HUMINTO ang lahat nang tuluyan siyang makalapit sa amin. Ako ang nangunguna habang ang mga nasa likod ay bumati sa kaniya ngunit nasa akin lamang ang buong atensyon niya, ganoon din ako sa kaniya. Hindi na rin magawang bumati dahil nalunod na ako sa presensya niya. Hindi ko rin naman alam ang sasabihin.
Halos mabingi ako sa lakas ng tibok ng puso ko, at mas kinabahan dahil sa mariin niyang pagtitig sa akin na tila ako pa ang may kasalanan sa kaniya.
Mula sa matagal na pagtitig sa akin ay limihis ang tingin niya sa mga kasama ko, bahagyang tumango mula sa pagbati ng mga ito kanina.
"Ipagpaumanhin ninyo ang aking biglaang pagdating. Ngunit maaari ko bang makausap si Ashtrea, Heneral Ganatos," wika nito, magalang ang pakikipag-usap.
Naitikom ko ang labi ko, tila nanuyot ang aking lalamunan sa sinabi niya. Kung ganoon ay ako nga ang sinadya niya rito. Inaasahan ko na iyon noong sandaling masilayan ko siya ngunit hindi pa rin ako makapaniwala. Nagagalak ang puso ko sa kaalamang sinundan niya pa ako rito, ng ikalawang prinsipe ng Peridos.
Ngunit agad ding naglaho ang mga iyon nang maalala ko ang naganap kagabi. Hindi niya ako sinipot gayong natanggap naman niya ang mensahe tapos ngayon ay nagmamadali siya upang makita lamang ako na tila hindi niya pa alam na ganito ang mangyayari, na aalis ako. Gayunpaman ay mas nangibabaw ang nararamdaman ng hangal kong puso para sa kaniya, lagi na lamang itong nagiging malambot pagdating sa kaniya.
Tama, hangal kang talaga, Ashtrea! Sa bawat luhang ipinatak mo kagabi ay ang pangakong hindi mo siya mapapatawad ngunit tila naglaho ang lahat ng iyon dahil nasilayan mo siya ngayon.
"Sino ba naman ako upang pagbawalan ang isang prinsipe sa isinadya niya rito. Kung iyon din naman ang nais ng aking anak ay wala akong pagtutol, Mahal na Prinsipe," wika ni Ama dahilan upang agad akong mapatingin sa kaniya. Seryoso ngunit may tipid na ngiti ang kaniyang labi nang lumipat ang paningin sa akin. Bahagya pa siyang tumango bilang tanda ng kaniyang pagpayag.
Alam niyang magkaibigan kami ng prinsipe ngunit sa sandaling ito ay napagtanto kong alam na niya ang espesyal na ugnayan namin ni Savion. Ang pagsunod niya pa lamang dito ay isang dahilan na upang malamang may pagtingin siya sa akin. Pagtingin. Kay sarap isipin.
Tumango lamang ako, muling lumingon kay Savion nang bumaba na siya sa kabayo. Agad siyang lumapit sa akin upang aalayan ako. Noong una ay nag-alangan akong hawakan ang nakaabang niyang kamay ngunit kusang gumalaw ang kamay ko upang abutin iyon. Mahigpit ang hawak niya na tila ayaw akong pakawalan ngunit agad ko iyong binawi dahil alam kong naramdaman niya ang panlalamig nito, ayokong isipin niyang nasabik ako sa presensiya niya.
Bumaba na rin ang mga kasama ko sa kani-kanilang kabayo at pinili ang lugar na ito upang saglit na makapagpahinga.
Sabay kaming naglakad ni Savion upang makalayo ng kaunti sa kanila, paliko sa mga puno upang hindi nila makita ang pag-uusap namin. Nakasunod naman si Amel kaya hinayaan lang kami ni Ama.
Huminto kami nang makakita ng isang maliit na lawa, kamangha-mangha dahil asul ang kulay ng tubig nito, bumagay ito sa berdeng paligid dahil sa mga puno at makukulay na halaman. Saglit na umawang ang labi ko, marahang lumingon kay Savion nang maramdaman ko ng husto ang presensya niya. Si Amel naman ay nakatayo lamang hindi kalayuan sa amin at tila walang pakialam sa paligid.
Lihim kong inayos ang mga iniisip bago salubungin ang mariin niyang tingin sa akin. Dapat ay alam ko na ang mga sasabihin ko sa kaniya oras na magsalita siya.
"Talagang nagawa mong umalis nang hindi man lamang nagpakita o nagpaalam sa akin, Ashtrea, na tila wala akong halaga sa iyo," aniya sa seryosong tinig ngunit ramdam ko ang hinanakit. "Hindi mo ba alam kung anong mararamdaman ko sa ginawa mo?"

BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasyAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...