Chapter 29 - GOODBYE

1 0 0
                                    

Nagising ang dalawa dahil sa ingay sa labas. Hindi maintindihan kung isa lang ba itong normal na pangyayari kada umaga o mayroong kaguluhan.

Agad na bumangon sa pagkakahiga ang natural na usiserang si Tepi. Dahan-dahan rin namang bumangon sa higaan si Carlo na mahinahon lamang.

Paglabas ng kwarto ay wala na roon ang matandang may-ari ng bahay. Agad na nag-alala ang dalawa at lumabas ng bahay kahit na pipikit-pikit pa ang mga mata.

Kanilang nakita ang tumpok ng mga tao sa labas. Tila may nangyayaring masama.

"Ano bang ganap ng mga ito, bakit sila nagkakagulo. May pasayaw na naman ba? Bongga! Mukhang party party na naman!" sabi ni Tepi.

Agad itong sumingit sa mga nagtutumpukang mga tao.

May mga pulis.

"Magandang araw ho! Wag ho kayong matakot at wala kaming gagawing masama. Mayroon lamang ho kaming hinahanap na isang araw nang nawawala." sigaw ng isang pulis.

"Mabuti naman. Ako ang pinuno dito. Maaari ba naming malaman kung sino o ano ang hinahanap n'yo?" tanong ni Ka Kanor.

Lumapit ang pulis kay Ka Kanor at ipinakita ang larawan.

"Nakikilala n'yo ho ba ang mga ito. Naiwan ang kanilang sasakyan sa kalsada malapit dito. Nagbabakasakali kaming baka nagawi sila dito." paliwanag ng pulis.

Natigilan si Ka Kanor.

"Bakit n'yo sila hinahanap? Mga kriminal ba sila?" tanong nito.

"Hindi ho. Isang araw na ho kasi silang nawawala at nag-aalala na nang labis ang kanilang mga magulang." sagot ng pulis.

"Mabuti naman. Nauunawaan ko. Mga kasama!" sigaw ni Ka Kanor.

Parang tubig na humawi ang mga tao at naiwan sa gitna ang tulalang si Tepi. Sa likod nito ay ang walang reaksyong si Carlo.

"Hayon sila!" sigaw ni Ka Kanor.

"Maraming salamat ho sa inyong kooperasyon!" sagot ng pulis.

Agad na lumapit ang pulis kay Tepi at ipinaliwanag ang dahilan kung bakit sila nandoon.

"So kayo na po ang susundo sa amin?" tanong ni Tepi.

"Tama! Kuhanin n'yo na ang inyong mga gamit at tayo ay aalis na." sabi ng pulis.

"Sandali lamang ginoo! Hindi naman siguro kayo ganoong nagmamadali. Bakit hindi na kayo sumabay ng pananghalian sa amin. Malapit na rin naman sumapit ito?" tanong ni Ka Kanor.

"Hindi na ho. Salamat sa inyong anyaya!" sagot ng pulis.

"Hindi kami tumatanggap ng pagtanggi. Sige na at magsiupo kayo!" sambit ni Ka Kanor.

Agad namang napaupo ang mga pulis na halata na rin naman na mga gutom na. Nakita nito ang mga kababaihang nagbubuhat ng malalaking kawang paglulutuan ng kanilang tanghalian. Agad namang tumulong ang mga ito at pati sa pagluluto ay nakisaya na rin. Isa-isang hinubad ng mga ito ang kanilang mga uniporme na nakasuot na lamang ng puting t-shirt.

Habang nag-aantay na maluto ang mga pagkain ay muli na namang narinig ang mga tunog na hudyat na magkakaroon ng isang pagtatanghal.

Isa-isang bumuo ng isang bilog ang mga kabataan at umindayog sa isang katutubong sayaw.

Ang tuwang tuwang si Tepi ay muli na namang nakisabay at tila mas nagugustuhan na ang kanyang mga ginagawa.

Malakas ang mga tawanan. Isang magandang larawan na nakapagpangiti na naman kay Carlo. Sa isang sulok ay patago nitong ipinamamalas ang kanyang pagkamangha sa babaeng hindi n'ya akalain na mayroon din palang magandang bahagi ng pagkatao.

Pagkatapos ng sayawan ay agad na inihanda ng mga kababaihan ang isang masarap na tanghalian.

Ang kahapon lamang na kung ano-ano ang iniisip ay tila gutom na gutom at kinakain na halos ang lahat ng nasa kanyang harapan.

Magkatabi ang dalawa. Sa isang sulok ay parang mga inasinang bulate ang mga batang kilig na kilig sa kanilang mga nakita.

"So kumakain ka na pala ngayong ng katawan ng tao?" tanong ni Carlo.

"Shut up! Ang sarap sarap na nang kain ko dito oh!" sagot ni Tepi.

"Oh eto mukhang masarap! Tikman mo!" hawak ni Tepi ang isang malaking bahagi ng manok at pilit na isinubo kay Carlo.

Sa kabilang bahagi ng hapag, "Eeeehhhhh!" pangkakantyaw ng mga batang kilig na kilig sa kanilang mga nakita.

Ang seryosong si Carlo ay agad din namang bumawi at hinawakan sa baba si Tepi at iniharap sa kanya. Agad din nitong isinubo ang isang tumpok ng kanin.

Halos masuka si Tepi pero pilit n'yang nilunok dahil nakatingin na sa kanya ang lahat ng mga matatanda.

Natapos na ang tanghalian. Ang lahat ay labis na nabusog sa kanilang mga pinagsaluhan.

Agad na rin namang nagpaalam ang mga pulis kay Ka Kanor.

"Maraming salamat ho sa inyong mainit na pagtanggap sa amin. Lalo na sa napakagandang presentasyon at napakasarap na pagkain. Kami ho ay lilisan na." sabi nito.

"Walang anuman. Ito ay kakabit na ng aming kultura. Isang malaking karangalan rin sa amin na pagsilbihan kayo. Bumisita lamang kayo kapag inyong nais." sagot ni Ka Kanor.

Habang nag-uusap ang pulis at si Ka Kanor ay lumapit din ang matandang nagpatuloy kina Carlo at Tepi.

"Iho, iha! Maraming salamat sa inyong pagbisita sa amin. Hindi namin ito makakalimutan. Nawa ay naging masaya kayo sa inyong pamamalagi rito. Iho, kahit hindi mo sinasabi. Nawa ay magkaroon ka na nang lakas ng loob para magawa ang nais mong isagawa. Iha, ikaw naman. Sana ay nagbago na ang larawan ng aming lugar sa iyong isipan. Humayo kayo na may mga ngiti sa labi at ako ay umaasa na maging masaya kayo na magkasama." sabi ng matanda.

"Maraming salamat rin ho, nanay! Hindi namin makakalimutan ang naging pagtanggap n'yo sa amin at ang mga ipinaranas n'yo sa amin. Sayang nga lang ho at hindi man lang tayo makapagpi-picture." sagot ni Tepi.

"Salamat po sa inyong lahat. Masaya po kami!" ang hirap na hirap magtagalog na si Carlo ay ito na lamang ang nabanggit.

Agad na rin namang sumunod ang dalawa sa mga pulis at iniwan ang mga nakangiti at kumakaway na mga katutubong aeta. 

MY INTENSE BEAUTY (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon