NANG dumaan ang sinasakyan naming karwahe malapit sa daan patungo sa pamilihan ay nakita ko si Savion, kasama niya si Amel at mukhang patungo sila sa pamilihan ngunit napahinto nang tumama rin ang mga mata sa akin.
Natigil ang paglalaro ko sa aking mga daliri at sinundan siya ng tingin habang umaandar ang karwahe. Ang makita siya ay nakabawas ng kabang nararamdaman ko, bahagya ring lumundag ang puso ko sa hindi ko malamang dahilan. Kunot ang noo niya sa pagtataka kung bakit bumalik agad kami kaya tipid akong ngumiti upang iparating na walang problema at wala siyang dapat ipagtaka o ipag-aalala.
"Ashtrea," tawag ni Ina kaya agad akong napatingin sa kaniya.
Unti-unting nawala ang ngiti ko nang hindi ko maintindihan ang tinging ipinupukol niya sa akin, walang bahid ng emosyon. Tila ba kanina pa siya nakabantay sa reaksyon ko simula nang mamataan ko ang prinsipe.
"Bakit, Ina?" inosente kong tanong.
"May namamagitan ba sa inyo ni Prinsipe Savion?" seryosong aniya, wala man lang patumpik-tumpik. "Alam kong kaibigan mo siya at madalas mo siyang pinupuntahan sa palasyo ngunit higit pa ba roon ang inyong ugnayan?"
Nagulat ako sa mga tanong niyang iyon kaya hindi agad ako nakasagot. Napatingin ako sa katabi kong si Calem na nagtataka rin kung bakit natanong ni Ina ang mga bagay na iyon. Tunog hindi maganda rin kasi iyon na tila ba hindi niya gusto si Savion para sa akin.
"Ina, ano ba ang iyong mga sinasabi? Wala pa sa tamang gulang si Ashtrea para magkaroon ng relasyon sa prinsipe," wika ni Calem.
Hindi siya pinansin ni Ina, mariin pa rin ang tingin nito sa akin. "Ayos lang naman sa akin kung sabihin mong magkaibigan lamang kayo at hindi na hihigit pa roon kahit pa tumungtong kayo sa tamang gulang," aniya pa.
"Ina," wala akong mahagip na salita kung hindi iyon lamang. Bakit naman ganito siyang magsalita ngayon? Parang noong nakaraan lamang ay malugod niya akong pinapayagan na magtungo sa palasyo at makipagkaibigan sa prinsipe kahit pa hindi niya alam ang ginagawa naming pagsasanay. Hindi niya ipinakita at ipinaparamdam noon na ayaw niya kay Savion ngunit ngayon ay tila gusto niya itong ilayo sa akin.
Anong nangyari?
Nalaman niya kaya na ang prinsipe ang nagturo sa akin na gumamit ng espada kaya bigla ay nagbago ang pananaw niya rito?
Parang hindi naman sapat na dahilan iyon. At sino naman ang aayaw sa isang prinsipe?
"Maaari kang umibig sa kahit na sinong nilalang ngunit huwag lamang sa anak ng hari," aniya na muling ipinagtaka ko.
"Bakit naman, Ina? Ano ang problema kung anak siya ng hari?" tanong ni Calem na hindi mapigilan ang kaniyang sarili, talagang inunahan pa ako.
Bumuntong hininga at umiwas ng tingin si Ina. "Mas mabuting hindi ninyo malaman ang dahilan," at muling bumaling sa akin. "Makinig ka na lamang sa akin, Ashtrea. Makakabuti iyon sa iyo at sa ating pamilya."
Huminto ang karwahe at naunang lumabas si Ina, hindi na hinintay pang makasagot ang sinuman sa amin. Ano ba ang nangyayari sa kaniya at nasabi niya ang mga bagay na iyon?
Tumingin ako kay Calem na kunot-noong bumaba at lumingon sa akin, inabot ang kaniyang kamay upang alalayan ako. Nakatitig lamang ako sa kaniya habang bumababa, nagtatanong ang mga mata na alam kong hindi niya rin kayang sagutin. Tila parehong naglayag ang aming isipan sa mga bagay na hindi namin maintindihan.
"Makinig ka na lang muna sa ngayon, Ashtrea. Kapag nagkaroon ng pagkakataon ay tatanungin ko si Ina kung bakit ganoon ang mga sinabi niya kanina."
Walang gana akong tumango at ikinawit ang braso sa kaniya. "Akala ko ay dahil napagtanto niya na si Savion ang nagturo sa akin sa paggamit ng espada kaya ganoon ang sinabi niya ngunit nang mabanggit niya ang mahal na hari ay wala na akong naintindihan. Sa tingin mo ba ay may malalim na dahilan ang kaniyang mga sinabi? Hindi maganda ang kutob ko roon, Calem. Paano kung hindi ko kayanin ang sagot sa likod ng kaniyang mga sinabi?" At alam mo namang may pagtingin ako kay Savion. Paano na kami kung hindi ako maaaring umibig sa kaniya? Kung hindi siya gusto ni Ina para sa akin ay ganoon din ang magiging pananaw ni Ama kaya mahihirapan ako kung susuwayin ko sila.
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasiaAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...