Kabanata 9

166 5 0
                                    

NANG makabawi ay inis kong inapakan ang paa niya at tinulak siya palayo sa akin. Natatawa niyang ininda iyon, tila talagang nasiyahan sa ginawa niya.

"Lapastangan!" wika ko at muling lumingon kay Savion na blanko lamang ang ekpresyon, walang halong pagtataka sa kaniyang nakikita. "Savion," tanging nasambit ko lang.

Kanina pa ba siya nandito? Narinig niya kaya ang pinag-uusapan namin ng hangal na prinsipeng ito?

Matagal siyang tumitig sa akin, sunod ay sa hambog na prinsipe na nakabawi na mula sa ginawa ko sa kaniya, ngayon ay tuwang-tuwa pang nakatingin sa kapatid niya, tila nang-aasar. Tila ba may pinag-uusapan sila gamit ang mga mata na siyang hindi ko alam.

Nakakainis talaga ang prinsipeng ito! Hambog at hangal!

"Ang sabi ko ay ano ang nagaganap dito? Hindi ko alam na malapit pala kayo sa isa't-isa," blankong aniya, hindi ko alam kung sino sa amin ang kinakausap.

Napakurap-kurap ako, iyon nga pala ang tanong niya kanina, tila nakalimutan ko dahil sa presensya niya. Sasagot na sana ako ngunit naunahan ako ng hambog na prinsipe.

"Wala naman. Huwag mo na lamang intindihin, Savion. Simulan na ninyo ang pagsasanay upang mabilis din kayong matapos," nakangiti nitong wika.

Masama ang tingin ko sa kaniya, naiinis sa ngiti niyang iyon, nagmamalaki at tila may nais iparating. Nang lumingon siya sa akin ay umismid ako at tumingin kay Savion na nakatingin din pala sa akin. Agad akong ngumiti ngunit hindi nagbago ang ekspresyon niya.

Pakiramdam ko ay nais niyang marinig ang sasabihin ko ngunit hindi ko naman maisatinig dahil sa hambog na ito sa aming tabi.

"Sige na, simulan na natin ang pagsasanay, Savion," wika ko, hindi sigurado sa sinasabi. Hindi na intindi pa na tunog sumasang-ayon iyon sa kaniyang kapatid para hindi na namin pag-usapan ang nangyari.

"Kung gayon ay iiwan ko na kayo," wika ng hangal upang agawin ang atensyon namin. Muli ay matalim ang tinging ipinukol ko sa kaniya ngunit sinuklian niya lamang iyon ng aroganteng ngiti. "Paghusayan mo ang pagsasanay, Ashtrea." Hahawakan niya pa sana ang buhok ko ngunit agad kong tinapik ang kamay niya palayo.

"Talagang paghuhusayan ko," inis kong wika. Lumayo ako sa kaniya at lumapit kay Savion para hindi na niya talaga ako mahawakan. Kapag naging mahusay ako ay baka paslangin pa kita dahil sa inis ko sa iyo! "Sige na, umalis ka na!" Istorbo! dugtong ko pa dahil nakangiti pa rin siyang pinagmamasdan kami.

"Masusunod, aking binibini," aniya, bahagyang yumuko.

Lalong sumama ang mukha ko ngunit bago pa ako tuluyang mainis ay agad na siyang tumalikod at naglakad paalis.

"Kahit kailan talaga ay nakakainis ang hambog na prinsipeng iyon!" nagmamaktol kong wika. Hindi mailabas ang pagkasiphayo ko, gusto ko siyang panain! Kung hindi lang talaga kasalanan iyon ay kanina ko pa ginawa.

Nang bumaling ako kay Savion ay blanko pa rin ang mukha niya, hindi ko mabasa kung anong iniisip niya. Nakatingin lamang siya sa papalayong kapatid.

Bigla ay nawala ang inis ko, ngayon ay iniisip na kung bakit ganoon pa rin ang reaksyon niya. Mahina akong bumuntong hininga upang alisin ang pangambang nararamdaman.

Bakit ko nga ba nararamdaman ito habang nakatingin sa mga matang iyon? Wala naman akong dapat ipangamba hindi ba? Ngunit ano nga kaya ang iniisip niya ngayon?

"Simulan na natin ang pagsasanay, Savion," mahina kong wika upang agawin ang atensyon niya.

Tumango lamang siya bilang sagot. Hindi magawang lumingon sa akin at hindi na nagsalita pa, lumapit na lang sa mesang puno ng sandata.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon