Kabanata 28

127 3 0
                                    

MARAHAN kong sinuklay ang buhok ng kabayong kasama ko sa paglalakbay. Kasalukuyan kaming naglalakad ngayon patungo sa aming tahanan dito sa kapitolyo ng Peridos, kanina pa ako bumaba sa kaniya dahil alam kong pagod na siya.

"Patawad kung lubha kang napagod mula sa mahaba nating paglalakbay, Varo," wika ko. Hindi niya ako pinansin, dinadama niya lamang ang pagsuklay ko sa kaniyang buhok gamit ang aking kamay. "Huwag kang mag-alala dahil paiinumin at pakakainin kitang muli kapag nakauwi na tayo." Hinawakan ko ang tali niya at iginiya siya.

Kanina ko pa natatanaw ang malaking palasyo mula sa malayo ngunit pilit ko itong binabaliwala, maging ang umuusbong na damdamin sa akin.

Isang nilalang lamang kasi ang naaalala ko roon. At ayoko muna siyang isipin sa ngayon.

Dumaan kami sa likod ng pamilihan hanggang sa matanaw ko na ang puno ng sopya at ang pakurbang tulay. Hindi maalis ang tingin ko roon hanggang makarating kami sa harapan nito. Nang umihip ang hangin ay tinangay nito ang mga bumabagsak na kulay rosas na dahon.

Sa tagpong iyon ay may bumalik na alaala sa akin. Biglang nanikip ang dibdib ko. Hindi ko ito gusto. Mariin akong pumikit at umiling. Ibinaling na lamang sa ibang bagay ang aking mga mata upang maiwala ang aking isip.

Pinasadahan ko ng tingin ang buong paligid.

Higit pitong taon na noong umalis ako sa lugar na ito kaya pansin ko ang pagbabago. Mas umunlad at gumanda ang lugar. Umaliwalas ang paligid dahil sa mga puno, ang mga tahanan ay lumaki, nakakadagdag din sa ganda ang magandang panahon ngayon. Nang magsawa ako ay ibinalik ko ang tingin sa puno ng sopya, ito lamang yata ang walang pinagbago. Hanggang ngayon ay maganda at kaakit-akit pa rin, tila lagi akong tinatawag, hinahalina.

Halos limang taon akong hindi nakakita ng ganitong puno. Ang punong nagbigay sa akin ng konsuwelo at kaginhawaan mula sa mga paghihirap ko sa Larivia. Ang nakinig sa lahat ng pagtangis at hinaing ko. Ang karamay ko.

Iba ang pakiramdam na ibinibigay nito sa akin. Mula noon hanggang ngayon. Saya at lungkot.

Hindi na ako nagtagal pa roon at ipinagpatuloy na ang paglalakad. Ilang sandali lamang ay nakarating na kami sa harapan ng aming tahanan. Muli ay napahinto ako at tumitig dito.

Unti-unting sumilay ang ngiti sa aking labi. Tila ngayon lamang ako nakaramdam ng pananabik na makita sina Ina at Calem, maging si Lena. Wala ngayon si Ama rito dahil nakadestino siya sa ibang lugar. Nasanay na rin naman ako dahil hindi talaga siya nagtatagal sa aming tahanan dahil sa kaniyang tungkulin sa aming kaharian.

Ibinaba ko ang talukbong ng suot kong balabal. "Narito na tayo, Varo. Ito na ang bago mong tahanan," nakangiti kong wika.

Mula roon ay nakita kong dumaan si Lena, mabagal at nakatingin sa lupa, tila malalim ang iniisip. Matagal bago niya ako napansing nakatitig sa kaniya.

"Ashtrea?!" sa nanlalaking mga mata. Nanigas siya sa kinatatayuan at matagal na tumitig sa akin. "Asthrea!"

Ngumiti ako at naglakad palapit sa kaniya ngunit inunahan niya ako, mabilis siyang tumakbo palapit sa akin at sinalubong ako ng yakap. Nagulat ako ngunit kalaunan ay natawa.

"Ikinagagalak ko ring makita ka, Lena," natatawa kong wika. Totoo naman ang sinabi ko, siya lamang kasi ang pinakamalapit kong kaibigan noon.

"Hindi ko alam na uuwi ka! Hindi ako makapaniwalang nasa harapan na kita ngayon! Ang tagal kitang hindi nakita, akala ko ay namamalikmata lamang ako," gilalas niya. Bumitaw siya at sinuyod ng tingin ang kabuuan ko, nakaawang ang labi, naninibago.

Bahagyang natatakpan ng suot kong balabal ang aking kasuotan. Hindi ako nakasuot ng bestida na hanggang sakong katulad niya, iyong lagi kong suot noon.

Ang suot ko ay hapit na itim na pantalon na gawa sa matigas na tela at hapit na damit na siyang gawa naman sa katad, kayumanggi ang kulay, hindi naman ito mainit suotin dahil litaw ang itaas na bahagi ng dibdib ko hanggang sa braso ko. Ang buhok ko naman ay nakatirintas ng buo at nakalaylay sa aking balikat.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon