Kabanata 46

106 5 0
                                    

MARIIN akong nakatitig sa nakapintang larawan sa aking harapan, nakasabit ito sa pader ng silid kung nasaan ako ngayon.

Sobrang perpekto na nito ngayon, ang pagkakaiba ng kulay ng bawat elemento dito ay napupunaan ng isa't-isa. Maraming kulay ang mga bulaklak ng halaman sa kaliwang bahagi ng larawan, pula, lila, kahel, rosas, puti, at asul, ang mga dahon naman ay berde. Sa kanang bahagi ay ang puno ng sopya, kayumanggi ang katawan ng puno habang ang mayabong na dahon nito ay kulay rosas. At sa gitna ang kulay puti na may halong abo na gazebo, na siyang ginagapangan ng mga berdeng halaman. Sa loob ay may isang eleganteng upuan kung saan nakaupo ang isang binibini. Napakaganda niya sa kulay pula niyang kasuotan, labas ang maputing balikat at mga braso. Sa ulo'y may palamuti na kulay pula ang mga bato. Nakaharap ito sa akin, malaki ang ngiti.

Hindi ko napigilan ang pagpatak ng luha sa mga mata ko. Masaya ako na natapos niya ang larawang ito kahit wala ako mismo noong ipinipinta niya ito. Imahe lamang ito sa kaniyang isipan na siyang binigyan niya ng buhay. Mas nadagdagan ang paghanga ko sa kaniya.

Sa kabila ng mga nangyari ay hindi naman talaga ako galit sa kaniya. Noong gabing iyon sa bangin ay nadala lamang ako sa galit ko para sa kaniya at sa mga kawal kaya ako tumalon. Nais kong ipakita na hindi na niya ako kailangang paslangin dahil kayang-kaya kong gawin iyon sa aking sarili, sa mismong harapan niya. Hindi ako takot mamatay dahil isang bahagi sa akin ang namatay noong namatay sina Ama at Ina.

Hindi ko sigurado kung nais nga ba niya akong paslangin sa mga oras na iyon dahil taliwas iyon sa sinasabi ng mga mata niya. Para bang nais niya pa nga akong iligtas laban sa mga kawal na tumutugis sa akin. Hindi ko rin sigurado kung siya nga ba ang dahilan ng pag-ulan dahil tubig ang kaniyang kapangyarihan. Marahil ay nagkataon lamang.

Hindi ko makalimutan ang mga mata niya noong sandaling nagpahulog ako sa bangin, gulat, galit, takot, pagsisisi at pighati. Pakiramdam ko ay pinagtaksilan ko siya dahil ninais kong kunin ang sarili kong buhay sa harapan niya. Ipinangako kong para sa kaniya lamang ako mabubuhay ngunit ganoon ang ginawa ko.

Alam ko naman na nasasaktan siya sa pagkamatay ng kaniyang magulang kaya naiintindihan ko ang kung galit nga siya sa akin dahil naniniwala siyang si Ama ang pumaslang sa mga ito. Sadyang hindi ko lamang nakontrol ang emosyon ko sa sandaling iyon.

Ito ang kahinaan ko. Hindi ko kayang kontrolin ang emosyon ko. Mabilis akong nagpapadala sa emosyon kaya nagkakamali ako ng desisyon. Ito ang pinakamalaki kong kabiguan bilang isang mandirigma.

Kaya marahil ay ito ang parusa ko. Ang mawala ang lahat ng mahalaga sa aking buhay. Para matigil ang kahibangan ko na maging isang magiting na mandirigma katulad ng aking ama.

Ngayon ay mukhang hindi ko na nga talaga maaabot ang pangarap na iyon. Oo, hindi na. Dahil nakapagdesisyon na ako sa dapat kong gawin ngayong gabi.

Agad akong napatingin sa pintuan nang bumukas ito. Tumambad ang nilalang na kanina ko pa hinihintay. Ang nilalang na siyang pinangakuan ko ng lahat. Ang nilalang na lubos kong minamahal. Walang iba kung hindi ang ikalawang prinsipe ng Peridos, si Savion.

Halata ang sobra niyang pagkakagulat, napahinto sa pagpasok. Nanlalaki ang mga mata na para bang nakakita siya ng isang naubos na lahi sa Exo Losairos.

Pinunasan ko ang luha sa aking pisngi at ngumiti sa kaniya. Na parang walang nangyari sa mga nagdaang linggo at araw. Na parang normal lang na nandito ako ngayon sa kaniyang silid sa kabila ng pagtugis sa akin ng buong Peridos.

Paano nga ba naman akong mapapadpad dito kung ang huli naming pagkikita ay sa bangin na iyon? Kung saan pinili kong wakasan ang aking buhay. Kahit sino ay talagang magugulat.

Pumuslit lang ako para makapasok dito sa palasyo. Kabisado ko ang daan patungo sa kaniyang silid, hindi man naging madali ang pagtatago ko sa mga kawal at tagasilbi dahil mahigpit ngayon ang pagbabantay ay ligtas naman akong nakarating dito. Kaya nasa harapan niya ako ngayon.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon