15: WE'RE DYING BECAUSE OF (COVID-19) HUNGER

8 2 0
                                    

WE'RE DYING BECAUSE OF (COVID-19) HUNGER

"Pagkatapos ng CoVid kuya dito na tayo tumambay ah," excited na sabi ng bunso kong kapatid na si Cristhel. Pinagmamasdan namin ang nasimulan ng White Sand Project dito sa Manila Bay.

"Sige ba bunso. Ang ganda 'di ba?" saad ko habang pasan-pasan siya. "Oo kuya, mas nakakabusog na yung view kapag natapos na 'no?"

Napatingala ako sa langit, hanggang kailan kaya kami mapapako sa ganitong sitwasyon. Kung saan-saan kami tumatambay ng kapatid ko simula no'ng mapalayas kami sa apartment na tinutuluyan namin dahil hindi kami makapagbayad sa renta.

"Jan, ano? Ilang buwan na kayong hindi nakakabayad! Pare-pareho tayong may pangangailangan!" sigaw ni Aling Rosetta, habang nagsasampay ako ng damit sa bakuran.

"Pasensya na po, wala pa rin po kasi akong mahanap na trabaho. Hindi po kasi sila tumatanggap pa."

"Problema ko ba 'yon aber? Kung hindi niyo lang rin kayang makapagbayad nang tama at nasa oras, aba e magsilayas na kayo ng kapatid mo rito!" Halos manghina ako, kung nakasama lang kami kina inay pabalik ng probinsya, hindi namin ito mararanasan.

"Kuya! Kanina pa kitang tinatawag. Mukhang malalim ang iniisip mo ah." Sa tuwing nakikita kong nakangiti sa bunso, kahit papaano gumagaan ang loob ko.

Nakakaraos naman kami sa isang araw, minsan swerte na kung makatatlong beses kaming nakakakain. Kung saan-saan kami nakakalat, mabuti na lang may nagbibigay sa'min mula sa isang karinderya. Kaso doon rin kami nanggaling kanina at nagsara na pala ito.

"Bunso, saan galing iyang mga pagkain mo?" tanong ko sa kaniya, gabi nang naalimpumgatan ako.

May dala siyang dalawang supot at styro na naglalaman pala ng kanin at sinigang. "Ibinigay sa'kin nung pari kanina sa loob ng simbahan. Nakita niya kasi akong tumatambay roon, hindi rin ako makatiis kuya kaya pumunta lang ako saglit."

Marahan kong ginulo ang buhok niya. "Sa susunod huwag ka nang aalis na mag-isa ah. Huhulihin ka ng mga pulis sige ka..." Agad siyang tumango-tango sa sinabi at mabilis naming sinimulan ang hapunan.

"Hoy! Bawal kayo dito! Sumama kayo sa amin!" Napahawak nang mahigpit ang kapatid ko nang may dumating na tanod dahilan para hindi namin matapos ang pagkain. Dahan-dahan akong tumayo..."Kuya, anong gagawin natin?" Lalapitan niya na sana kami nang agad kong madampot ang styrong may laman pang kaunti sabay tapon sa pagmumukha niya.

Kinakabahan ma'y kumaripas ako ng takbo habang pasan ko si bunso. Bahala na kung saan ako mapadpad, ang kailangan namin ngayon ay makatakas.

Nang lumingon ako sa likod ay naroon pa ang tanod kaya't binilisan ko pa ang pagtakbo hanggang sa mapadpad kami sa isang abandonadong bodega. Hindi maganda ang amoy ngunit kaya na namin itong pagtiisan basta may matuluyan lang.

Dumaan ang ilang mga araw, sunod-sunod ang pagpatak ng malalakas na ulan kaya't hindi kami makalabas. Nililibang na lamang namin ang aming mga sarili sa paglalaro ng holen na nakita namang pakalat-kalat lang sa isang sulok. Sa tuwing nauuhaw nama'y tubig-ulan na lang ang iniinom namin.

Awang-awa na 'ko sa kalagayan naming dalawa, lumipas pa ang mga araw at inapoy nang mataas na lagnat si bunso. Hindi na rin kami nakakakain nang maayos kaya't napag-isip-isip kong humanap na ulit nang mapagkakakitaan o di kaya'y lumapit sa paring tinutukoy niya noon.

Nanginginig ang aking kapatid na nakahiga sa malamig na semento nang siya'y iwanan ko. Nag-iwan rin ako ng isang hiwa ng tinapay na ibinigay sa akin ng isang batang lansangan rin kanina.

"Kuya, huwag mo 'kong iwan... Natatakot ako..." hinang-hina nang sambit ni bunso. Hinalikan ko ang noo niya sabay ngiti. "Sandali lang si Kuya, pagbalik ko marami na akong dalang pagkain, 'di ba gusto mo rin ng candy? Papasalubungan ka ni kuya..." Pigil ang mga luha kong pinagmamasdan ang namumutla niyang mukha.

"Sabi mo 'yan ah. Maglalaro rin ulit tayo ng holen paggaling ko. Bulok ka kasi e," natatawa pa niyang sabi.

Nang makaalis ako'y siya ring tila ng ulan kaya mapapadali na lang ako sa pagpunta sa simbahan.

Ilang minuto pa lamang ako sa paglalakad ay napahinto ako nang may tumawag sa'kin, "Jan! Anak!" Nilingon ko ito't agad akong sinalubong ni inay ng yakap.

"Jan! Mabuti nakita na kita. Sumama ako sa kaibigan kong nasa Maynila para isama na kayo pauwi. May nakapagsabi sa akin na pinalayas raw kayo ni Aling Rosetta. Napakasama talaga niya," napangiti naman ako nang wala sa oras dahil inis na inis ang hitsura niya.

"Hayaan mo na inay, ang importante magkakasama na ulit tayo."

"Tara muna't bumili ng pagkain, nakapananghalian ka na ba? Teka, si Cristhel nasaan?" Nag-aalala niyang tanong.

"May nahanap kaming matutuluyan inay, iniwan ko muna siya para makahingi ng tulong sa simbahan, nilalagnat siya. Ilang araw kaming hindi nakakain nang maayos inay..." Yinakap niya 'kong muli. "Patawad anak kung natagalan ako ah, ang tagal ng proseso bago pa makaalis papunta rito. Tara na, bumili na rin tayo ng gamot.

Nagmamadali kaming bumili nang makakain at gamot sa kagustuhan ni inay na makita ulit sa bunso. Nang matapos ay sumakay na rin kami ng tricycle kaya itinuturo ko sa driver ang mga direksyon papunta sa tinutuluyan namin pero bagsak ang balikat kong pinagmasdan ang naabutan.

"C-Cristhel? Anak?! Nandito na sa inay, uuwi na tayo..." Mahigpit na nakayakap si inay sa aking kapatid. Mulat pa ang mga mata nito't nakaawang ang bibig.

Pinunasan ko ang mga luhang kanina pa pala tumutulo. Lumapit ako sa kaniya't hinawakan ang kaniyang kamay na kung kanina'y mainit, ngayo'y napalitan ng nagyeyelong lamig.

Doon ko napansing ubos na ang tinapay na iniwan ko para sa kaniya. Nagtaka lang ako kung bakit pati mga holen na pinaglalaruan lang namin ay nabawasan ng dalawa.

Tinitigan kong muli ang payapa niyang hitsura. Pilit kong winawaglit sa isip kong sa sobrang gutom ay sinubukan niyang lununin pati ang mga iyon.

Napahagulhol na lang ako habang hinahaplos ang mga pisngi niya.

Sa ganitong panahon, ilan na ang binawian ng buhay nang dahil sa pandemya, ngunit masakit rin isiping may mga buhay ring nawawala gaya ng aking kapatid buhat sa gutom at kakapusang aming iniinda una pa lang.

Sanay akong pinapasan siya saan man kami magpunta, sanay akong pinapasan siya sa tuwing maghahanap kami ng paraan upang magkalaman ang aming mga sikmura.

Ngunit sa pagpasan ko sa kaniya ngayo'y halos madurog ang puso ko sa isiping huhukayin ko na ang libingang nakalaan para sa kaniya, patungo sa lugar kung saan hindi na siya muling mahihirapan pa.

PLAGIARISM IS A CRIME. 
@jay.destro
Illustration by: Sun Project

That Golden Boy: Collection of Random Short StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon