"BAHALA ka na nga, Lena. Kung anu-ano ang iyong sinasabi, hindi naman totoo." Umirap ako nagpaumunang maglakad.
Humalakhak siya na, nasisiyahan talaga sa kaniyang nakikita.
"Hintay, Ashtrea!" Tumakbo siya upang pantayan ako. "Ano ang gagawin mo kapag nakasalubong mong muli si Prinsipe Karim?" kuryoso niyang tanong.
Inilagay ko ang dalawang kamay sa likod ko at pinagmasdan ang paligid. Malapit na kami sa palasyo.
"Hangga't maaari ay iiwasan ko siya." Umismid ako. "Huwag ka nang magtanong, Lena, dahil wala naman akong pakialam sa kaniya."
Alam niyang ayaw na ayaw ko sa prinsipeng iyon ngunit binibigyan niya ng ibang kahulugan ang pagkainis ko rito. Lagi niya pang sinasabi na minsan ay doon nagsisimulang umusbong ang pag-ibig. Hindi naman ako naniniwala roon! Hindi iyon totoo!
"Talaga lamang, Ashtrea?" aniya, nanunudyo na naman.
"Talaga!"
"Sige, naniniwala na ako. Di hamak naman talaga na mas mukhang mabait si Prinsipe Savion kaysa sa kaniya. Sa tuwing nakikita ko siya sa pamilihan ay tila laging magsusungit, ngunit sa iyong kwento ay isa siyang pilyong prinsipe." Umiling-iling siya. "Marahil ay sa iyo lamang siya ganoon dahil tinatangi ka niya."
Kunot-noo ko siyang nilingon. "Hindi niya ako tinatangi, Lena. Talagang nais niya lamang akong asarin sa tuwing makikita niya ako."
Umismid siya. "Makikita natin kung totoo nga ang kaniyang mga sinasabi sa iyo kapag lumipas ang mga taon ngunit hindi pa rin nagbabago ang alok niya sa iyong maging reyna niya."
Ako naman ngayon ang umismid. "Hindi ko naman nais maging reyna, alam mo namang nais kong maging heneral. At isa pa ay wala akong pagtatangi sa kaniya upang tanggapin ang alok niya."
Tumaas ang kilay niya at humarang sa akin upang harapin ako. "Kung gayon ay may pag-asang tatanggapin mo ang pagiging reyna kung mahal mo rin ang nais kang makasamang umupo sa trono?" kuryoso niyang tanong kaya napaisip ako.
"Siguro. Ngunit ayokong isipin iyon, Lena. Huwag ka na ngang maraming tanong. Ipagpatuloy na lamang natin ang paglalakad para makarating na tayo sa palasyo," wika ko at agad siyang nilampasan.
Hindi na siya muling nagsalita kaya napalalim ang aking iniisip. Tatanggapin ko nga ba ang pagiging reyna kung may pag-ibig akong nararamdaman para kay Prinsipe Karim? Kumunot ang noo ko. Ngunit paano ang pangarap kong maging heneral kung magiging reyna nga ako? Isasantabi ko ba ang pangarap para sa pag-ibig?
Bumuntong hininga ako. Bakit ko ba iniisip ang ganitong bagay? Alam ko namang hindi seryoso ang unang prinsipe sa kaniyang sinasabi. Mapaglaro siya at sutil kaya nais niya rin akong paglaruan dahil kahit kailan ay hindi ako sumang-ayon sa kaniyang mga sinasabi. Isa pa ay hindi ko naman talaga siya tinatangi. Ang tingin ko lamang sa kaniya ay isang hambog na prinsipe na akala mo ay pag-aari niya ang lahat.
Hindi pa nga siya nagiging hari ay ganoon na siya. Paano pa kaya kapag nakaupo na siya sa trono? Umiling ako, ayoko na lamang isipin.
"Ano ang iniisip mo?" tanong ni Lena, kuryoso ang mga matang nakatingin sa akin.
"Wala," tipid kong sagot, ipinagpatuloy ang paglalakad.
NANG makarating kami sa palasyo ay umalis na rin si Lena kaya agad akong nagtungo sa lugar kung saan ko nakita si Prinsipe Savion kahapon. Wala pa siya kaya nagmasid na lang muna ako sa paligid.
Malawak ang lugar na ito, sa isang malayong banda ay may tatlong tudlaang nakatayo at dito sa aking kinatatayuan ay may maliit na estante kung saan nakalagay ang ilang pana at maraming palaso na nakaayos base sa mga uri nito. Sa kabilang gilid naman ay ang pasilyong dinaraanan ng ilang tagasilbi, minsan lamang sila dumaraan doon dahil nasa dulong bahagi ng palasyo ang lugar na ito.
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasíaAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...