NANATILI akong tulala, ipinapasok sa isip ang lahat ng nalaman. Pilit ibinabalik ang aking katinuan, para na akong mababaliw. Hindi ko alam kung ano ang uunahin kong isipin.
Paanong nangyari ang lahat ng ito? Bakit ganito? Siguradong may mali. Walang katotohanan ang lahat ng sinabi ni Lena. Hindi ko matatanggap ang lahat ng sinabi niya! Hinding-hindi!
"Sana nga ay kasinungalingan lamang ang lahat, Ashtrea. Sana ay panaginip lamang ito." Tinakpan niya ng palad ang mukha at humagulgol.
Dahil sa nakikita ay hindi ko maiwasang mahawa sa kaniya. Walang awat ang pagtulo ng luha ko, at habang tumitibay ang takot at galit sa akin ay mas nadadagdagan ang hinagpis na aking nararamdaman. Hindi ko kaya. Hindi ko matatanggap kung totoo man ang lahat ng iyon.
Ngunit sa kabila ng nararamdaman ay pinilit kong pinalakas ang loob ko, ang aking mga binti. Unti-unti akong tumayo. Ayokong maniwala sa lahat hangga't hindi ko nakikita! Ang mga mata ko lamang ang makapagsasabi kung totoo nga ang lahat ng sinabi niya. Hindi dapat ako magpadala sa mga nararamdaman ko ngayon.
Nang bahagya ko nang maayos ang aking isipan ay naglakad ako pabalik sa palasyo. Pupunta ako roon. Susunduin ko ang aking mga magulang. Siguradong nandoon din si Calem kaya wala siya sa aming tahanan kanina. Inilalaban niya rin ang katotohanan. Na hindi si Ama ang pumaslang sa hari at reyna.
Hindi. Aalamin ko rin kung totoo ngang patay na sila. Sila ang pinakamakapangyarihang nilalang dito sa Peridos kaya hindi kapani-paniwala kung agad silang mapapaslang. Tama, siguradong hindi iyon totoo. Sa oras na makarating ako sa palasyo ay makikita ko sila.
"Saan ka pupunta? Pakiusap, huwag ka nang bumalik doon. Siguradong mapapaslang ka kapag bumalik ka pa. Kahit na gaano ka kalakas ay hindi ka magwawagi sa buong Peridos, sa kanilang mga mata ay nagtaksil ang iyong pamilya sa kahariang ito. Hinding-hindi ka nila mapapatawad. Lalo na ng mga prinsipe," napapaos at desperado niyang wika. Lumapit siya at hinawakan ang aking kamay upang pigilan ako.
"Hindi mangyayari ang lahat ng iyan, Lena! Dahil walang katotohanan ang lahat ng sinabi mo! Pupunta ako sa palasyo upang alamin ang nangyayari kung bakit nagkakagulo kanina sa aming tahanan! Sigurado akong utos ito ng mahal na reyna dahil ayaw niya ako para kay Savion," mariin kong wika. Pilit pinapaniwala ang aking sarili na tama ako. Kahit na sa kaibuturan ng isipan ko ay sinasabing nahihibang na ako.
Totoong mababaliw ako kung tama nga si Lena! Hindi ko alam ang magagawa ko!
"Pakiusap, Ashtrea. Ayokong pati ikaw ay mawala," umiiyak at nagmamakaawa.
Marahas kong binawi ang kamay ko mula sa kaniya at mariing pinunasan ang luha sa aking pisngi. Mabilis akong naglakad upang hindi niya ako maabutan, dire-diretso, hindi magpapaawat.
Matagal bago ako nakalabas ng gubat. Mas marami na ang mga kawal na nakikita ko ngayon. At sa tuwing may makakalapit ay nagtatago ako kung saan, kung hindi sa puno ay sa mga tahanan. Mabuti na lamang ay madilim kaya madali ang makapagtago.
Kung tama nga na ako ang hinahanap nila ay hinding-hindi ako magpapahuli. Palihim akong magtutungo sa palasyo at aalamin ang katotohanan.
Ligtas akong nakarating sa pamilihan, hindi pa gaanong malalim ang gabi kaya maliwanag pa rito ngunit halos wala na ang mga nilalang upang mamili. Mabigat din ang pakiramdam na tila may hindi talaga magandang nagaganap. May mga kawal din na nag-iikot.
Maingat ang bawat galaw ko, nagtatago upang walang makakilala sa akin. At nang may madaanan akong tindahan ng mga kasuotan ay palihim kong kumuha ng isang pares ng kasuotang angkop para sa isang mandirigma. Maaari ko namang bilhin ang mga ito ngunit siguradong makikita ang mukha ko ng manininda. Muli akong umalis at nagtago, binuksan ko ang isang tindahang madilim at walang nilalang. Doon ako nagpalit ng damit, isang pang-itaas na kulay itim, malambot ang tela ngunit sa bandang tiyan ay matigas, wala itong manggas kaya malaya akong makakagalaw kung mapapasuong man ako sa laban, ang pag-ibaba naman ay itim na pantalon. At ang huli ay isang piraso ng tela na siyang itinakip ko sa kalahati ng aking mukha, mata na lang ang kita sa akin kaya siguradong wala agad makakakilala.
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasyAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...