Kabanata 33

106 4 1
                                    

BLANKO akong nakatingin sa tindahan ng mga kasuotan sa aking harapan, nalulunod sa malalim kong iniisip, at tila nawawala sa kawalan. Hindi ko alam kung gaano na ako katagal na nakatayo rito. Pinapunta ako ni Ina ngayon dito para sa huling sukat ng kasuotang gagamitin ko sa piging ng mahal na reyna, sa susunod na araw na iyon kaya dapat ay sakto sa akin ang sukat. Si Lena ang pinagsukatan ng kasuotang iyon dahil saktong pag-alis namin patungo kina Soren ay siyang pagpapagawa ng kasuotan, hindi kasi nila alam noon na uuwi ako kaya ako ang huling pinagawaan.

Hindi ko alam kung bakit dito pa ako inabutan ng malalim kong pag-iisip. Marahil ay ayaw kong pumunta sa kaarawan ng reyna. Pakiramdam ko ay hindi ko sila kayang harapin dahil sa nalaman ko. Nangangamba ako. Kahit limang taon na ang nakakalipas ay alam kong hindi agad iyon makakalimutan ng hari at reyna. Sa mata nila ay nagkasala ako, duwag dahil tinakbuhan ko ang aking parusa kaya si Ama ang sumalo.

Napalunok ako at malalim na napabuntong hininga. Ngunit kung hindi ako magpapakita ay baka lalo lamang pumangit ang tingin nila sa akin lalo pa't alam na ng lahat na bumalik na ako mula sa Larivia.

Mas magiging masama ang tingin sa akin ng lahat kung patuloy akong magtatago.

Marahil ay pangit na naman talaga ang tingin nila sa akin dahil sa kasalanan ko. Hindi nila ako magugustuhan sa para sa kanilang anak.

Gusto kong matawa dahil sa huli kong naisip. Sa huli ay tungkol pa rin pala ito sa ikalawang prinsipe, Ashtrea?

Mariin akong pumikit, pinapagalitan ang aking sarili. At sa pagdilat ko ay napalingon ako sa malayong banda, kung saan ko nararamdaman na may nakatingin sa akin. Hindi na ako nagulat nang makita si Savion.

Nang makitang nakatingin ako ay kunwaring nagtitingin ng mga prutas sa tindahang nasa harapan niya.

Itiniim ko na lamang ang labi ko, ilang beses ko na siyang nakita simula nang bumalik kami rito sa kapitolyo. Kung nasaan ako ay siguradong nandoon siya, sa tuwing mamimili o mamamasyal man ako. Noong unang beses ay lumapit siya sa akin upang kausapin dahil iyon ang ipinangako ko sa kaniya para mapaalis siya noon sa kung nasaan man ako. Pero sinabi ko na hindi ako handang makipag-usap sa kaniya kaya matapos niyon ay hindi na siya lumalapit sa tuwing mahuhuli ko. Binibigyan ako ng panahon para makapag-isip at makapagdesisyon.

Ngunit paano naman akong makakapag-isip ng maayos kung nandiyan siya sa tuwing lilingon ako?

Ano? Nababaliw na talaga siya sa akin kaya siya sunod ng sunod? Ayaw akong mawala sa kaniyang paningin? Takot na maunahan ng kaniyang hangal na kapatid?

Pumasok na ako sa tindahan bago pa ako dalhin ng aking isipan kung saan man. Agad akong binati at nilapitan ng babaeng manininda.

LUMAPIT ako sa nakalatag na tindang mga palamuti sa katawan, hinawakan ko ang mga pulseras at sinipat ang masasalimuot nitong disenyo. Huminto ang katabi ko sa kunwaring pagtitingin sa mga ito at tiningnan ang hinahawakan ko.

"Gusto mo ba niyan? Ako na ang magbabayad," wika nito.

Agad ko iyong binitawan dahil hindi naman iyon bagay sa isusuot kong damit sa kaarawan ng kaniyang ina.

Wala naman talaga akong balak lapitan at kausapin siya ngunit naiirita na ako sa palagi niyang pagsunod sa akin. Tila siya kalabang nagmamanman sa pinupunterya.

"Wala ka bang ibang pinagkakaabalahan, Mahal na Prinsipe? Kung saan ako mapalingon ay naroon ka. Kung ibang nilalang lamang ako ay natakot na ako sa ginagawa mo," nakangiti kong wika. Kinuha ko ang isang palamuti na ipinapatong sa ulo na tila kwintas, may kalakihan at maraming bato na kulay pula na siyang pinagdudugtong ng maliit na kadena, elegante ito at mukhang mamahalin.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon