"SANA ay alam natin ang nakatadhana sa atin," aniya kaya napatingin ako sa kaniya. Dumaan ang lungkot sa mga mata niya na agad ding nawala nang tumingin sa akin, sa halip ay napalitan iyon ng isang ngiti. "Maaari naman tayong gumawa ng sarili nating tadhana kung hindi maganap ang hinihiling natin, Ashtrea. Kung mangyari man na makahanap siya ng iba ay bawiin mo siya oras na makamit mo ang iyong pangarap."
"Sana nga ay ganoon lamang kadaling gawin iyon." Tipid akong ngumiti at tumingin sa mga bumabagsak na dahon sa amin dahil sa pag-ihip ng malakas na hangin. "Marami pang taon ang lilipas at maraming mangyayari sa ating buhay at isa lamang ang sigurado roon, Lena, pagbabago. Sa isang iglap ay maaaring magbago ang lahat."
Mahabang katahimikan ang dumaan sa amin hanggang sa makarating kami sa palasyo.
"Nandito na tayo," aniya.
"Halika na." Nauna akong maglakad papasok sa nakabukas na tarangkahan ngunit napahinto nang hindi siya sumunod, lumingon ako sa kaniya at sinenyas ang kamay ko na lumapit siya.
Nagtataka niyang itinuro ang kaniyang sarili.
"Ako, papasok sa palasyo? Maaari ba akong makapasok sa palasyo?" kuryoso niyang tanong kaya natawa ako.
"Oo naman, kaibigan kaya kita. Halika na, sayang ang oras."
Nagliwanag ang mukha niya at patakbong lumapit sa akin.
"Ngayon pa lamang ako makakapasok dito, Ashtrea. Bihira lamang sa mga katulad namin ang nakakapasok dito, liban na lamang kung tagasilbi ka ng palasyo," nasasabik niyang wika.
Napatango ako, oo nga pala. Mga dugong bughaw, maharlika at may katungkulan lamang ang nakakapasok sa palasyo. Hindi maaari ang mga ordinaryong nilalang.
"Kung gayon ay pagsawain mo ang mga mata mo sa pagtingin sa paligid, bawat sulok ng palasyo ay maganda," pagmamalaki ko.
"Hindi naman maipagkakaila iyon," aniya habang inililibot ang paningin sa paligid, puno ng pagkamangha ang mga mata.
Napangiti na lamang ako at napailing, tinahak namin ang daan patungo sa pinagsasanayan namin ni Savion. Wala nang dumaraang mga tagasilbi nang maisipan kong magtanong kung nasaan ang prinsipeng iyon. At sa kamalas-malasang pagkakataon ay nakita ko ang hambog na prinsipe, diretso ang pasilyong dinaraanan namin kaya hindi ako makakaliko ng landas.
Umirap ako sa kawalan at bumuntong hininga nang makalapit na siya, nakikita ko na kasi ang tila lawin niyang mga mata at ang malapad niyang ngisi.
"Magandang araw, Prinsipe Karim," bati ko nang tuluyan na siyang makalapit, bahagyang tumungo bilang paggalang. Si Lena ay umatras ng bahagya at yumuko sa prinsipe bilang pagbati na hindi naman pinansin nito dahil nasa akin ang buong atensyon niya.
"Naligaw ka na naman sa palasyo, Ashtrea. Ngunit nagagalak akong masilayan ka bago ka lumisan. Marahil ay nagpunta ka talaga rito para magpaalam sa akin," arogante niya pang wika kaya napaismid ako.
"Hindi naman ikaw ang ipinunta ko rito, Mahal na Prinsipe," iritado kong wika. Paano naman kaya niyang nalaman na aalis ako? Nakakainis! Lahat talaga ay alam niya!
Napahawak siya sa kaniyang puso at kunwaring nasaktan. "Kanina lamang ay masaya ang puso ko nang masilayan ka ngunit binawi mo agad. Ang lupit mo talaga, Ashtrea."
Sumimangot lang ako sa kaniya. "Sino kaya ang mas malupit sa atin?" asik ko. Hindi hamak na malupit ka dahil inaalipin mo ang lahat ng nasa paligid mo. Walang may gusto sa iyo rito sa palasyo, lalo na ako!
Tumaas ang kilay niya, ngunit hindi nagbago ang ekspresyon. "Lagi na lamang si Savion ang hinahanap mo." Muling bumalik ang ngisi niya, iyong hindi mapagkakatiwalaan. "Dahil diyan ay may nasabi tuloy ako sa kaniya kaya wala siya ngayon dito sa palasyo. Marahil ay mamayang gabi pa iyon babalik. Hintayin mo siya kung gusto mo, malugod kitang sasamahan."
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
Viễn tưởngAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...