Kabanata 21

113 3 0
                                    

NANG maramdaman niya ang tingin ko ay bumaling siya sa akin. Saglit nawala ang galit at lamig doon, mahinang umiling bago naglakad patungo sa silid na tolda kung saan sila nagpupulong. Sumunod sa kaniya ang isang tenyente habang si Tenyente Vito naman ang nag-asikaso at nag-utos sa mga kawal na ayusin ang nangyari.

Matagal akong tumitig sa silid pulungan bago nagpasyang pumasok sa aking silid at naupo sa higaan, nakatulala sa kawalan hanggang sa tuluyang sumapit ang dilim. Ang balak kong paglilinis ng katawan ay hindi ko na nagawa dahil naglayag ang isip ko sa mga nangyari ngayon lamang.

Ang totoo ay nahirapan ako sa mga unang araw ko sa lugar na ito dahil sa hirap ng pagsasanay, ngunit habang tumatagal ay nasanay na ako at kinakaya ko dahil nahahawa ako sa determinasyon ng mga kasamahan ko. Gusto ko silang pantayan. Gusto ko silang higitan.

Ngunit ngayon lamang ako totoong namumulat sa mundong nais kong pasukin. Bigla ay nag-alala ako, natakot at nagulat. Hindi ko na alam.

Makakaya ko ba talaga? Magagawa ko bang paslangin ang kalaban kung nasa harap ko na ito? Ayos lamang ba talaga na madungisan ang aking mga kamay ng dugo? Naiintindihan ko nga ba talaga ang pagiging isang mandirigma? Ang pagiging isang heneral?

Ito na nga ba ang bigat na nakaatang sa paghawak ng isang espada? Ito ba ang noon ay tinutukoy ng hangal na prinsipe?

Napabuntong hininga na lamang ako, pilit inaalis ang bigat sa aking dibdib. Madilim dito at tanging ang mga ilaw lamang ng sulo ang nakikita ko sa maliliit na siwang ng kubong ito ngunit wala akong lakas na gumalaw. Gusto ko na lang itulog ang lahat dahil baka sakaling sa paggising ko ay limot ko na ang nangyari.

"Ashtrea, pinatatawag ka ng heneral sa silid pulungan," wika ng isang kawal mula sa labas ng pintuan. Agad din siyang umalis matapos sabihin iyon.

Muli akong bumuntong hininga bago tumayo. Utos ng heneral kaya dapat sundin. Wala akong nais sabihin o tanungin sa kaniya, at ayoko ring marinig muna ang mga nais niyang sabihin ngunit wala akong magagawa kung hindi ang harapin siya.

Sinindihan ko ang lamparang nakapatong sa maliit na mesa gamit ang kapangyarihan ko at sinuot ang balabal ko bago tuluyang pumunta sa silid pulungan.

Nang makapasok ay napakunot ang noo ko dahil wala si Ama. Marahil ay nasa kaniyang silid pa. Ganito talaga siya minsan, ipapatawag niya ako upang kausapin ngunit ako pa ang nauunang dumating.

Lumapit na lamang ako sa mesa kung saan nakalagay ang mapa ng Peridos. Hinawakan ko iyon at marahang sinalat ng hintuturo ko ang kapitolyo, kung nasaan ang palasyo at ang aming tahanan.

Bigla ay nais kong makita sina Ina at Calem, gusto ko ng kausap, iyong maliliwanagan ako sa nangyari at mangyayari pa. Maging si Savion ay gusto ko ring makausap, sana ay nandito siya, nais kong matuto ng maraming bagay sa kaniya tungkol sa ginagawa niya bilang ikalawang prinsipe, kung may kinalaman din ba iyon sa pagiging pinuno at pakikipaglaban tulad ng isang heneral.

Napakislot ako nang biglang may magsalita sa likod ko.

"Nagdadalawang-isip ka na ba ngayon para sa landas na tinatahak mo, Ashtrea?"

Mabilis akong lumingon sa kaniya, naninibago. Marahil ay sa nasaksihan ko kanina at maging sa tanong niyang iyon.

"Hindi, Ama," kunot-noo at mahina kong wika.

Bumuntong hininga siya, naging seryoso ang malumanay na mga mata. Naglakad siya palapit sa mesa, taas-noo at nasa likod ang dalawang kamay. Sinundan ko lamang siya ng tingin. Kahit sa anong pagkakataon ay masasabi mo talagang kagalang-galang siya, isang magiting na heneral.

"Ito ang pagiging isang mandirigma, Ashtrea, ang pagiging heneral. Dapat ay matigas ang iyong puso at matibay ang iyong loob dahil sa oras ng digmaan ay buhay ang iyong kukunin. At kapag may nagtraydor ay hindi ka dapat magdalawang isip na alisin sila sa iyong landas kahit gaano mo pa siya kakilala o pinagkakatiwalaan." Huminto siya sa harap ko, nasa pagitan namin ang mesa. "Walang lugar ang pagpapatawad sa isang traydor, Ashtrea," mariing aniya, tila pilit ipinapaintindi sa akin. "Dahil oras na traydurin ka nila ay nakapili na sila ng landas na kanilang tatahakin, handa na sila sa kahihinatnan ng pagkakamali nila. At kapag ginawa nila ng isang beses ay uulit-ulitin lamang nila iyon."

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon