HINAWAKAN ko ang magkabilang balikat niya at pilit siyang ginigising ngunit nanatili siyang nakatingin sa langit, wala sa sarili.
"Pakiusap, ipaliwanag mo sa akin ang sinabi mo. Hindi ko maintindihan. Isa ka bang babaylan?"
Kung isa nga siyang babaylan ay maaaring magkatotoo ang sinabi niya na nakaguhit sa aking palad, tunog hindi maganda iyon. Trahedya. Ngunit hindi ko hahayaang mangyari iyon. Hindi maaari dahil alam ko sa sarili kong maliwanag ang hinaharap na tatahakin ko. O nagkakamali lamang ba ako dahil iyon ang gusto kong mangyari?
Hindi. Nagkakamali ang nilalang na ito. Walang mangyayaring masama. Makakamit ko ang pangarap ko at walang makakapigil doon.
"Ang ibig mo bang sabihin ay hindi ko matutupad ang pangarap kong maging heneral?" desperado kong tanong ngunit wala pa rin akong nakuhang sagot. Hindi niya ako pinapansin.
Inis ko siyang binitawan at iminuwestra sa kaniya ang palad ko. "Basahin mo ulit ang palad ko. Sigurado akong nagkamali ka lamang nang nakita."
Inis akong bumuga ng hangin noong muli niya akong baliwalain. Napatitig na lamang ako sa kaniya. Umiling-iling ako at mahinang bumuntong hininga. Halos pagtawanan ko pa ang aking sarili dahil kinakausap ko pa ang binibining ito gayong tila wala naman talaga siya sa tamang katinuan.
Gayunpaman ay hindi nawala ang pagtataka at katanungan sa aking isipan ngunit pinili ko na lang na iwan siya roon noong mapagtanto kong wala talaga akong makukuhang sagot sa kaniya. Sinasayang ko lamang ang oras ko.
Hindi ko rin maiwasang mainis sa nilalang na iyon dahil binigyan niya pa ako ng isipin at alalahanin. Paulit-ulit kong naririnig ang mga sinabi niya sa utak ko.
"Ashtrea!" tawag sa akin ni Soren.
Agad akong napalingon sa kaniya, kalalabas niya lang sa tindahan ng mga aklat.
Lumapit ako sa kaniya ngunit lumagpas ang paningin niya sa binibining kausap ko kanina.
"Kinausap mo ang babaylan na iyon?"
Napahinto ako kasabay nang pagkunot ng noo ko. Muling bumaling sa binibini na ganoon pa rin ang ayos.
"Isang babaylan ang binibining iyon?" gulat kong tanong kahit iyon naman ang hinala ko kanina. Ngunit ngayong kinumpirma niya iyon ay bigla akong kinabahan dahil baka magkatotoo nga ang nabasa niya sa aking palad. Kung tutuusin ay madali lamang naman intindihin ang sinabi niya. Ayaw ko lamang tanggapin dahil hindi ko gusto ang sinabi niya.
Wala naman talagang nilalang ang may gusto ng trahedya.
"Oo, ang babaylan na nawala sa kaniyang katinuan," aniya. Hindi inaalis ang tingin sa binibini.
Tumaas ang kilay ko. Unti-unting nawala ang kaba ko sa narinig.
"Babaylan na nawala sa katinuan? Bakit? Paano?" nagtataka at kuryoso kong tanong.
"Mula sa narinig ko noon sa mga nilalang dito sa pamilihan ay dahil sa pag-ibig," aniya at bumaling sa akin. "Binasa niya rin ba ang palad mo?"
Napatingin ako sa aking palad, iyong hinawakan ng binibini kanina. "Oo, at hindi maganda ang narinig ko mula sa kaniya," inis kong wika.
Mahina siyang natawa kaya napalingon ako sa kaniya, mas nainis.
"Huwag mong intindihin ang sinabi niya dahil walang totoo sa mga iyon."
Napaismid ako. "At paano mo namang nasabi na hindi totoo iyon gayong isa nga siyang babaylan?"
"Ayon sa sabi-sabi ng mga nilalang dito sa pamilihan." Iminuwestra ang mga nilalang sa paligid. "Sila ang mas nakakakilala sa kaniya dahil dito nakatira ang babaylan na iyan. Isa pa ay lahat ng nilalang na lumalapit sa kaniya ay binabasa niya ang palad." Itinaas niya ang isang kamay. "Isa na ako roon, hindi rin maganda ang sinabi niya kaya nag-alala ako ng husto ngunit nang malaman ko ang tungkol sa kaniya ay binaliwala ko na lamang. Hindi rin naman nagkatotoo." Nagkibit balikat siya.
BINABASA MO ANG
Ashtrea (Exo Losairos Series #1)
FantasyAshtrea, the daughter of a renowned general in the kingdom of Peridos. She desires to follow her father's footstep to becoming a warrior. *** Ang babaeng nangangarap na sundan ang yapak ng kaniyang ama, ang maging heneral. Ngunit sa pag-abot niya sa...