Kabanata 45

116 5 0
                                    

MARIIN akong suminghap ng hangin, kasabay nang pagdilat ng aking mga mata. Napahawak ako sa aking dibdib habang patuloy ang pagsagap ng hangin na tila ba hindi nito napupuno ang baga ko, pakiramdam ko ay nalulunod pa rin ako.

Muli akong pumikit at pinakalma ang sarili.

Nang maging panatag ay muli akong dumilat. Madilim ang paligid, tanging maliit na liwanag ng lampara sa malayong mesa ang tanglaw sa buong lugar. Tinanggal ko ang kumot na nakatabon sa akin kaya napansin ko ang aking suot na isang kulay rosas na bestida, simple ang disenyo kaya alam kong hindi ito akin. Ngunit mas nakaagaw ng aking pansin ang puting benda sa aking balikat na may bakas pa ng dugo, ang ilang bahagi ng braso ko ay may sugat, maging ang aking pisngi ngunit hindi na ito kasing hapdi noong una ko itong matamo.

Umalis ako sa hinihigaang papag at inilibot ang tingin sa paligid. Nasa isa akong maliit na kubo, walang ibang nilalang kung hindi ako.

"Kung ganoon ay buhay ako? Ngunit paano?" tanong ko na tila ba may makakasagot nito ngayon. Akala ko ay panaginip lang ngunit may patay bang nananaginip?

Nasaan ako? Sino ang nagligtas sa akin at sino ang may-ari ng kubong ito? Paano niya akong nailigtas mula sa karagatang iyon?

Inaasahan kong mamamatay na ako sa sandaling yumakap ang tubig sa aking buong katawan. Akala ko ay iyon na ang huling sandali ko, natanggap ko na ang wakas ko sa mga oras na iyon ngunit mukhang sinuwerte ako dahil hindi pa pala iyon ang katapusan ko.

Bigla ay naalala ko si Calem. Siguradong nakaligtas na sila ni Soren ngayon. Marahil ay hinahanap na nila ako kaya kailangan ko nang makaalis dito. Habang lumalakad ang oras ay tumataas ang pagkakataon na maaari kaming mapahamak habang nandito kami sa Peridos. Buong kaharian ang tumutugis sa amin kaya walang ligtas na lugar dito.

Naglakad ako patungo sa kahoy na pinto at sa pagbukas nito ay bumungad sa akin ang kagubatan. Agad akong lumabas at kunot-noong sinuri ang paligid. Matataas na puno lamang ang nakikita ko, parehas sa mga gubat na napuntahan ko.

"Nasaang parte ako ng Peridos? Malapit lamang ba ito sa bangin?"

Hindi ko alam ang pupuntahan. Hindi ko alam kung nasaan ako at hindi rin alam ang daan paalis.

Inis akong bumuntong hininga at binalingan ang kubong pinanggalingan. Kung hintayin ko na lang kaya ang may-ari nito at itanong kung saan ang daan palabas sa gubat na ito? Ngunit kailan naman kaya ito darating? At sigurado bang mapagkakatiwalaan siya?

Kanina lamang ba nangyari ang pakikipaglaban ko sa mga kawal? O isang araw na ang lumipas?

Tumingin ako sa sugat ko sa braso, sariwa pa ang mga ito kaya siguradong hindi pa naman ako nagtatagal sa lugar na ito. Hindi na gaanong masakit ang katawan ko kaya ang hula ko ay isang araw na ako rito.

Kung tama nga ako ay kailangan ko na talagang makaalis para mahanap si Calem, nangako ako sa kaniya na hahanapin ko siya oras na makawala ako sa mga kawal kaya marahil ay nag-aalala na iyon ngayon. Dapat ay magkasama na kami ngayon.

Tumango ako bilang pagsang-ayon sa dapat kong gawin.

Ngunit bago pa man ako makagalaw ay narinig ko ang kaluskos ng mga tuyong dahon sa lupa, hudyat na may papalapit mula sa likod. Bahagya akong nanigas, pinapakiramdaman kung panganib ba ito. Mabilis akong humarap dito upang ihanda ang aking sarili sa pakikipaglaban ngunit nagulat nang makilala kung sino ito.

Maliwanag ang buwan ngayon kaya hindi mahirap na makita siya sa gitna nang kagubatang ito.

"Lena?" kunot-noo kong wika. Tumingin ako sa kabuuan niya. Nakasuot siya ng isang puting kasuotan na siyang natatabunan ng asul na balabal, may hawak siyang isang malaking buslo na puno ng gulay at prutas.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon