NAKANGITI kong inaayos ang buhok ni Saia habang ibinibigay niya sa akin ang mga bulaklak na ipinapalamuti ko rito. Nakaupo kami sa isang malaking troso sa gitna ng kagubatan.
"Sabi ng aking mga kalaro ay hindi maganda ang pakpak ko," wika niya. Pinapanood ang mga batang Vanya na lumilipad at naglalaro, ang mga nilalang na may pakpak ng isang paru-paro. Paikot-ikot sa himpapawid, kung minsan ay nagpapahinga sa itaas ng matatayog na puno.
"Hindi totoo iyon, ang pakpak mo ang pinakamagandang pakpak na nakita ko. Huwag kang maniwala sa kanila dahil naiinggit lamang sila sa iyo," bulong ko malapit sa tainga niya dahilan upang humagikhik siya.
"Nakikiliti ako, Ashtrea." Umiwas siya sa akin kaya nabitawan ko ang kaniyang buhok dahilan upang magulong muli ang pagkakaayos niyon. Sinayaw ng hangin ang kulot at mahaba niyang buhok.
Bumuntong hininga ako. "Ang kulit mo talaga, Saia. Tingnan mo, magulo na ulit ang buhok mo." Ibinaba ko ang hawak na bulaklak sa hita ko, ang sana'y huli kong ilalagay sa buhok niya. "Pagod na ako, kanina ko pa inaayos ang iyong buhok ngunit laging nagugulo dahil sa kakulitan mo."
Sumimangot siya.
"Ayusin mo ulit, Ashtrea. Pangako, hindi na ako magiging makulit," nakangusong aniya. Umirap ako at ginaya siya kaya muli siyang napasimangot. Tumayo siya sa tabi ko at ibinaling ang paningin sa mga batang katulad niya. "Pangit na nga ang pakpak ko, pangit pa ang buhok ko. Paniguradong pagtatawanan nila ako," malungkot niyang wika, nagpapaawa. Hinawi ng maliit niyang kamay ang buhok, bahagyang ginulo.
Paismid akong natawa sa inasta niya, lalo na nang ilabas niya ang pakpak niyang kulay puti at itim. Simple ang kulay nito, nangingibabaw ang puti na sadyang kay linis tingnan.
"Ilang beses ko nang sinabi na hindi pangit ang iyong pakpak, Saia, sadyang makulay lamang ang kanila. Halika na, maupo ka ulit dito sa tabi ko. Aayusin kong muli ang iyong buhok para hindi ka na malungkot." Tinapik ko ang tabi ko kung saan siya nakaupo kanina.
Nakangiti niyang itiniklop ang pakpak niya at naupo patalikod sa akin.
"Gustong-gusto ko ang pag-aayos mo lagi sa buhok ko, Ashtrea. Pinupuri ng mga kalaro ko sa tuwing makikita nila," masayang aniya.
"Kaya nga huwag ka nang makulit para matapos na agad ang pag-aayos ko sa iyong buhok," nangangaral kong wika. "Para makita nilang ikaw ang pinakamaganda sa kanila." Muli kong inayos ang buhok niya sa paraang gusto niya, ibinalik ko ang mga bulaklak sa ayos nito kanina.
"Wala ka bang gagawin ngayon? Maagang umalis si Clara. Bakit hindi ka sumama katulad ng dati?" inosente niyang tanong. Tinutukoy ang kaibigan kong si Clara na isa ring Vanya.
Sa lahat ng naninirahan dito sa Lindana, ang maliit na isla sa silangan ng bumagsak na kaharian ng Helvera, ay ako lamang ang hindi kabilang sa kanilang lahi. Ito ang lugar na naging kanlungan ko sa loob ng ilang taon, sa dami ng lugar na aking pinaglagian ay dito lamang ako nagtagal. Itinuring ko na rin na tahanan ang lugar na ito at naging halos kapamilya na ang turing nila sa akin kahit pa si Clara lamang ang may alam kung saan ako nagmula.
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasyAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...