TUMAAS ang kilay niya at mas lalong ngumiti.
"Huwag kang magsalita ng hindi tapos, Ashtrea. Baka kainin mo ang sinasabi mo."
Hindi na ako nagsalita pa, pinakalma ko na lamang ang sarili ko. Tinulak ko siya palayo sa akin at muling ipinagpatuloy ang paglalakad ngunit muli akong napahinto nang makita ang isang pamilyar na nilalang. Sa sobrang pamilyar ay tila huminto ang pagtibok ng puso ko. Ikinuyom ko ang mga kamay ko dahil bahagyang nanginig at nanlamig iyon.
Literal na huminto ang paligid ko at tila ba siya lamang ang nakikita ko. Gayunpaman ay pinilit kong hindi ipahalata sa kaniya ang gulat ko na makita siya ngayon, na tila ba normal lang sa akin ang makita siya ngayon makalipas ang maraming taon.
Diretso siyang nakatitig sa akin. Sa nakikita ko ay mukhang pareho kami ng nararamdaman ngayon. Blanko ang mukha nito ngunit ang mga mata'y puno ng emosyon na hindi ko maintindihan ang dahilan. Pangungulila, sakit, saya at.. pang-aakusa.
Para bang nangulila siya sa akin. Tila ba matagal niyang hinintay ang pagdating ko. Tila ba may nararamdaman pa rin siya para sa akin, kahit na winasak niya ang puso ko limang taon na ang nakakalipas.
Hindi ko talaga maintindihan. Kung ganoon ang nararamdaman niya ay bakit may kasama siyang ibang babae ngayon? Bakit bigla siyang hindi nagparamdam sa akin? Bakit bigla siyang nagbago? At bakit ganito kami ngayon?
Inalis ko ang lahat ng tanong sa aking isip bago pa iyon madagdagan. Nasasaktan lamang ako at nagagalit.
Limang taon na ang lumipas mula nang malaman ko ang dahilan ng pagbabago niya pero parang kahapon lamang iyon. Pakiramdam ko ay dapat akong humingi ng eksplanasyon sa kaniya. Dapat ay magalit ako dahil hindi niya tinupad ang pangako niya na ako lamang.
Pero wala akong lakas ng loob na gawin iyon. Marami nang nagbago. Nagbago siya, at nagbago rin ako. Nakalimot siya, kaya dapat ay makalimot na rin ako.
Hindi ko mapigilang pansinin ang kabuuan niya. Mas tumapang ang noon ay maamo niyang mukha, marahil ay dahil mas kumisig siya. Kung guwapo na siya noon ay mas lalo na ngayon, kahit pa hindi nagbago ang ayos ng buhok niya, malinis pa rin ang gupit at ang pagkakaayos nito. Marangya at malinis ang kasuotan niya, katulad ng lagi niyang ayos noon.
Agad ko ring iniwas ang tingin ko dahil hindi ko matagalan ang mga mata niyang nakatitig sa akin. Bumaling ako sa kasama niyang binibini, maganda at malinis din ang ayos nito, isang maharlika, ngunit hindi gaanong kagandahan. Mas lamang ako sa kaniyang ng maraming beses.
Hindi man sila magkahawak kamay ay nasisiguro kong kasintahan niya ito. Isa ito sa marami niyang naging kasintahan. Hindi ko alam kung pang-ilan dahil nahinto ako sa ikalabing apat, ayon sa sulat ni Calem noon.
Hindi ko inaasahan na sa ganitong pagkakataon pa kami muling magkikita. Ibang-iba ito sa imahinasyon na laging pumapasok sa isipan ko. Hindi naman pala ganoong kahirap na makita siyang may kasamang iba.
Oo, nasasaktan ako ngunit pakiramdaman ko ay sanay na ako kahit ngayon ko pa lang naman talaga siya nasaksihang may kasamang iba. Nakakatawa, dahil limang taon akong nagtago para lamang hindi ito makita. Limang taon akong naduwag. Limang taon ang ibinigay ko sa aking sarili na tila nabaliwala lamang.
Nang muli kong ibalik ang tingin kay Savion ay tipid akong ngumiti at bahagyang tumango bilang pagbati. Sabay na gumalaw ang aming mga paa upang lapitan ang isa't-isa.
"Magandang araw, Mahal na Prinsipe, binibini," at bumaling sa binibining kasama niya. Lumitaw ang matamis na ngiti sa labi ng binibini ngunit kasabay niyon ang paglaho ng ngiti ko.
Hindi na ako sanay ngumiti sa lahat ng nilalang na nakikilala ko. Hindi na ako ang masayahin at maawaing si Ashrea. At lalong hindi na ako palakaibigan.. lalo na sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasiaAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...