Wakas

265 8 1
                                    

NAPATINGIN ako sa pinto ng aking silid nang marahas itong bumukas. Tumambad ang nagmamadaling si Karim na hindi maipinta ang mukha, tiim ang bagang at matalim ang mga matang itinutok sa akin. Pawis na pawis ito habang suot ang kasuotan sa pakikipaglaban, mukhang katatapos lang magsanay.

Kahit na ganoon ang ayos niya ay hindi ako nakaramdam ng takot o ano pa man, nanatili akong kalmado. Nakatingin sa kaniya, may halong pagtataka.

Nakaupo ako sa harap ng mesa sa aking silid habang nagbabasa ng libro tungkol sa sining ng pakikidigma. Nang makalapit ay malakas na hinampas ang kamay sa mesa.

"Akin ang trono, Savion. Akin ang babaeng gusto ko! Sa akin mapupunta ang lahat sa huli!" mariin niyang wika. "Tandaan mo yan!"

Kumunot ang noo ko at tumiim ang bagang ko. Hindi ko naman inaagaw sa kaniya ang trono para sabihin niya iyon. Sa kaniya naman talaga iyon pero ang babaeng gusto niya na mahal ko ay akin! Akin si Ashtrea! Mahal ko siya at gagawin ko ang lahat para mahalin niya rin ako. Ako ang pipiliin niya kaysa sa hangal kong kapatid!

Isang taon pa lamang kaming magkakilala ni Ashtrea ngunit alam kong sigurado na ako sa nararamdaman ko para sa kaniya. Mahal ko siya kahit kaibigan lamang ang turing niya sa akin. Ngunit magbabago rin iyon kalaunan dahil babaguhin ko iyon. Ipapakita at ipaparamdam ko sa kaniya na tinatangi ko siya, aalalagaan ko siya hanggang sa mapagtanto niya na pareho kami ng nararamdaman para sa isa't-isa.

Hindi na siya lilingon pa kay Karim. Ako ang pipiliin niya. Akin siya.

Matapos niyang sabihin iyon ay agad siyang umalis sa aking silid na tila walang nangyari. Hindi na nais pang pahabain ang usapan.

Hindi ko alam kung bakit niya naisip na inaagaw ko sa kaniya ang trono gayong wala naman akong interes doon. Marahil ay napagalitan na naman siya ni Ama kaya ganito ang kinikilos at iniisip niya. Kung hindi ko lamang siya kapatid ay matagal ko na siyang pinatulan. Hangal.

Muling sumagi sa isipan ko si Ashtrea. Alam kong may pagtingin siya kay Karim dahil madalas niyang banggitin ang pangalan nito sa tuwing magkasama kami. Ipinapahayag ang kaniyang pagkainis dito ngunit alam ko, sa likod niyon ay nakatago ang patingin niya para sa ginoo.

Minsan ay naniniwala ako na wala nga talagang siyang nararamdaman para sa kapatid ko na siyang ikinasisiya ko. Ngunit marahil ay pinapalubag ko lamang ang loob ko sa isiping iyon.

Kaya sisiguraduhin ko na makakalimutan niya ito. Gagawin ko ang lahat para sa akin lamang siya lumingon, iyong tipong hindi na siya makakalingon pa sa iba. Malulunod din siya katulad ko.

IPINIKIT ko ang isang mata bago tuluyang pakawalan ang palaso, at inis na napapikit noong hindi man lang ito pumasok sa pulang guhit ng tudlaan. Hindi nga umabot kahit sa dulo nito. Dumilat ako at mahinang bumuntong hininga bago muling kumuha ng palaso sa lagayan nito ngunit napahinto ako at galit na lumingon sa isang nilalang nang marinig itong tumawa.

Isang binibini na hindi pamilyar sa akin.

"Pinagtatawanan mo ba ako?" mariin kong tanong kahit malinaw naman iyon sa pandinig ko.

Umiling siya ngunit nang muling makita ang tudlaan ay muling humagikhik. Galit man ay hindi ko maalis ang mga mata sa angkin nitong kagandahan. Nakakatunaw ang tawang pinakawalan niya at nakakalunod ang nangingislap niyang mga mata. Bahagyang nanginig ang kamay ko kaya nabitawan ko ang pana.

Ano itong nararamdaman ko? Kakaiba.

Sa kabila ng kakaiba kong nararamdaman ay pinanatili ko ang galit na para bang matatabunan nito iyon. Ngunit habang kinakausap ko siya ay hindi rin nagtagal ang pinapamalas kong galit dahil para akong nahihipnotismo sa nagpapaawa niyang mga mata.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon