Kabanata 44

110 4 1
                                    

HUMINTO ako sa gitna ng kagubatan upang harapin sila. Itinaas ko ang kamay sa ere at pinanood ang paglabas ng apoy sa aking palad. Mabilis kong ikinalat ang apoy sa aking paligid nang marinig ang kanilang mga yabag papalapit.

Pinanatili ko ang apoy sa aking palad hanggang sa bumungad sila sa akin sa gitna ng madilim na kagubatan. Ang ilan sa kanila ay may mga dalang sulo. Siyam sila. Ngunit hindi makalapit dahil sa ginawa kong harang.

Mariin ang titig ko sa kanila, at sa apoy na nasa aking palad. Pinag-iisipan kung papaslangin ko ba sila sa pamamagitan nito. Kapag sobra kong ginamit ang kapangyarihan ko ngayon ay manghihina ako. Kaya ko naman silang labanan gamit ang aking lakas at kakayahan sa pakikipaglaban. Pero paano kung mas marami pang kawal ang dumating sa oras na matalo ko sila? Kakayanin ko ba hanggang dulo?

At kung gagamitin ko ang apoy ko ay may posibilidad na masunog ang buong kagubatan kung nasaan kami ngayon. Kung magagalit ako ng husto ay siguradong magiging abo ang lugar na ito. Ngunit hindi naman ganoong katindi ang emosyon ko ngayon. Gusto ko lamang na hindi na nila maabutan sina Soren at Calem upang masigurong maliligtas ang aking kambal sa gabing ito. Kaligtasan lamang ni Calem ang nais ko sa mga oras na ito. Bahala na kung ligtas din akong makatakas.

Kung maliligtas nga ako ngayon ay mabuti, ngunit kung mamamatay naman ako ay ayos lamang. Mamamatay akong isang mandirigma. Mamamatay akong ipinaglalaban ang aking buhay. Alam kong ito rin ang ginawa ni Ama kaya humantong sa ganito ang lahat. Alam kong inilaban niya ang buhay nila ng aking ina, alam kong inilaban nila ang tama. Dahil kailanman ay hindi sila magtataksil sa kahariang ito. Iyon ang paniniwalaan ko ngayon. Nang sa gayon ay puro kabutihan lamang nila ang maalala ko hanggang sa aking huling hininga.

Mahina akong bumuga ng hangin bago pinakawalan ang aking kapangyarihan patungo sa kanilang lahat. Mariin kong itinikom ang aking labi nang marinig ang kanilang mga sigaw, kumalat sila sa paligid, nabitawan ang mga armas habang pilit inaapula ang apoy sa kanilang mga katawan ngunit tila ito tubig na lalo pang kumakalat.

Bahagyang napakunot ang noo ko, pilit tinatatagan ang aking mga matang nakatingin sa kanila. Sa isang iglap ay dumaan sa aking paningin ang imahe ng nangyari noon sa Mostair, ang nag-aalab na apoy sa aking harapan, tinutupok ang mga tahanan at ang mga barbaro, habang umaalingawngaw sa aking tainga ang mga sigaw ng pagmamakaawa at ang mga daing ng paghihirap.

Tumulo ang luha sa aking mga mata, nanginig ang aking labi at mga binti. Tila kinukurot ang aking puso. Pilit ko na lamang isinisiksik sa aking isipan na wala ako sa tamang katinuan noon kaya ko iyon nagawa. Kinailangan kong protektahan kasamahan ko at ang aking sarili. Iyon ang naging pagpapalubag ko sa sarili.

Pinoprotektahan ko lamang rin ang aking sarili sa pagkakataong ito. Dahil kung hindi ko sila papaslangin ay ako ang papaslangin nila. Kung hindi ako lalaban ay mamatay akong duwag. At hindi ganoon ang isang mandirigma.

Maya-maya pa'y tuluyan silang bumagsak sa lupa kasabay ng unti-unting paghina ng kanilang tinig ay siyang pagpatak ng ulan mula sa madilim na kalangitan. Nawala na ang mga boses nila sa aking pandinig, unti-unting natupok ang aking apoy. At nanatili akong nakatayo roon, naliligaw sa sarili kong pag-iisip. Hindi ko sigurado kung patay na ba silang lahat dahil wala na sa mga ito ang gumagalaw.

Lumakas pa lalo ang ulan kaya mas nabasa ang buong paligid. Basang-basa na ako kaya hindi ko alam kung magagamit ko pa ang aking kapangyarihan. Sa ngayon ay ang kakayahan ko na lang muna sa pakikipaglaban ang aasahan ko.

"Hanapin ninyo!"

"Hindi pa iyon nakakalayo!"

Ang tinig ng mga papalapit na kawal ang nagpagising sa akin. Malapit na sila sa akin at base sa mga yabag nila ay mas marami sila kumpara kanina. Puro dilim lamang ang aking nakikita, hindi katulad kanina na may mga dala silang sulo.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon