Kabanata 31

114 5 0
                                    

MULI kong nilingon ang nilalang na nakatayo sa dalampasigan. May kalayuan siya ngunit nakikita ko naman ang reaksyon niya, seryosong nakatanaw sa akin. Hindi ko maiwasang punahin ang tindig niya, marangya ang kasuotan habang magiting na nakatayo. Hindi siya bagay sa lugar na ito, ang ganiyang nilalang ay dapat nasa isang marangyang lugar, sinasamba, hinahangaan.

Bumuntong hininga ako, ayaw indahin ang kakaibang nararamdaman ko ngayon. Sobrang lakas ng tibok ng puso ko at bigla ay nanlamig ang mga kamay ko nang maisip na baka tama nga ang sireno. May pagtingin pa rin siya sa akin kaya siya nandito. Sinundan niya ako.

Ngunit pilit ko ring isinisiksik sa aking utak na hindi, nagkakamali lamang ito. Marahil ay may ibang pakay sa akin ang prinsipeng ito kaya siya nagpunta rito. Hindi ko alam. Naguguluhan ako. At sa kabilang banda ay umaasa dahil alam ko sa sarili ko na nandito pa rin ang pagmamahal ko para sa kaniya. Oo, mahal ko pa rin siya. Kaya napakahirap sa akin na bumalik.

Maayos kong nalampasan ang lahat noong isang araw dahil pilit ko siyang inaalis sa isipan ko. Ngunit ngayong nakikita ko siya mismo sa lugar na ito ay nagugulo na naman ng husto ang puso ko. Nakakainis. Napakahangal ng puso kong ito! Maging ang sarili ko ay hindi ko mapagkatiwalaan!

Tumingin ako sa hawak kong kwintas. Iniisip kung paano ko itong gagamitin tulad ng sinabi ng sireno kanina.

Kinagat ko ang ibabang labi ko at marahan itong sinuot. Muli akong tumingin sa prinsipe, dahan-dahang tumayo sa bangka.

"Sige, tingnan natin, Mahal na Prinsipe," mahina kong wika. Pumikit ako at ibinagsak ang sarili ko sa tubig.

Napangiti ako nang maramdaman ang tubig sa buong katawan ko, tama lamang ang lamig nito. Hinayaan ko pa ang sarili ko na lalong lumubog sa tubig at nang idilat ko ang mga mata ko ay tumambad sa akin ang napakagandang karagatan, asul ang paligid, maraming iba't-ibang uri ng isda ang dumadaan sa mga mata ko, makukulay, maliliit at malalaki, malulusog din ang mga halamang dagat. At higit sa lahat ay nakakahinga ako! Totoo ngang mahiwaga ang kwintas na ito!

Kamangha-mangha ang lahat, busog na busog ang mga mata ko sa nakikita. Para akong nasa ibang mundo. Lumalapit ang mga isda na tila nakikipaglaro sa estraherong nasa kanilang harapan.

Labing apat, bilang ko sa aking isip bago ko maramdaman ang pwersang humatak sa akin hanggang sa itulak ako nito paangat sa tubig. Bumungad sa akin ang malapit na dalampasigan kung nasaan ang prinsipe. Mabilis akong lumingon sa malayong bangka.

Gusto kong matuwa ngunit naiinis ako dahil ang tagal ng bilang ko bago niya ako kunin sa tubig. Talagang itinugma niya pa ito sa bilang ng mga naging kasintahan niya, ang bilang kung saan ako nahinto noon.

Bumuntong hininga ako bago umahon sa tubig, pinili kong maglakad malayo sa kaniya. Ngunit sinundan niya ako kasabay ng mabilis na paglutang ng mga butil ng tubig mula sa katawan ko, at sa isang iglap ay bumagsak ang mga ito sa lupa. Parang walang nangyari, tila hindi ako nanggaling sa karagatan. Namangha man ay hindi ko pinansin ang ginawa niyang iyon, na parang wala lang sa akin ang presensya niya gayong parang sasabog na ang puso ko.

Kinakabahan ako ngunit hindi ko ito ipinahalata. Mamamatay muna ako bago niya malaman!

"Anong kailangan mo sa akin, Mahal na Prinsipe? Bakit ka napadpad sa lugar na ito?" blanko kong tanong habang patuloy ang paglalakad. "Masyado itong malayo mula sa palasyo."

"Nais kitang makausap, Ashtrea," mahinang aniya, tila nag-aalalangan pa. "Mag-usap tayo."

Napalunok ako at agad lumingon sa kaniya.

"Tungkol saan?" muli ay hindi ako nagpakita ng emosyon.

Kumislap ang kakaibang emosyon sa mga mata niya, at hindi nakalampas sa paningin ko ang mariin niyang paglunok. Sa halip na sumagot ay matagal siyang tumitig sa akin, tila kinakabisado ang bawat parte ng mukha ko. Nahawa ako sa kaniya ngunit nang matauhan ay ipinakita ko sa kaniya na naiinip ako sa tagal niyang magsalita.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon