Kabanata 42

93 3 0
                                    

HINDI ko alam kung paano kong nalampasan ang isang linggo na hindi gumagawa nang anumang bagay na siyang lubos na magkapapalubog pa sa kinasasadlakan ko ngayon. Hanggang ngayon ay pilit ko pa ring tinatanggap ang mga nalaman kahit ang isang bahagi sa akin ay tumatangging paniwalaan ang lahat. Kasabay ng aking paghihinagpis.

Sa tuwing iniisip ko ang katayuan ko ngayon at ang kinahinatnan ng aking mga magulang ay sobra akong nagagalit, nasasaktan at naaawa. Kung anu-anong masasamang bagay ang gusto kong gawin. Ngunit iniiwasan kong mangyaring muli ang nagawa ko noon sa Larivia, sa bayan ng Mostair.

Kung tutuusin ay kayang-kaya kong gumanti sa mga gumawa nito sa amin. Kayang-kaya kong ipamalas ang sakit at galit na nararamdam ko sa kanila, sa kahariang ito. Ngunit sumasagi sa isip ko ang image ni Ama, kung paano niyang inako ang parusa ko para sa pagkakamaling nagawa noon. Hindi ko maisip kung ano nga ba ang pinagdaanan niya sa Vircula pero nasisiguro kong hindi maganda iyon dahil ang lugar na iyon ang pinakanakakatakot na kulungan sa buong Exo Losairos. Hindi ko alam kung paano nilang tinatrato ang mga bilanggo. At ayoko nang isipin pa dahil lalo lamang akong nagagalit.

Sa totoo lang ay hindi ko alam kung kanino ko ibabaling ang galit na nararamdaman ko. Hindi ko alam kung sino ba talaga ang may kasalanan kung bakit nangyari ang lahat ng ito. Marahil ay sa akin nangsimula ang lahat. Kung hindi ko nagawa iyon sa Mostair ay mananatili sanang payapa ang aming mga buhay. Iyon ang naging ugat nito. Dahil dito ay nadungisan ko ang pangalan ni Ama. Nagbago ang tingin sa akin ng reyna. Nakulong si Ama. Sa pagbalik niya ay sinasabing nasiraan siya ng bait kaya nagawang paslangin ang hari at reyna. Na dahilan din ng kaniyang kamatayan, at ni Ina.

Marahil ay kasalanan ko.

Hindi ko na alam. Tila tuluyan akong mababaliw sa tuwing iniisip ko. Pakiramdam ko ay lalo akong magkakasala kung mababaliw nga ako. Iyon ang pinakahuling bagay na magagawa ko para sa kahariang pinagmulan ko. Kahit paano ay mahal ko pa rin ang Peridos para ilubog ito sa kumunoy kung nasaan ako ngayon.

Bumangon ako mula sa kamang hinihigaan at sinabunutan ang aking sarili dahil sa pagkasiphayo. Hindi ko na rin magawa pang magdalamhati para sa kanilang kamatayan dahil sa dami ng iniisip. Hindi ko alam ang gagawin ko. Nandito ako ngayon sa isang bahay tuluyan sa malayong bayan ng Peridos, hindi masyadong pinag-uusapan dito ang nangyari sa kapitolyo at hindi gaanong mahigpit ang pagbabantay ng mga nakadestinong kawal kaya rito ko napiling maglagi ng isang gabi. Hinahanap ko si Calem ngunit hanggang ngayon ay hindi ko matagpuan kahit ang bakas niya. Wala rin akong nababalitaan na nadakip siya kaya kahit paano ay nabawasan ang aking pag-aalala. Hindi ko alam kung magandang bagay ba ito ngunit dapat ay mahanap ko na siya bago pa ako maunahan ng mga tumutugis sa amin.

Hindi ko pa naiisip kung anong mangyayari pagkatapos ko siyang makita. Dapat ay maging ligtas muna kami.

Mariin akong pumikit at naihilamos ang palad sa mukha. Hindi na naman ako nakatulog. Palagi akong binabagabag ng mga bagay na ito. Isang pitik na lang talaga sa mga nararamdaman ko ay sasabog na ako.

Magagawa ba talaga iyon ni Ama? Totoo bang nawala siya sa katinuan kaya nagawa iyon? Sinong prinsipe ang nakasaksi? Nasisiguro kong hindi si Savion dahil kasama ko siya nang mangyari ang lahat.

Paanong nasaksihan ng prinsipe at ni Tenyente Vito ang pangyayari? Maaari kayang nagsisinungaling sila? Ngunit bakit naman sila magsisinungaling?

Malalim akong bumuntong hininga at pabagsak na nahigang muli, tumitig sa kawalan.

Alam kong tapat si Tenyente Vito sa aking ama kaya maaaring totoo na isa siyang saksi, ngunit maaaring nagsisinungaling din siya. Hindi ko alam!

Ang sabi ni Soren ay narinig niya mismo sa tiyuhin ang nasaksihan kaya naniniwala siya rito. Wala naman itong matibo para magsinungaling.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon