22: NANANAHIMIK AKO

8 2 0
                                    

Ate?" tawag ko kay ate Elaine habang kinakatok muli ang kwarto niya. Makailang beses ko pa siya ulit tinawag ngunit walang sumasagot kaya't napagpasyahan kong buksan ang pinto.

Umalis na naman siya...

Araw-araw tulala ang ate ko, oras-oras umiiyak at hindi niya na ring naiisipan pang kumain. Kung kakain man siya'y didiretso sa labas hanggang sa hatinggabi na siya nakakauwi.

Nakakalat ang pira-pirasong papel sa ilalim ng study table niya kaya't agad ko rin itong nilapitan. Hilig niya ang magsulat ng mga tula, ngunit para bang sa kalagayan niya ngayon, hindi niya mahanap ang mga eksaktong salita at diwa ng piyesang kaniyang gagamitin.

Tila naliligaw ang kaniyang damdamin kaya maging ang nakagawian niya'y unti-unti niya nang binibitawan.

Nasa gitna ako ng pagmumuni-muni nang dumapo ang aking mga mata sa isang papel na nakatupi sa dalawa kaya't mabilis ko itong inusisa.

"Nananahimik ako nang bigla kang dumating sa buhay ko... Iyon yung mga panahong wala akong ibang ginagawa kundi mahalin ang sarili ko. Mga panahong hindi pa ako nakararamdam ng sakit dulot ng sobra-sobrang pagmamahal para sa isang kagaya mo.

Dumating ka, sinimulan mo akong ligawan. Araw-araw mo 'kong hinahatid-sundo sa school na kung minsa'y dito ka pa sa bahay maghahapunan para makasabay sina Mama. Yung mas inuuna mo pa 'kong tulungan sa paggawa ng homeworks o 'di kaya ng mga projects ko kaysa sa mga requirements na kailangan mo ring magawa nang maaga.

Yung kapag may free time ka, maya't maya mo kong china-chat at tinatawagan para makausap ako at lagi mong sinasabing kung kumusta ba ang araw ko? Kung ayos lang ba 'ko? Kung nakakain na ba 'ko? Kung mahimbing ba yung tulog ko? Na nagpapagaan ng loob ko dahil alam kong may isang tao nandiyan para pahalagahan ako.

Kapag nagtatampo naman ako, hindi ka titigil sa kakasuyo, kahit alam mong wala akong ganang makipag-usap sa'yo wala kang pakialam basta masiguro mo lang na maging okay agad tayo. Yung tatadtarin mo 'ko ng mga messages, kapag may load ka magse-send ka rin ng voicemail para lang kantahan ako. Kahit pa boses palaka ka, natutuwa ako kasi nag-e-effort ka talaga. Minsan magse-send ka pa ng mga memes para lang mapatawa mo agad ako.

Ikaw yung taong unang-una kong nilalapitan kapag may problema. Ikaw yung naging sandigan ko, na parang sa sandaling makita lang kita, ayos na 'ko.

Sinagot kita, kitang-kita sa hitsura mo kung gaano ka kasaya nung araw na 'yon. Lalo tuloy akong nagkaroon ng tiwala na ikaw na talaga yung lalaking makakasama ko habambuhay.

Pero nagkamali ako...

Dumating sa puntong nawawalan ka na ng oras para sa'kin. Naiintindihan ko naman kasi pareho tayong abala sa personal nating buhay. Iniisip ko na lang na magseseryoso tayo sa pag-aaral para sa plano nating dalawa. Ngunit ang masakit para sa'kin ay yung sabihin mong kailangan mo munang hanapin yung sarili mo.

Doon ko naisip na baka nagkulang ako kaya mo idinahilan 'yon. Hanggang sa naging malamig ka na sa'kin, tinatadtad na kita ng messages at calls pero hindi mo na 'ko nagawang sagutin.

Na para bang sa ating dalawa ako na lang yung lumalaban, yung patuloy na nagmamahal.

Na kung kailan ako nasanay na lagi kang nandiyan... saka mo naman ako iniwan.

Ako tuloy yung nagmumukhang tanga sa huli, hinahabol kita. Gustuhin ko mang malaman kung bakit ka nag-iba, ay hindi ko rin magawa dahil lumayo ka.

Umalis ka...

Ipinagkatiwala ko ang puso ko sa'yo na hindi ko inakalang dudurugin mo. Sinong bubuo nito? Kung yung taong inuuwian nito'y umalis na sa tabi ko?

Siguro nga ay hindi tayo para sa isa't isa. Makakalimutan rin kita, maliban sa mga masasayang alaalang sabay nating binuo.

Nananahimik ako nang bigla kang dumating sa buhay ko... Iyon yung mga panahong wala akong ibang ginagawa kundi mahalin ang sarili ko na susubukan kong gawing muli upang maghilom ang sugat na iniwan mo sa'king puso..."

Mabigat ang dibdib kong lumabas ng kwarto upang silipin kung sino man yung nagdo-doorbell sa labas. Siya na yata yun.

Nalulungkot ako nang sobra para sa kaniya. Gustong-gusto ko siyang yakapin para kahit papaano'y maramdaman niyang nandito pa ako.

Pagkalabas ko ng pinto'y mabilis akong tumakbo papunta sa gate upang pagbuksan siya ngunit nagulat ako sa nakita.

"Xam..."

"Kanina pa kita tinatawagan, hindi mo naman sinasagot kaya pumunta na 'ko rito. May problema ba tayo Shiella?" Tuluyan nang tumulo ang mga luha ko. Ganitong-ganito kaya siya kay ate noon?

"T*ngina tabe! Kung maglalampungan na lang din naman kayo, doon na sa kwarto!" Halos mapatalon ako sa gulat nang dumating si ate.

"E-Elaine..." Inalalayan niya si ate sa paglalakad dahil mukhang maya-maya lang ay matutumba na rin ito.

"G*go! Huwag mo 'kong mahawak-hawakan! Asikasuhin mo yung kapatid ko't siya ang ipinunta mo rito..." mangiyak-ngiyak niyang sabi. "Ayokong mangyari sa kapatid ko ang ginawa mo sa'kin. Hayaan mo na ako, kung ako ang tatanungin kung sino ang mas nasasaktan ay siya 'yon."

"A-Ate..."

"Shiella, hindi masamang sumugal. Masaya ako para sa inyo, pero aminin ko man o hindi, masakit para sa'king ikaw na kapatid ko ang nagmamay-ari na ngayon ng lalaking minahal ko nang buong-buo."

PLAGIARISM IS A CRIME.
@jay.destro

That Golden Boy: Collection of Random Short StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon