ko mamaya.
"Oh, ihatid mo ito sa Munisipyo." Sabi ni Nanay ng nasa harap ko na ang traysikel niya.
Ngumiti si Mang Gusting sa akin. "Oo sige. Ako ang bahala, Cecilla."
Sumakay na ako sa loob at kumaway na kay Nanay. Buong byahe papuntang munisipyo ay tahimik ako.
"Iniidolo ka ng anak ko, Lian. Napakatalino mo raw kasi." Sabi bigla ni Mang Gusting.
Anak? Ah, si Teresa siguro. Mas matanda lang ako ng ilang taon sakaniya.
"Grabe naman po iyong iniidolo." Nahihiya kong sabi.
"Sabi ko nga ay tularan ka dapat niya. Engineering din iyon, hija." Pag kkwento niya pa.
"Pag butihin niya po, Mang Gusting."
Saktong alas nuebe ng makarating ako sa munisipyo. 9:30 naman ang usapan kaya maaga pa ako.
Dire-diretso lang ako sa loob. Sinalubong ako ng isang attendant.