Kabanata 23

115 6 0
                                    

NANG makabalik kami sa isla ng Lindana ay agad akong pumasok sa munting tahanan namin ni Saia. Hindi ko napigilan ang sunod-sunod na pagbuhos ng luha ko, ang paghikbi. Tuluyan akong nadala ng lungkot at pighati. Sobrang sakit na makitang may iba na siyang mahal, na magpapakasal siya sa isang magandang prinsesa. Iyon naman talaga ang nababagay sa kaniya, ang isang mabining prinsesa, at hindi ang isang tulad ko.

"Ashtrea," wika ni Clara na hindi ko namalayang nakasunod sa akin, bakas din ang kalungkutan sa kaniya. Akala ko ay umalis na siya nang maihatid ako.

Marahan ko siyang nilingon, halos manginig ang mga kamay ko dahil sa labis na nararamdamang kalungkutan. Siya palagi ang nasa tabi ko sa tuwing ganito ako kaya kabisado na niya ako. Nagpapasalamat ako dahil matapos ang lahat nang nangyari noon ay dumating siya, ang isang kaibigang hindi ko inaasahan.

Naglakad siya patungo sa akin ngunit ako na ang naunang lumapit sa kaniya upang yakapin siya, kasabay ng muling pagbuhos ng luha ko. Hinawakan niya ang likod ko upang aluin ako.

"Mahal na mahal ko pa rin siya, Clara," wika ko sa gitna ng paghikbi, halos hindi ko na nga masabi ang mga salitang iyon. "Hindi ko kayang isipin na magpapakasal na siya sa iba."

"Gusto mong magpakita sa kaniya? Marahil ay magbabago ang lahat kung makikita ka niya," marahang aniya. Halatang nag-iingat sa bawat salitang binibitawan.

Bumitaw ako sa kaniya at umiling-iling. "Nakita niya ako kanina." Bumalik sa isipan ko ang sandaling nagtagpo ang mga mata namin. "Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Umaasa akong susunod siya sa akin. Umaasa akong hahabulin niya ako pero nakita mo naman. Wala. Tapos na talaga ang lahat, dahil matagal na akong namatay para sa kaniya." Mas lalo akong umiyak. "Malaki ang kasalanan ko sa kaharian ng Peridos, sa kaniya."

Namungay ang mga mata niya, hindi alam ang gagawin. "Parehas lamang kayong nasaktan, Ashtrea. Mas higit pa nga ang sakit na naranasan mo kaysa sa kaniya."

"Hindi pa rin mababago niyon ang katotohanang ako ang may higit na kasalanan sa lahat ng nangyari. Gayunpaman ay umaasa pa rin ako na babalik siya sa akin. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na umasa." Nanginig ang labi ko, hindi maawat ang mga luha sa aking mga mata. Iniisip ang mga pangarap ko, binabalikan ang nakaraan. "Kailanman ay hindi ako nag-alinlangan sa pagmamahal ko para sa kaniya, Clara. Buong-buo kong tinanggap noong napagtanto kong mahal ko siya. Wala akong ibang minahal kung hindi ang prinsipeng iyon. Ilang beses ding sumagi sa isip ko noon ang magiging kinabukasan namin, na kung aalukin niya akong magpakasal ay hindi ako magdadalawang isip na tanggapin iyon, na handa akong bumuo ng pamilya kasama siya."

Mataman lamang siya nakinig sa akin, hindi nagsalita at hindi nagpapakita ng awa dahil iyon ang ayaw ko. Mahina siyang bumuntong hininga at umiwas ng tingin.

"Ngunit sadyang pinaglaruan kami ng tadhana," dugtong ko pa.

"Tapos na ang lahat ng iyon, Ashtrea. Hindi ko sasabihing kalimutan mo ang lahat ngunit kailangan mong makausad. Nasasaktan din ako kapag nakikita kang ganiyan."

Naibaba ko ang tingin ko. "Hindi ko kaya," halos pabulong kong wika, walang lakas.

"Nandito ka pala, Clara? Nandito rin si Ina?" wika ni Saia na kadarating lamang.

Agad akong tumalikod at patagong pinunasan ang mga luha ko. Ayokong makita niya akong ganito, ayokong mahawa siya sa kalungkutan ko ngayon at ayokong tanungin niya ko kung bakit ako umiiyak.

"Halika muna sa labas, Saia. Masama ang pakiramdam ng iyong ina. Hayaan muna natin siyang magpahinga," mahinang wika ni Clara. Matapos niyon ay hindi ko na sila narinig pang magsalita, marahil ay nakaalis na. Napapikit ako at mahinang bumuntong hininga, pinapakalma ang aking sarili. Muli kong pinunasan ang panibagong luha na tumakas sa aking mga mata.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon