Kabanata 10

174 5 0
                                    

"SAVION!" nakangiti kong sigaw. Hindi siya lumingon sa akin kaya agad akong lumapit sa kaniya. Hawak niya ang pana at palaso, tutok ang paningin sa tudlaang malayo sa pwesto namin.

"Ayusin mo ang tindig mo," utos ko. Ang tagal na niyang ginagawa iyon ngunit palaging hindi maayos ang tindig niya. Gayunpaman ay wala namang problema iyon ngunit gusto ko na palaging nakikitang maayos niyang ginagawa ang itinuro ko.

Sinunod niya naman ako at idinikit ang palapulsuhan sa kaniyang labi na may hawak na palaso, ipinikit ang isang mata bago tuluyang pakawalan ang hawak.

Tumango-tango ako nang tumama iyon sa mismong gitna ng tudlaan.

"Mahusay ka na ngang talaga, Savion."

Ngumisi siya at ibinaba ang pana, lumapit sa akin para lamang guluhin ang buhok ko. "Mahusay kasi ang nagturo sa akin," nakangiting aniya.

Umirap ako at tinapik palayo ang kamay niya, inayos ang nagulo kong buhok. Nakaugalian niya iyon kapag natutuwa siya sa ayos ng buhok ko na nagalugay lang naman ngayon.

"Mahigit tatlong taon na rin naman kasi kitang tinuturuan kaya dapat ay talagang mahusay ka na ngayon," giit ko, kinokontra ang sinabi niya kahit totoo naman iyon. Mahusay talaga ang nagturo sa kaniya!

Nagkibit balikat siya.

"Bakit ka nga pala nandito? Akala ko ba ay hindi ka pupunta ngayon dahil may pupuntahan kayo ng iyong ina?" Kumuha siyang muli ng isang palaso at humanda sa pagtira, maayos na ngayon ang tindig dahil nanonood ako.

"Nagbago ang isip ni Ina, bukas na lamang daw." Lumapit ako sa lagayan ng mga pana at kumuha ng isa roon, sunod ay isa ring palaso. Pumwesto ako sa tabi niya, sa harap ng tudlaang katabi ng ginagamit niya.

"Saan nga ba iyon?"

Inayos ko ang tindig ko at inihanda ang pagtira ng palaso, ipinikit ang isa kong mata. "Sa tahanan ng kaniyang kaibigan sa kabilang bayan," wika ko bago tuluyang pakawalan ang palaso. Napangiti nang tumama iyon sa gitna kung saan nakaguhit ang pulang bilog, walang mintis.

"Ano ang gagawin ninyo roon?" tanong niyang muli. Umupo siya sa lupa at ibinaba ang pana sa kaniyang tabi, pinanood na lamang ako.

"Bibisita lamang." Kumuha ulit ako ng isang palaso at pinakawalan iyon, halos dumikit iyon sa palasong pinakawalan ko kanina.

"Ayoko nang magsanay, Ashtrea. Sayang ang ipinunta mo ngayon dito," aniya kaya kunot-noo ko siyang binalingan.

"Bakit naman? Pagod ka na agad?" nagtataka kong tanong dahil mukhang kakasimula niya pa lang nang dumating ako. Ayos lang naman iyon sa akin dahil pareho na kaming mahusay sa paggamit ng espada at palaso, sa loob ng tatlong taon naming pagsasanay ay talagang natuto na kami.

Ang totoo nga ay hindi na namin kailangan pang magsanay ngunit wala namang umaayaw sa amin kaya patuloy pa rin ang pagpunta ko rito sa palaso. Nakasanayan na rin namin ang gawaing ito na tila parte ito ng aming pang-araw-araw.

Umiling siya at tumingala sa langit, itinukod ang dalawang kamay upang masuportahan ang bahagya niyang pagliyad. Napangiti ako dahil ang ganda niyang pagmasdan sa pwestong iyon, tila isang bida sa nobela. Walang kupas ang kaguwapuhan niya, mas lalo nga yata siyang kuminang sa nakalipas na taon, tila isang bituin sa kalangitan na kay hirap abutin.

"Maganda ang panahon, kanina ko pa nais mamasyal. Sana ay kanina ka pa nagpunta kung hindi ka naman pala umalis."

Agad kong inalis ang ngiti nang lumingon siya sa akin, baka isipin niya pa na may pagtatangi ako sa kaniya dahil sa paninitig ko, kahit ganoon naman talaga. Sa araw-araw naming pagkikita ay hindi ko maiwasang mahulog sa kaniyang mga magandang katangian, lalo na kapag ngumingiti siya sa akin. Hanggang ngayon ay paborito ko pa rin ang kaniyang mga matang tila kalangitang puno ng mga bituin.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon