MALALIM na ang gabi nang makarating ako sa kapitolyo. Iniwan ko ang kabayo sa pamilihan at naglakad patungo sa palasyo. Tahimik ang buong lugar, wala nang nilalang sa palagid, at ang mga tahanan na nadadaanan ko ay madilim.
Hinubad ko ang suot na balabal at mahigpit na hinawakan ang espadang palagi kong dala sa mga lumipas na araw. Isa itong pinakamatibay na metal na siyang binili ko sa isang bayang pinaglagian ko ng isang gabi. Mabuti na lamang ay nakasuot ako ng komportableng kasuotan na siyang akma sa pakikipaglaban. Handang lumaban anumang oras.
Kung tutuusin ay maaari kong gamitin ang aking kapangyarihan, sa isang iglap ay magiging abo ang aking mga kalaban ngunit hangga't maaari ay kailangan kong ikalma ang aking sarili upang masiguradong ligtas kong mailalabas si Calem sa palasyo. Dapat muna siyang maging ligtas bago ako magpadalos-dalos sa aking desisyon dahil baka ako pa ang maging dahilan upang lalo siyang mapahamak.
Sinuot ko ang isang itim na tela para matakpan ang aking mukha at pinakalma ang nagliliyab kong galit bago sinimulan ang plano.
Nang makahanap ako ng isang tagong daan sa likod ng palasyo ay agad ko itong pinasok. Kapag may nakikitang kawal ay agad akong nagtatago sa dilim. Malaki ang palasyong ito kaya maraming pasikot-sikot. Mabuti na lamang ay kabisado ko ito, kung hindi ay kanina pa ako maraming napatay para manatiling ligtas.
Ilang mahahabang pasilyo ang dinaanan ko bago ako nakarating sa bahagi ng palasyo kung nasaan ang kulungan. May dalawang bantay sa entrada nito, isang pasilyo lamang ang daan patungo roon kaya makikita talaga ako ng mga bantay para makapasok ako. Nasa palikong pasilyo ako, nagtatago habang sinisilip ang dalawang bantay. Isang buntong hininga ang pinakawalan ko bago lumabas upang harapin ang mga ito.
Mabilis akong tumakbo patungo sa kanila, at bago pa sila tuluyang makapaghanda ay nasa harapan na nila ako. Malakas kong hinampas ang aking espada sa leeg ng isa, kaha lamang ng espada ang tumama sa kaniya kaya hindi siya nasugatan ngunit nawalan naman ng malay. Sumugod sa akin ang isa pa, yumuko ako para umiwas kaya lumampas siya sa akin, kinuha ko ang pagkakataong iyon upang hampasin ng aking kamay ang leeg niya na siyang nagpabagsak sa kaniya, wala ring malay.
Pinasok ko ang loob, masangsang ang amoy kahit pa nakatakip ang ilong ko. Sa magkabilang parte ng malawak na pasilyo ang mga kulungan, at sa mga pader nito ay may nakasabit na sulo na siyang nagbibigay ng kaunting liwanag sa paligid. Malaki ang lugar na ito kaya hindi ko alam kung saang parte nakakulong ang aking kambal. Matagal akong naghanap ngunit wala si Calem sa mga nakita kong nakakulong. Bumalik ako sa dinaanan ko kanina kung saan nakahandusay ang dalawang kawal. Sisipain ko na sana ang isa ngunit napahinto sa pagdating ng dalawa pang kawal, nagulat ang mga ito sa nasaksihan kaya mabilis naging alerto.
"Kalaban!"
Agad kong tinanggal sa kaha ang aking espada at mabilis na sinangga ang kanilang pag-atake. Sabay-sabay na nagtama ang aming mga armas sa ere. Masamang tumingin ang mga ito sa akin bago ko hatakin pabalik ang aking espada, mabilis na umikot at umatake sa kanilang likod. Isang hampas sa ere ng espada ay humalik ang talim nito sa likod nila, muli kong itinaas ang armas at walang pag-aalinlangang itinarak sa likod ng isa sa kanila. At sa pagbawi ko nito ay walang buhay siyang bumagsak.
Agad na tumayo ang isa mula sa pagkakaluhod at pag-inda sa tinamo niyang sugat. Galit na sumugod sa akin, muling nagtama ang aming espada, umalingawngaw ang tunog nito. Isang hampas sa kaliwa at kanan bago ko sinungkit ang hawakan ng kaniya at hinatak ito dahilan upang mabitawan niya, pinanood niya ang paglipad nito sa ere kaya kinuha ko ang pagkakataon iyon upang maitutok ang talim ng akin sa kaniyang leeg.
Umawang labi niya ngunit matalim ang mga matang ipinukol sa akin. Napako sa kaniyang kinatatayuan.
"Sino ka? Hangal ka kung iniisip mong makakalabas ka pa ng buhay dito," mariin niyang wika.
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasyAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...