Savion,
Mahusay ka na sa pagpinta? Gusto kong makita ang mga pinipinta mo kapag bumalik ako sa kapitolyo. Noon pa man ay mahusay ka na, marahil ay mas humusay ka lamang ngayon. Ipinta mo rin ako kapag nakauwi na ako.
Mahusay na ako sa pag-iwas sa mga palaso kaya palagi akong natutuwa kapag iyon ang ginagawa naming pagsasanay. Nasugatan ako ng kaunti ngunit ayos lamang. Sana ay payagan na kami ng heneral na sumama sa pagsalakay sa mga barbaro para magamit na namin ang mga tinuturo nila. Ngunit mukhang matagal pa iyon.
Nagtataka ako na wala kang sulat para sa akin ngayong araw. Marahil ay marami kang ginagawa o huli lamang na nakarating kaya hindi umabot. Hihintayin ko ang susunod mong sulat. Mahal kita.
Ashtrea
***
Ashtrea,
Masaya ako na nasisiyahan ka sa ginagawa ninyong pagsasanay. Sana nga ay makasama na kayo sa pakikipaglaban, ngunit ayos na rin na hindi pa dahil ayokong masaktan ka, mahal ko. Ikaw ang pinakaimportanteng nilalang sa buhay ko at ayaw kitang malagay sa kapahamakan. Kung maaari nga lamang na pumunta rin ako sa Larivia upang mabantayan ka, ngunit alam kong hindi mo iyon gugustuhin kaya ito ako at palaging naghihintay lamang sa iyong mga kwento. Nais na kitang makita muli.
Patawad kung nakaligtaan kong magpadala ng sulat sa nakaraang linggo. Para ito sa iyo. Para ito sa kapakanan mo. Mahal na mahal kita.
Savion
***
Savion,
Nasasabik na akong makita ka, Savion. Palagi kitang naiisip, lalo na ngayon dahil muli mong nakaligtaan na magpadala ng sulat. Ngunit ayos lamang, alam kong marami kang ginagawa, sabi mo noong nakaraang buwan ay tinutulungan mo ang iyong ama sa importanteng bagay. Sana ay matapos na iyon para makapagpadala ka na ulit ng sulat.
Walang bago sa araw ko. Pagsasanay lamang buong linggo. Kailan kaya matatapos ito? Nais ko nang bumalik sa kapitolyo. Nais ko nang bumalik sa iyo. Yayakapin kita ng mahigpit kapag nagkita tayo. Muli, aabangan ko ang sulat mo sa susunod na linggo. Mahal kita, aking prinsipe.
Ashtrea
***
Ashtrea,
Nasasabik na rin akong makita ka, Ashtrea. Sa tuwing pipikit ako ay ikaw lamang ang nakikita ko. Sa tuwing makikita ko ang pamilihan ay nakikita kitang nakatayo sa gitna, nakangiti akong tinatawag. Wala akong ginagawa. Sadyang hindi na ako maaaring magpadala ng sulat sa iyo.
Gusto ko mang ipadala ang sulat na ito ay hindi maaari. Kailangan kong pigilan ang sarili ko, mahal ko. Hindi dapat ako manghina sa mga salitang nababasa ko sa mga sulat mo. Ngunit hindi ko mapigilan. Mahal talaga kita. Mas yayakapin kita ng mahigpit kapag muli tayong nagkita. Iyong tipong hindi ka na makakawala.
Nais kong bumalik ka sa akin ngunit hindi na maaari. Kailangan kong gawin ito. Alam kong maiintindihan mo ako balang araw. Mahal kita, aking binibini.
Savion
***
Savion,
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasiAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...