AGAD bumitaw sa pagkakahawak ko si Saia nang makarating na kami sa bukana ng kapitolyo ng Tiserro. Tumakbo ito habang inililibot ang paningin sa paligid, masaya at namamangha. Bago sa paningin niya ang lahat ng ito kaya hindi mapakali.
"Saia, huwag kang lumayo at baka mawala ka!" wika ko ngunit tila wala siyang naririnig.
"Babantayan ko siya, Ina," wika naman ni Asheer na nasa kapatid ang paningin. Sinundan ito sa pagliliwaliw.
"Huwag kang mag-alala, kabisado ni Asheer ang buong kapitolyo kaya hindi mawawala iyan. Kung mawala man ay babalik din."
Napakunot ang noo ko sa sinabi ni Calem. Magaan naman ang pagkakasabi niya ngunit hindi magandang pakinggan lalo na sa kaniya na tiyuhin ng bata.
"Bakit? Nawala na ba si Asheer?" nanliliit ang mata kong tanong.
"Hindi pa naman," natatawa niyang wika kaya mahina kong hinampas ang braso niya.
"Akala ko ba ay inaalagaan mo ng maigi ang anak ko?"
"Inaalagaan ko naman talaga ng maigi. Ngunit minsan ay pinapabayaan kong magliwaliw para marami siyang matutunan sa mga bagay. Matalino at matapang ang batang iyan kaya kayang-kaya niya ang lahat."
Umismid ako. Ngunit kalaunan ay napangisi, sinusundan ng tingin ang dalawang bata habang naglalakad kami paalis. Mula rito ay sasakay pa kami sa kabayo bago makarating sa pamilihan.
Maraming nilalang sa paligid, ang iba'y mga manlalakbay din tulad namin, ang karamihan ay mga mangangalakal na ikinakalakal ang mga dala nilang iba't-ibang bagay, malaki man o maliit. Dito pa lang ay buhay na buhay na ang kahariang ito, halatang maunlad at masagana.
NANG makasakay na kami sa mga kabayo namin ni Calem ay isinakay ko si Saia sa akin, habang sa kaniya ay si Asheer. Sabay naming nilakbay ang daan patungo sa pamilihan, kung saan malapit ang kanilang tahanan na siyang magiging pansamantala rin naming tirahan.
Ipinipilit ni Calem na siya na ang bahala sa pagpapagawa ng aming tirahan malapit lamang sa kanila kaya hinayaan ko na lang. Nang sa gayon ay hindi malalayo si Asheer sa dalawa niya pang tiyuhin at sa iba niyang kabigan. Nasasabik din si Saia na makilala ang mga ito dahil nabanggit ito ni Asheer sa kaniya.
Noong sinabi ko kay Saia ang plano kong ito ay agad naman siyang pumayag. Masaya siya na makakasama namin ang kaniyang kapatid at tiyuhin. Bahagya lamang nalungkot na maiiwan niya si Clara at ang mga kaibigan niya. Kaya isang linggo ang itinagal namin sa Lindana bago kami tumulak patungo sa kahariang ito.
Hindi nagtagal ay nakarating din kami sa bukana ng pamilihan. Mas maraming nilalang dito, iba't-ibang uri ng mga nilalang. Kabi-kabila ang pakikipagkalakalan. Mas marami ang nga maharlika base sa magagara nilang kasuotan.
"Ganito pala kagulo ang malaking pamilihan, Ina. Ngayon lamang ako nakakita ng ganito karaming nilalang na iba-iba ang lahi," namamanghang wika ni Saia. Tinuro pa ang isang magandang binibini, mahaba ang kulot na buhok na may nakadikit na mga dahon, ang berdeng kasuotan na hanggang tuhod ay maraming palamuti na bulaklak. "Diwata siya, hindi ba?" tanong niya pa sa nagniningning na mga mata.
Nakangiti akong tumango, halos magkatulad sila ng kasuotan, kulay dilaw nga lang ang sa kaniya at walang bulaklak. Pinahinto ko ang sinasakyang kabayo sa gilid ng daan at bumaba rito.
"Ibaba mo rin ako, Ashtrea." Inabot niya ang mga kamay sa akin dahil hahatakin ko na sana ang kabayo, walang balak na pababain siya.
"Gusto mo pang mapagod ka sa paglalakad," wika ko habang sinusunod ang nais niya.
"Maglilibot kami ni Asheer," aniya, nakatingin sa kapatid niya na kanina pa nakababa mula sa kabayong hatak ni Calem. Nang makatapak sa lupa ay agad tumakbo palapit dito.
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasyAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...