Kabanata 30

136 5 1
                                    

ISINANDAL ko ang ulo ko sa balikat ni Calem habang pinagmamasdan ang daang tinatahak namin patungo sa tahanan nina Soren. Kasalukuyan siyang nagbabasa ng libro na siyang bigla niyang isinarado. Hindi pa kami masyadong nakakapag-usap muli dahil agad akong nakatulog pag-uwi ko kahapon.

Sa pamamalagi ko sa Larivia ay ilang beses kong hiniling na sana ay nasa tabi ko siya para siya ang mapagsabihan ko sa lahat ng nararamdaman ko ngunit sa kabilang banda ay maganda rin na nagkahiwalay kami dahil natutunan kong hindi dumepende sa iba.

"Pagod ka pa rin ba mula sa paglalakbay mo kahapon? Sana ay ipinagpaliban muna natin ang pagpunta sa tahanan ni Tiya Sara para mas mahaba ang pahinga mo," malumanay niyang wika.

Napangiti ako dahil pakiramdam ko ay bumalik kami sa pagkabata, iyong mga panahong kailangan niya ako laging paamuhin dahil madalas sumasama ang loob ko sa kaniya kapag hindi nakukuha ang gusto ko.

"Hindi na ako sanay na laging nagpapahinga sa aking silid, Calem. Ayoko rin namang lumabas dahil hindi ko gustong biglaan kaming magkasalubong," hininaan ko ang huling sinabi para hindi marinig ni Ina na katabi lamang namin.

"Akala ko ba ay nakalimutan mo na ang lahat?" seryosong aniya.

Mahina lamang akong umismid at umirap. Kung sana nga lamang ay madaling kalimutan ang lahat, Calem, para wala na akong pinoproblema ngayon. Ngunit hindi. Sadyang kay hirap makalimot.

"Wala ka pa rin bang kasintahan hanggang ngayon, Calem?" kuryoso kong tanong, inililihis ang usapan. Umalis ako sa pagkakasandal sa kaniya at tiningnan ang mukha niya. Seryoso lamang iyon, walang bahid ng kahit na ano.

Nakangisi akong umiling-iling. Kung ganoon ay hindi pa rin dumarating ang babaeng magpapatibok ng kaniyang puso. O sadyang sa mga libro lamang talaga siya interesado. Ewan ko ba sa kambal kong ito.

"Sana lamang ay dumating na agad ang babaeng bibihag sa iyong puso. Nasasabik na akong makita kung paano kang mabaliw ng dahil sa pag-ibig," panunudyo ko. Ngunit hindi man lang siya naapektuhan, umiling-iling siya at muling binuksan ang hawak na libro, ipinagpatuloy ang pagbabasa.

NAPANGITI agad ako nang makita sina Soren at Tiya Sara sa harap ng kanilang tahanan, naghihintay sa aming pagdating. Sabay-sabay kaming lumapit sa kanila, si Ina kay Tiya Sara at kami ni Calem ay kay Soren. Yumakap ako rito na siya namang sinuklian niya, kasabay ng mahina niyang pagtawa.

"Mabuti naman ay umuwi ka na, Ashtrea, akala ko ay sa Larivia ka na talaga maninirahan," aniya nang bumitaw kami sa isa't-isa.

"Mabuti na lamang talaga, Soren. Dahil matagal nang nagpaplano si Ina na sunduin siya roon at sapilitang iuwi," wika naman ni Calem na siyang ikinakunot ng noo ko.

"Hindi ninyo magagawa iyon sa isang kawal ng Peridos," seryoso kong wika. Kung ginawa nga nila iyon ay magiging kahiya-hiya ako sa mga kasamahan ko sa Larivia.

Sabay silang tumawa.

"Kung alam mo lamang kung gaanong kadesperada na si Audra na makita ka, Ashtrea," wika ni Tiya Sara na nakikinig sa amin.

Bumaling ako kay Ina at pinanliitan siya ng mata dahil halata sa kaniyang ekspresyon na tama nga ang sinasabi nila. Lumapit siya sa akin at hinawakan ang kamay ko.

"Huwag mo nang intindihin ang sinasabi nila, Ashtrea. Nandito ka na kaya wala ng problema," nakangiting aniya. "Napasaya mo ako sa iyong pag-uwi. Sana ay huwag ka na ulit lalayo ng ganoong katagal."

Mahina akong bumuga ng hangin at tumango-tango na lamang. Ayoko nang pabigatin pa ang loob niya ngayon. Alam niyang kaya ako bumalik ay dahil sa kompetisyon ngunit hindi niya alam na balak ko rin na umalis pagkatapos nito. Hindi ko matutupad ang hiling niya na hindi ulit ako lalayo.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon