NANG mapatingin ako sa gilid ay napansin ko ang nakatayong kahoy, nakasandal ang isang pinintang larawan ng hardin kung nasaan kami ngayon. Tumayo ako at mas lumapit pa, umaga sa larawang iyon, ang malaking gilid na bahagi nito ay sakop ng puno ng sopya, sa gitna ay ang buong gazebo. Buhay na buhay ang larawan. Napakaganda.
"Ikaw ang nagpinta nito?"
Tumabi siya sa akin.
Alam kong marunong siyang magpinta noon pa man, kadalasan nga'y mga ganitong larawan ang ipinipinta niya. Ngayon ay mas maganda ang pagkakapinta, detalyado. Mas humusay siya.
"Oo, ngunit hindi pa tapos kaya hindi ko inaalis dito."
"Mukhang tapos na ito," kunot-noo kong wika. Kompleto naman ang lahat ng detalyeng nakikita ko ngayon sa buong hardin, puno na kulay rosas ang mga dahon, gazebong napaliligiran ng mga halamang busog sa kulay, sa loob ay ang eleganteng upuan. Bawat sulok ng larawan ay busog sa kulay, walang espasyong walang kulay. Kompleto, walang bahid ng kamalian.
"May kulang pa."
Tumaas ang kilay ko at agad napalingon sa kaniya. Tumagilid ang ulo ko habang umaangat ang gilid ng isang labi.
"Ako ba ang kulang?"
Mataman siyang tumitig sa akin at marahang tumango. Muling tumaas ang kilay ko, hindi inaasahang totoo ang biro ko. Hindi man lang niya pinabulaanan. Ang bilis sumagot.
"Kung ganoon ay ipinta mo ako ngayon."
Umiling siya at humarap sa akin. "Sa susunod na lamang, matatagalan kapag ngayon."
Napatango naman ako bilang pagsang-ayon. Tama naman siya, wala rin ang mga gamit niya sa pagpipinta. Marami namang araw upang tapusin ito. Marami kaming oras.
"Nais kong sulitin ang sandaling ito na kasama ka," malumanay niyang wika. Kinuha ang isang kamay ko at dinala sa kaniyang labi, matamang nakatingin sa akin, ang mata'y puno ng ningning. "Matagal kong hinintay ang pagkakataong ito, Ashtrea, ang makasama ka na walang halong galit sa iyong mga mata para sa akin. Walang araw na hindi ka nawala sa isipan ko. Noong una ay hindi ko na inaasahan pang makakasama kita ng ganito dahil sa ginawa ko. Akala ko ay hanggang pangarap na lamang ang lahat ng ito. Sinaktan kita dahil sa pagbali ko sa pangako ko sa iyo." Muli niyang pinatakan ng halik ang likod ng palad ko, hindi nakatakas ang pagdaan ng sakit at pagsisisi sa kaniya. "Hindi ko na ulit gagawin iyon, Ashtrea. Hindi na ako magpapakahangal pang muli. Ikaw lang ang mamahalin ko hangga't nabubuhay ako. Gagawin ko ang lahat para sa iyo, ibibigay ko ang buong buhay ko sa iyo."
Marahan akong ngumiti. Sobrang inantig ng mga salitang iyon ang puso ko, walang kapantay ang sayang nararamdaman ko ngayon. Walang makakasira ng gabi ko. Isa ito sa pinakamasayang araw sa buhay ko na paulit-ulit kong babalikan. Ang katapatan ng lahat ng sinabi niya ay nagbubura sa mga naganap sa nagdaang mga taon, na parang walang nangyari. Naging malabo sa isip ko ang lahat ng naramdaman ko noong nalaman kong binali niya ang pangako niyang ako lamang. Wala nang halaga ang mga iyon sa akin.
Dinala ko ang mga kamay sa leeg niya, hinapit siya palapit sa akin, punong-puno ng pagmamahal ang mga mata. Iniyakap niya ang mga kamay sa baywang ko.
Siya lamang din ang mamahalin ko hangga't nabubuhay ako. Sinasalamin ng mga sinabi niya ang nararamdaman ko ngayon. Mahal na mahal ko siya. Walang kapantay. Sobra-sobra. Siya lamang ang paulit-ulit kong hihilingin sa buhay na ito.
"Huwag mo nang isipin pa ang lahat ng iyon, Savion. Ang mahalaga ay ang ngayon, tayo," malumanay kong wika.
"Para sa iyo lamang ako mabubuhay, Ashtrea."
Marahan akong tumango at matamis na ngumiti. Isang marahang dampi sa labi niya ay muli akong tumitig sa mukha niya. Pinilit kong kalimutan ang imaheng ito ngunit sa tuwing pipikit ako ay siya lamang ang nakikita ko. Ilang taon kong pinilit ngunit sa huli ay bigo ako. Mabuti na lamang ay hindi nga nangyari. Dahil hindi ko mararanasang muli ang ganitong kasiyahan sa piling ng iba. Sa kaniya lamang ako liligaya ng ganito katindi. Siya lamang ang may kakayahang magpadama sa akin ng ganito. Ang ikalawang prinsipe ng Peridos.
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasyAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...