Kabanata 48

113 5 0
                                    

"MATULOG ka na, Saia. Hindi ka pa ba pagod mula sa buong araw na paglalaro?" marahan kong wika.

Ngumuso lang siya at ipinagpatuloy ang pagtitig sa akin. Nakahiga na kami ngayon, handa nang matulog ngunit katulad ng mga nagdaang gabi ay hindi ako mabilis dalawin ng antok. Lalo pa ngayong sinasabayan niya ako.

Palagi siyang nauunang matulog ngunit ngayong gabi ay tila nais magpasuway sa akin. Dilat na dilat ang mga mata, pinipilit gisingin ang sarili.

"Kailan ka mag-aasawa, Ashtrea? Hindi mo ba gusto si Alvaro?" kuryoso niyang tanong.

Kumunot ang noo ko sa sinabi niya, ngunit kalaunan ay natawa. Kung anu-ano na naman ang pumapasok sa kaniyang isip.

"Nais mo na akong mag-asawa? Si Alvaro? Bakit? Nais mo ba siyang maging ama?"

Kumunot ang noo niya at lalong ngumuso. Si Alvaro ay isa ring Vanya na matagal nang nagpapahayag ng pag-ibig sa akin, ngunit palagi kong tinatanggihan dahil hanggang kaibigan lang ang kaya kong ibigay sa kaniya. Guwapo rin iyon at makisig, may pagkapalabiro at minsan ay may pagkahambog. Ayaw na ayaw ni Saia sa kaniya at lagi akong pinagsasabihan na huwag ko itong kausapin kaya hindi ko alam kung bakit niya ito biglang naisip ngayon.

Ngunit sa reaksyon niya sa aking sinabi ay halatang hindi niya rin gusto ang sarili niyang ideya.

"Gusto ko lang na mayroong palaging nagpapangiti sa iyo katulad ni Clara. Kapag kasama niya ang kaniyang kasintahan ay halos mapunit ang mukha niya sa sobrang pagngiti." Ngumiwi pa siya noong tila maalala ang sinasabi. "Naisip ko na pwede si Alvaro dahil patay na patay siya sa iyo. Narinig ko pa nga ang sinabi niya noon na susungkitin niya ang mga bituin sa kalangitan upang ialay sa iyo." At umismid. "Ano namang gagawin mo sa mga iyon?"

Mas lalo akong natawa.

"Sapat ka na sa akin, Saia. Palagi mo akong napapangiti sa kapilyahan mo. Kapag nakikita kitang masaya ay masaya na rin ako," nakangiti kong wika. Marahan kong hinaplos ang buhok niya, kunwari siyang sumimangot ngunit halata naman ang katuwaan. Namungay din ang mga mata niya dahil sa antok.

"Iba pa rin ang sayang ibinibigay ng pag-ibig.. tulad ng sabi nila," inosente niyang wika.

"Huwag mong problemahin iyan, Saia. Matulog ka na lamang, malalim na ang gabi." Ayaw nang pahabain pa ang usapan.

Mahina siyang bumuntong hininga tanda ng pagsuko. Umusog palapit sa akin bago pumikit at yumakap sa leeg ko. Hinaplos ko ang mahaba niyang buhok sa likuran at humuni ng isang musika para tuluyan siyang makatulog.

"Gusto kong makita kang totoong masaya, Ina," bulong niya na nagpahinto sa akin.

Isang simpleng pangungusap lamang iyon ngunit mabigat ang nais iparating. Marahil ay napapansin niya ang kalungkutan ko nitong mga nagdaang araw, simula nang malaman ko na ikakasal na ang nag-iisang lalaking minahal ko.. at patuloy pang minamahal.

Hindi ko maiwasang maramdaman ang mga ito ngayon. Kung sana'y madali lang makalimot ay nagawa ko na noon pa. Hindi na sana naiisip ni Saia ang mga ganitong bagay. Hindi na sana ako nasasaktan.

Nagtubig ang mga mata ko, pilit pinigilan ang pagluha. Mabuti na lang ay hindi na niya nakikita. Tumahimik na lamang ako habang hinihintay na maging malalim ang tulog niya.

Bumigat ang dibdib ko nang maalalang muli ang mukha ni Savion. Siya lang naman ang dahilan kung bakit hindi ko magawang lumingon sa ibang ginoo, umaasa akong sa huli ay muli kaming magkikita upang ipagpatuloy ang aming pagmamahalan. Ngunit alam kong hindi na maaari. Dahil noong winakasan ko ang buhay ko ay nagwakas na rin ang lahat para sa amin.

Iyon ang pinili kong gawin bilang kabayaran sa lahat.

Kailanman ay hindi nalinis ang pangalan ni Ama at ng aming pamilya kaya nananatili pa rin kaming kriminal hanggang ngayon. Totoo naman na nagkasala talaga ako dahil sa pagpaslang ko kay Karim at hindi ko iyon itatanggi.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon