Marissa's P.O.V.
Nakauwi na ako sa bahay. Nilapag ko ang plastic bag sa kusina na naglalaman ng mga pinabili ni mama. Pumunta ako sa kwarto at tinapon ang bag sa kama. Naghubad ako ng damit saka nagpalit. Umupo ako sa kama at kinuha ang cellphone mula sa bag ko. Binuksan ko kaagad ang WiFi. Heto na naman ako at umaasa sa mensahe ni Sean na ilang araw na hindi nagpapadala ng mensahe sa'kin.
Ano ba kasi ang nangyayari sa kanya?
Napabuntong hininga ako at itinabi ang cellphone. Mas kailangan kong mag-aral ngayon. Lumipat ako sa upuan, katapat ng study table. Sinubukan kong mag-aral pero bigla na lang pumapasok si Sean sa isip ko. Pinilit ko s'yang kalimutan dahil kailangan kong magpokus ngayon, pero nabigo ako. Kinuha ko ulit ang cellphone at binuksan ang conversation namin. Nag-isip ako ng sasabihin pero wala akong maisip.
Bakit pakiramdam ko ay nahihiya ako sa kanya ngayon?
Pinatay ko ang cellphone at makalipas ang ilang segundo ay muli kong binuksan. Nag-isip ulit ako ng sasabihin pero wala akong maisip.
"Ganito na lang."
Kumuha ko ng litrato ng sarili ko at nag-edit. Nag-type ako ng 'Boring naman. Pahingi ng kausap.' saka ko ito p-in-ost sa IG story ko. Maging sa facebook account ko ay na-i-post ko na rin. Hinintay kong makita ni Sean pero hindi. Ilang tao na ang nakakita pero hindi n'ya pa rin nakikita. Alam ko naman na naka-online s'ya ngayon. Merong iilang nag-reply sa post ko pero hindi ko tiningnan. Mensahe ni Sean ang hinihintay ko at hindi mensahe nila.
Nagsimula ulit akong mag-aral. Ngayon ay palipat-lipat na ang atensyon ko. Mag-aaral tapos sisilip sa cellphone. Hindi tuloy ako makapag-aral ng maayos dito. Sa sobrang inis ko ay tinapon ko ang cellphone sa kama ni ate at muling nag-aral. Mga ilang minuto ang lumipas ay tumayo ako at kinuha ulit ang cellphone. Bumalik kaagad ako sa pwesto ko.
Isang silip na lang at kung wala pa rin. Ayoko na talaga.
Muli kong tiningnan kung nakita na ba ni Sean ang picture ko. Nakaramdam ako ng tuwa dahil nakita n'ya. At the same time, nakaramdam rin ako ng lungkot dahil hindi s'ya nag-reply sa picture kong iyon.
"I'm done." Pinatay ko ang cellphone ko at itinapon muli sa kama.
Muli akong nagbasa at mabuti na lang dahil nakapagpokus na ako ngayon. Maya-maya ay narinig kong merong nagbukas ng pinto ng bahay. Sunod na bumukas ay ang pinto ng kwarto namin ni ate. Pumasok si ate at inasikaso ang sarili. Hindi rin nagtagal ay sumunod na dumating sina mama at papa. Lumabas ako saglit upang mag-mano sa kanila at bumalik kaagad sa kwarto.
Nagpatuloy ako sa pag-aaral hanggang sa tinawag ako ni mama upang kumain. Habang nakaupo sa hapag kainan ay tahimik lang ako. Samantalang kasalukuyan namang nag-uusap sina mama, papa at ate. Hindi ako nakisali sa usapan nila at nanahimik na lang. Hindi ko rin naman kilala kung sino ang pinag-uusapan nila.
"Marissa." Biglang tawag sa'kin ni mama.
Nilingon ko naman s'ya kaagad. "Po?" Tanong ko.
"Bakita tulala ka d'yan?" Balik tanong n'ya.
Nilingon ko sina papa at ate. Nakatingin rin sila sa'kin habang ngumunguya.
"Anong tulala?" Sumubo ako ng pagkain.
"Habang kumakain ka d'yan nakatitig ka sa pagkain ng ate mo." Sabi ni mama at ngumuso kay ate na nakaupo sa tapat ko.
Kinunutan ko lang s'ya ng noo pero hindi ako nagsalita.
"Parang gusto mo yata ang pagkain ng ate mo. Pareho lang naman ang kinakain n'yo." Dagdag pa n'ya. "Lagi na lang tulala kapag kumakain."
Ito talaga si mama lagi akong napapansin sa tuwing tulala ako kapag kumakain.
Umiling ako at nagpatuloy sa pagkain. Hindi na ako umimik dahil parang wala akong gana na magsalita ngayon. Hindi na rin ako kinausap ni mama. Maging sina ate at papa ay hindi na rin ako pinansin. Gayunpaman, iniwasan ko ang matulala ulit. Baka isipin nila ay nababaliw na ako dahil tulala.
Pagkatapos naming kumain ay nagligpit na ako at naghugas ng pinggan. Pinunasan ko na rin ang mesa at malinis na ang lahat. Inasikaso ko na rin ang sarili ko upang pagkatapos kong mag-aral ay matutulog na ako. Bumalik ako sa pwesto ko sa tuwing nag-aaral ako at pinagpatuloy ang ginawa ko kanina. Hindi naman ako inimik ni ate at nakahiga lang rin s'ya sa kama n'ya. Napadpad ang tingin ko sa cellphone na nasa kama ko at kinuha ito. Binuksan ko ito saglit pero kaagad ring pinatay.
Tigilan mo ako cellphone, h'wag mo akong lalandiin ngayon.
Itinabi ko ang cellphone at muling nag-aral. Makalipas ang isang oras ay nakaramdam ako ng antok. Hanggang sa hindi na ako nakatiis at natulog na.
***
Kakababa ko pa lang ng train station at dumeretso na ako sa school. Hindi naman ako nagmamadali ngayon dahil maaga pa naman. Maaga akong nagising kanina dahil kay ate. Nahuli kasi s'ya ng gising kaya nagmamadaling kumilos. Hindi naman ako tulog mantika kaya nagising ako kaagad dahil sa mga ingay n'ya.
Nakapasok na ako sa campus at dumeretso sa room ng unang klase ko ngayong araw. Bahagya akong nagtaka dahil maagang dumating si Sean. Samantalang lagi s'yang huling pumasok nitong nakaraang araw. Hindi n'ya ako napansin at nakatutok lang s'ya sa libro na hawak n'ya. Nakakunot ang noo n'ya habang nagbabasa. Hindi na ako nagtaka dahil sa tuwing nagbabasa s'ya ay laging nakakunot ang noo n'ya.
Ang hot n'ya kaya tingnan.
Naglakad ako papunta sa kanya at tumabi. Saka n'ya lang ako napansin at nilingon.
"Hi." Bati ko sa kanya na para bang hindi kami nagkita ng ilang taon.
Ngumiti s'ya ng kaunti. "Hi." Balik bati n'ya.
Muli n'yang binaling ang atensyon sa libro at hindi na ako kinausap pa. Nakatingin lang ako sa kanya at palipat-lipat ang tingin ko sa mukha n'ya at sa librong binabasa n'ya.
Merong isang estudyante na pumasok at 'yun ay si Issac.
Napalingon ito sa amin at ngumiti. "Sean and Marissa!"
Napalingon na rin si Sean kay Issac.
"Bukas sa bahay. Lahat ng classmate natin ay imbitado kaya h'wag kayong mawawala." Nginitian kami nito.
Tumango lang si Sean kaya napatango na rin ako.
"'Yang tango na 'yan ay aasahan ko." Sabi ni Isaac dahilan para mapangiti ako.
Sa totoo lang ay hindi ko pa alam. Pero pakiramdam ko naman ay merong tsansa na makakapunta ako. Gusto ko rin namang magsaya muna kasama ang classmate ko bago matapos ang school year na ito.
Pumunta na si Issac sa pwesto nito at umupo. Nilingon ko naman si Sean na ngayon ay nasa libro na ulit ang atensyon.
"Pupunta ka ba?" Tanong ko sa kanya.
"Titingnan ko." Sagot n'ya na hindi ako nililingon.
"Ako pupunta ako." Sabi ko kahit alam kong hindi n'ya ako tinatanong.
Napalingon s'ya sa'kin. "You're going?" Tanong n'ya habang nakakunot ang noo.
Tumango naman ako. "Oo."
"Why?" Tanong pa n'ya.
"Bakit hindi?" Tanong ko rin.
Napailing-iling s'ya at hindi na nagsalita pa.
"By the way, sino ba itong babaeng pinagkakaabalahan mo?" Gusto ko sanang itanong sa kanya pero ayaw lumabas sa bibig ko. Parang ayaw kong malaman kung sino. Ewan ko ba, hindi ko naiintindihan ang sarili ko.
Magsasalita na sana ako pero muli n'yang binalik ang atensyon sa binabasa n'ya. At alam ko, panimula na naman ito ng araw na hindi n'ya ako dadaldalin.
Siguro dapat na akong masanay na ganyan s'ya. Lalo na kung meron na ngang babae sa buhay n'ya. Kung sakaling totoo nga ito.
BINABASA MO ANG
Friends With Benefits (R18) [COMPLETED]
RomanceWarning: Mature Content (18+ only.) Friends Series #1 Kaibigan lang ang turing ko sa kanya. Kahit minsan ay hindi nasagi sa isip ko na magkagusto sa kanya. Hanggang sa isang gabi, nangyari ang hindi dapat mangyari. May 17, 2020- June 17, 2020