Kabanata 11

145 6 0
                                    

TUMINGALA ako at pinagmasdan ang asul na kalangitan, pinapanood ang ilang mga ibon na malayang lumilipad. Mabagal na umaandar ang bankang sinasakyan namin dahil sa mahinang pagsagwan ni Savion. Maliit lamang ito at sapat para sa dalawang nilalang, magkaharap ang pwesto namin kaya malaya ko siyang napagmamasdan sa tuwing napapalingon siya sa malayo.

Inilapit ko ang kamay sa tubig hanggang sa dumampi ito sa balat ko, pinaikot-ikot ko ito na tila naglalaro, malamig.

"Mahulog ka, Ashtrea."

"Hindi mo naman ako hahayaang mahulog."

Yumuko ako upang makita ang nasa ilalim ng malinaw na tubig. Iba't-ibang kulay ng mga isda ang dumaraan sa mata ko, may malaki at mayroon ding maliliit, mas lumapit pa ako dahil baka may makita akong sirena. Sa lahat ng mga nilalang dito sa Exo Losairos ay sa kanila ako lubos na namamangha.

"Ashtrea," aniyang muli, may pagbabanta na.

Minsan talaga ay panira ng kasiyahan ang prinsipeng ito.

Nakasimangot akong tumingin sa kaniya at sinaboy ang sinalok kong tubig, napapikit siya dahil saktong tumama iyon sa mukha niya at napahinto sa pagsasagwan. Natawa ako sa naging reaksyon niya dahil mukhang malapit na talaga siyang magalit, nakatiim na ang bagang. Muli akong sumalok ng tubig at isinaboy sa kaniya ngunit lumutang lamang iyon sa ere kasabay nang pagmulat niya.

Inis akong bumuga ng hangin. "Tubig nga pala ang kapangyarihan mo." Umirap ako nang bumagsak ang tubig na nasa ere.

"Kahit kailan ay hindi pa rin nagbabago ang kapilyahan mo. Iyan ba ang nais maging heneral?"

Hindi ko siya pinansin at tumingin na lamang sa magandang tanawin, napapaligiran ang lawang ito ng mga bulubunduking berdeng-berde dahil sa mga puno. Kita rin ang replekasyon ng asul na langit sa malinaw na tubig, may kalayuan na ang narating namin at wala akong ibang bangka na nakikita sa paligid.

Nanlaki ang mata ko nang lumitaw ang isang sirena, hindi kalayuan sa pwesto namin.

Agad din siyang lumangoy pailaim kaya umangat ang buntot niya na siyang tila kuminang nang tamaan ng liwanag, kulay asul iyon na may halong itim. Umawang ang labi ko sa pagkamangha, hindi ito ang una kong beses na makakita ng ganoong uri ng nilalang ngunit gandang-ganda talaga ako sa kanila, kung isa lamang akong sirena ay makikipaglaro ako sa kanila.

Napakislot ako nang muling lumitaw ang ulo niya mula sa tubig, kuminang ang maliit niyang palamuti sa buhok na katulad ng kulay ng kaniyang buntot.

"Sirena!" nakangiti at namamangha kong pagtawag dito, kumakaway.

Ngumiti rin siya at kumaway, muling lumubog sa tubig. Napahawak ako sa gilid nang bangka upang silipin siya sa tubig ngunit nagulat nang bigla siyang sumulpot sa harap ko. Nanlaki ang mata ko at muling namangha sa kaniyang kagandahan.

"Magandang araw, binibini, ginoo," aniya, saglit na tumingin kay Savion.

"Ang ganda mo," nakangiti kong wika.

Tumaas ang kilay niya at matamis na ngumiti sa akin. "Mas maganda ka, binibini."

"Haryana!" tawag ng isang tinig sa likod niya kaya agad kaming napatingin doon. Isa ring sirena.

"Mauuna na ako, binibini," aniya nang lumingon sa akin. "Sana ay maging maayos ang pamamasyal ninyo ng iyong kasintahan." Muli ay matamis siyang ngumiti, lumingon muli kay Savion bago lumubog sa tubig.

Aalma pa sana ako sa sinabi niya ngunit masyado akong namangha sa pakikipag-usap niya sa akin kaya hindi ko na lamang pinansin. Muli akong sumilip sa ilalim ng tubig, pinanood ang paglangoy niya hanggang sa mawala siya sa aking paningin.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon