Kabanata 5

232 7 0
                                    

INILILIBOT ko ang paningin sa paligid habang sabay kaming naglalakad ni Prinsipe Savion. Hindi siya masyadong kilala ng mga nilalang sa mukha kaya walang masyadong bumabati sa kaniya.

Dito ay normal lamang na nakikihalubilo ang mga ordinaryong nilalang sa mga dugong bughaw at hindi nagpapakita ng diskriminasyon ang mga prinsipeng katulad nila sa mga ito. Hindi rin mataas ang turing nila sa kanilang sarili at hindi mababa ang turing sa mga ordinaryo lamang.

Ang bawat nilalang din dito sa aming mundo, ang Exo Losairos, ay may mga taglay na kapangyarihan, magkakaiba, mayroong malalakas at mayroon din namang mahihina. Ang aking kapangyarihan ay apoy habang ang prinsipeng kasama ko ay tubig. Minsan ay namamana ang aming kapangyarihan, ngunit kadalasan ay hindi pero tulad ko ay apoy din ang kay Calem.

Maaari ring magkapareho ang kapangyarihan ng isang Losairon, bibihira lamang ang iisang nilalang na may taglay na isang uri ng kapangyarihan. Hindi rin kami agad tumatanda, sa pagtungtong namin sa ikalabing-walong taong gulang ay bumabagal ang aming pagtanda kaya kahit isang daang taon na kami ay hindi pa rin kukulubot ang aming balat.

Bumuntong hininga ako at inilagay ang dalawang kamay sa aking likod, ginagaya ang ginoong katabi. Hanggang ngayon ay hindi pa rin napapawi ang inis ko sa aking kambal dahil sa pang-iiwan niya sa akin. Minsan talaga ay ginagawa niya iyon kapag alam niyang may iba akong kasama o kaibigang nakikita.

"Huwag mo nang isipin ang iyong kakambal upang hindi ka na mainis, Ashtrea," wika ni Savion. Ngumuso lamang ako at tumango. Napahinto ako at nagulat nang hawakan niya ang noo ko. "Ang hirap makitang nakakunot ang iyong noo. Mas maganda ka kung palagi kang nakangiti," nakangiti pang aniya.

Bahagyang umawang ang labi ko, inalis ang pagkakakunot ng noo ko nang tanggalin niya ang kamay doon.

Kalaunan ay umismid ako, hinawakan din ang sariling noo. "Maaari mo namang sabihin, hinawakan mo pa ang aking noo." Umiwas ako ng tingin, siya pa lamang ang nakahawak sa akin bukod sa aking pamilya.

Siya lang ang may lakas ng loob na gawin iyon sa maharlikang katulad ko dahil di hamak na mas mataas ang katayuan niya sa akin, dahil isa siyang dugong bughaw, at ang ikalawang anak ng hari.

Hindi naman ako nainis dahil sa bigla niyang paghawak sa akin, nainis ako dahil tila naghatid iyon ng ibang pakiramdam sa akin. Kakaiba. Hindi ko maipaliwanag.

"Paumanhin kung hindi mo nagustuhan iyon."

Hindi nakatakas sa aking paningin ang bahagyang pamumula ng kaniyang pisngi, tila nahiya dahil sa inasal ko.

"Hindi naman sa ganoon, Savion. Ngunit hindi mo dapat basta hinahawakan ang isang binibini," nangangaral ko pang wika. At dahil naghatid iyon ng kakaibang pakiramdam sa akin na ayokong pangalanan.

Tumango naman siya. "Alam ko naman iyon, at isa pa ay magkaibigan naman tayo hindi ba? Ikaw nga ay hinawakan agad ako sa una pa lamang nating pag-uusap," aniya dahilan upang mangunot ang noo ko. "Walang basta nakakahawak sa isang prinsipe ngunit ikaw ay nahawakan agad ako sa ating unang pagkakakilala."

"Hindi ko naman matandaang hinawakan kita," pagtanggi ko.

Napatingin ako sa braso niya nang ituro niya iyon. "Hinawakan mo ako rito noong tuwang-tuwa ka sa aking sinabi," giit niya.

Umikot ang mata ko, inaalala ang nangyari kahapon.

"Kung gayon ay bawi na ang ginawa ko," wika ko noong maalala ang sinasabi niya.

Tumango-tango siya at umiwas ng tingin. "Parang hawak lamang ay ang dami pang sinasabi, wala namang malisya iyon."

Inismiran ko siya. "Ikaw rin naman. Nagawa mo pa ngang ungkatin ang paghawak ko sa iyo kahapon." Lumingon ako sa paligid at naagaw ang atensyon ko ng mga nilalang na naglalaro ng trumpo. Walang patid iyon hangga't may mga nilalang na nais maglaro. Muli akong bumaling sa prinsipe. "Sige ganito na lamang, maaari nating hawakan ang isa't-isa kahit walang permiso dahil sinabi mo rin naman na magkaibigan na tayo. Wala ng kaso sa akin kung bigla mong hahawakan ang noo ko o ang braso ko," dugtong ko pa, tinuro ang aking noo at braso.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon