INIWAS ko ang tingin sa kaniya at pinagmasdan na lamang ang paligid. Hinahanap ang mga espadang armas na gagamitin namin sa pagsasanay ngunit wala akong nakita, puro lamang iyon mga pana at palaso.
Agad kong inalis sa isip ang mga katanungan at kakaibang nararamdaman.
Bakit hindi siya nagpadala ng ibang mga sandata rito? Alam naman niyang paggamit ng espada ang ituturo niya sa akin.
"Nasaan ang mga espada, Savion?" tanong ko, bumaling sa kaniya.
Inilibot niya ang tingin sa paligid bago tumingin sa akin.
"Tuturuan mo lamang akong gumamit ng pana ngayon at bukas naman ang paggamit ng espada. Ngunit nagbago na ang aking isip. Bukas na lamang natin ipagpatuloy ito."
"Akala ko ba ay pinatawad mo na ako? Bakit--" hindi ko na naituloy ang sinasabi nang lumapit siya sa akin at hinawakan ako sa braso. Matapos niyon ay hinatak niya ako paalis doon.
"Pupunta tayo sa hardin."
Napakurap-kurap ako. "Ano naman ang gagawin natin sa hardin? Bakit hindi na tayo magsasanay ngayon?"
"Pagod na ako."
Kununot ang noo ko at napasimangot. "Ang bilis mo namang mapagod, Savion," maktol ko.
Saglit siyang lumingon sa akin at ngumisi lamang kaya napairap ako.
"Bukas na lamang, Ashtrea. Huwag ka ng makulit. At isa pa ay totoong napagod ako sa ginawa mo sa akin."
Hindi na ako sumagot pa at muli na lang napairap, inalis ang konsensyang nararamdaman. Ang bawat nadaraanan naming mga tagasilbi ay binabati kami ngunit ngiti lamang ang sinusukli namin sa kanila, ang iba ay nagtataka kung bakit kasama ko ang prinsipeng ito.
Ngayon pa lamang ay masanay na kayo na lagi kaming magkasama ng inyong prinsipe dahil kaibigan ko na siya at laging makakasama upang magsanay. Iyon ang gusto kong sabihin sa kanila ngunit hindi ko isinatinig.
Ilang sandali lamang ay nakarating na kami sa hardin. Iba ito sa hardin na nasa harap ng palasyo dahil mas malawak ito, nasa likod na bahagi rin ito ng palasyo kaya malapit lamang sa lugar na pinagsasanayan namin.
Nang bitawan niya ako ay naglakad pa ako upang mapagmasdang maigi ang lugar, napakaraming bulaklak sa paligid na may iba-ibang kulay. Talagang kaaya-aya sa paningin. Maayos na maayos ang pwesto ng mga iyon at malalaman mo agad na alagang-alaga dahil sa mga malulusog nitong kulay.
Inalis ko ang pagkakaawang ng labi ko at matamis na ngumiti, tumakbo ako patungo sa gitnang bahagi ng hardin habang marahang umiikot. Tila isang prinsesang nagmamay-ari ng lugar na ito.
"Walang-wala ang aming hardin sa ganda nito. Sana pala ay mas ginandahan ko na ang aking kasuotan upang bumagay ako rito!" Tumingin ako sa aking kasuotan at hinawakan ang saya nito na agad ko ring binitawan dahilan upang sumayaw ito sa ere. Ngumiti ako at muling umikot bago bumaling kay Prinsipe Savion.
"Mabuti naman ay nagustuhan mo ang hardin na ito, Ashtrea," nakangiting aniya. Lalo talaga siyang nagmumukhang anghel sa tuwing ngumingiti siya ng ganiyan katamis.
Bakit ngayon ko lamang napansin na tila nasobrahan ang mga dyosa sa pagbibigay sa kaniya ng angking kaguwapuhan? Napansin ko na iyon noong una ko siyang makasalamuha ngunit tila mas guwapo siya ngayon.
Bakit kay kisig niyang tingnan ngayon para sa aking paningin? Masarap pagmasdan ang kaniyang magandang mga mata na tila puno ng bituing nagniningning.
"Mas labis pa sa gusto." Patakbo akong lumapit sa kaniya. "Dalasan natin ang pagpunta rito, Savion! Hindi magsasawa ang mga mata ko sa harding ito!" labis ang ngiti kong wika.
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantastikAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...