Marissa's P.O.V.
Lunes ngayon kaya meron akong pasok. Hindi ako lumabas ng bahay kahapon dahil marami akong ginawa. Kung hindi ko hinalungkat ang gamit ko kahapon ay hindi ko maaalala na marami pa pala akong kailangang gawin. Kung alam ko lang na marami pala akong kailangang tapusin ay sana pala hindi na ako pumunta sa bahay ni Isaac. Pero kung hindi ako pumunta noong sabado, mangyayari kaya ang nangyari sa amin ni Sean? Aaminin kong hindi ako nagsisisi. Masaya ako na nangyari 'yun at hindi ko alam kung bakit.
Ang alam ko lang ay natutuwa ako.
Lumabas ako ng bahay at sinara ang pinto. Nagdadalawang isip ako kung aalis na ba ako o hindi. Parang gusto ko kasing puntahan si Sean sa apartment n'ya ngayon.
Nagsimula akong humakbang patungo sa bahay ni Sean. Ilang minuto ang nakalipas ay nakarating na ako. Kumatok ako sa pinto pero walang sumagot. Muli akong kumatok pero wala pa ring sumagot.
"Wala na si pogi d'yan ineng."
Nilingon ko ang matandang babae na nakatira sa katabing bahay ni Sean. Medyo kilala ako nito dahil madalas akong pumupunta dito.
"Nakaalis na, kanina pa." Dagdag nito.
Tiningnan ko ang bintana at nakasara ito. Ibig sabihin ay nakaalis na nga si Sean. Sana pala ay tiningnan ko muna ang bintana bago ako kumatok.
Muli kong binalik ang tingin kay nanay. "Sige po nay, salamat po."
Nginitian n'ya ako at tinanguan. Nagsimula ulit akong maglakad papunta sa train station. Nakasakay na ako sa tren at hinintay na dumating sa station na bababaan ko. Ilang minuto ang lumipas ay nakababa na ako. Naglakad ulit ako papunta sa school at dumeretso sa room. Napakunot ang noo ko dahil wala pa si Sean dito. Nakaalis na s'ya sa bahay nila at kanina pa. Malamang ay mauuna s'yang dumating kesa sa'kin. Pero bakit wala pa s'ya dito ngayon.
Umupo ako sa upuan ko at hinintay ang iba kong classmate, lalo na si Sean. Nangalahati na kami dito sa room pero wala pa rin s'ya. Karamihan sa dumating ay pinag-uusapan ang tungkol sa nangyari noong sabado ng gabi. Tawa sila nang tawa habang nagkukwentuhan. Natatawa na rin ako dahil naririnig ko ang mga pinagsasabi nila.
Limang minuto na lang at magsisimula na ang klase saka dumating si Sean. Umupo s'ya kaagad sa tabi ko.
"Saan ka galing?" Tanong ko sa kanya.
Nilingon n'ya ako. "Sa bahay." Maikling sagot n'ya.
"Na-late ka ba ng gising?" Tanong ko pa.
Tumango naman s'ya. "Oo."
Hindi ako nagsalita at tumingin sa harap. Ang alam ko ay nakaalis na s'ya ng bahay n'ya kanina pa. At sinabi rin sa'kin ng kapitbahay n'ya.
Meron talaga s'yang nililihim sa'kin. Pero ano? Bakit ayaw n'yang sabihin?
Nagsimula na ang klase namin at tahimik lang si Sean. Sanay naman akong tahimik s'ya sa klase. Pero hindi n'ya ako tinapunan ng tingin simula kanina. Hindi ko naiintindihan. Bakit parang balewala lang sa kanya ang nangyari noong sabado ng gabi?
Pero meron ba talagang ibig sabihin 'yun?
Nagawa na namin 'yun noon. Pero bakit namin 'yun ginagawa? Magkaibigan lang naman kami. Wala kaming nararamdaman sa isa't isa.
Pero wala nga ba Marissa?
Napabuntong hininga ako at nakinig sa klase namin hanggang sa matapos ito. Lunch break na at nagsimula ng magsilaban ang mga classmate ko. Pero si Sean ay nanatili pa ring nakaupo.
Nilingon ko s'ya. "Sean." Tawag ko sa kanya.
Nilingon n'ya rin ako. "Hmm?"
"Hindi ka pa ba kakain?" Tanong ko sa kanya.
Umiling s'ya. "Hindi pa. Mauna ka na."
Bakit ganito? Bakit ganoon pa rin s'ya magsalita sa'kin? Ano ba ang nangyayari sa kanya?
"Sigurado ka?" Paninigurado ko.
Muli s'yang tumango. "Oo." Maikling sagot n'ya.
Napalunok ako at tumayo. Kinuha ko ang bag ko at sinukbit sa balikat ko. Naglakad ako palabas ng pinto pero muli ko s'yang nilingon. Nakatuon ngayon ang atensyon n'ya sa cellphone n'ya. Wala na akong magawa at umalis na lang. Pumunta ako sa canteen at nag-order ng pagkain. Nang nakuha ko na ang pagkain ko ay naghanap ako ng mauupuan. Mabuti na lang at nakahanap kaagad ako.
Hindi ko alam pero napalingon ako sa entrance ng canteen. Napakunot ang noo ko nang nakita kong pumasok si Sean. Bumili na rin s'ya ng pagkain n'ya at naghanap ng mauupuan. Nagsimula s'yang kumain at masasabi kong hindi n'ya alam na nakatingin ako sa kanya.
Ayaw n'ya ba akong kasabay kumain?
Napayuko ako at nagsimulang kumain. Napapasulyap ako kay Sean na kumakain pa rin. Hanggang sa tapos na s'ya. Tumayo s'ya at nagsimulang umalis. Tapos na rin ako kaya nagmadali akong tumayo at kinuha ang bag ko saka dinala ang bote ng tubig na binili ko. Lumabas ako ng canteen pero hindi ko na nakita si Sean. Balak ko sana s'yang sundan pero nawala na s'ya sa paningin ko. Nagsimula akong maglakad papunta sa susunod na klase ko. Pagkarating ko doon ay wala ulit si Sean.
Seryoso ba s'ya? Saan ba s'ya pumupunta? Ano at sino ba ang pinagkakaabalahan n'ya?
Pumunta ako sa pwesto ko at umupo. Sa tingin ko ay maghihintay na naman ako sa kanya. Inabot ng ilang minuto ay wala pa rin s'ya. At masasabi kong mamaya pa s'ya darating kapag malapit na magsimula ang klase namin.
Hindi ako nagkamali dahil limang minuto na lang ang natitirang oras saka s'ya pumasok dito. Hindi ko s'ya tiningnan hanggang sa naramdaman kong umupo s'ya sa tabi ko. Napasulyap ako sa kanya. Nakasandal na s'ya ngayon at nakatingin sa harap. Hindi n'ya man lang ako tinapunan ng tingin.
Kalaunan ay dumating ang professor namin at napamura ako sa isipan ko. Baka pwede s'yang lumiban kahit isang beses man lang. Magpahinga na muna s'ya saglit.
Nagsimula na ang klase namin at heto na naman kami ni Sean. Para kaming hindi magkakilala pero magkatabi. Ayaw n'ya talaga akong pansinin simula pa kanina. Magsasalita lang kapag tinatanong ko pero kapag hindi, hindi rin s'ya iimik.
Nakinig ako pero hindi ko pa rin maiwasan ang mapasulyap kay Sean. Hindi ko alam kung bakit ko ito ginagawa ngayon. Samantalang noon ay hindi ko naman s'ya nililingon. Naiinis na rin ako sa sarili ko. Para na akong tanga dito. Para akong isang babae na uhaw na uhaw sa atensyon ng best friend ko.
Tuloy-tuloy ang klase namin hanggang sa matapos ang araw na ito. Dali-dali kong niligpit ang mga gamit ko at sinulyapan si Sean.
Nakatayo na s'ya at nilingon ako. "Una na ako." Paalam n'ya.
"Uuwi ka na ba o meron ka pang dadaanan?" Tanong ko at tumayo na rin.
"Hindi pa ako uuwi." Sagot n'ya. "Meron pa kasi akong pupuntahan."
"Gusto mo samahan kita?" Nginitian ko s'ya.
Umiling s'ya. "Hindi na. Baka matagalan ako ng uwi."
Mangungulit na sana ako pero h'wag na lang. Baka kasi magalit na naman s'ya.
"Sige, mag-iingat ka." Bilin ko sa kanya.
Nginitian n'ya ako ng kaunti saka s'ya umalis. Napabuntong hininga ako habang sinusundan s'ya ng tingin.
I miss him.
BINABASA MO ANG
Friends With Benefits (R18) [COMPLETED]
RomanceWarning: Mature Content (18+ only.) Friends Series #1 Kaibigan lang ang turing ko sa kanya. Kahit minsan ay hindi nasagi sa isip ko na magkagusto sa kanya. Hanggang sa isang gabi, nangyari ang hindi dapat mangyari. May 17, 2020- June 17, 2020