Prologue

499 14 13
                                    




Tahimik.

Maliwanag.

Mapayapa kung tingnan.

Nguni't lahat ng ito ay isang kasinungalingan para sa mata ng isang dalagang puno ng kakaiba at pinaghalong pakiramdam.

Pakiramdam na mula pa noong siya'y magkaroon ng muwang sa mundong kaniyang kinabibilangan ay nakatanim na sa kaniyang puso at isipan.

Malamig at diretso ang tingin ng isang dalagita habang nakatayo sa harap ng isang malaking gusali sa dulo ng isang mahabang daanan pagkatapos makapasok sa isang matayog na gate. Alam niyang sa sandaling makapasok siya sa gate na iyon ay hindi siya maaaring umatras pa.

Buo na ang kaniyang desisyon.

"Kung 'yan talaga ang gusto mo ay wala na akong magagawa. Pero gusto kong malaman mo na hindi ako sang-ayon sa binabalak mo."

Bumabalik sa kaniyang isipan ang mga salita na 'yon. Bakas sa boses ng lalaki na 'yon ang pagaalala nguni't kahit siya man ay wala ng magagawa. Maraming taon niyang pinag-isipan at pinaghandaan ang araw na ito.

"Naiintindihan ko ang nararamdaman mo. Hindi kita masisisi kung ganiyan ang nararamdaman mo pero..."

Kahit siya, ay hindi na mapigilan ang kaniyang sarili. Sa mga sandaling ito, wala siyang ibang naiisip kung hindi ang makapasok sa gusali na 'yan.

Matapos ang maraming taon.

Nagsimula siyang humakbang at tinahak ang mahabang daanan hanggang sa makalapit siya sa isang malaking pintuan.

"Masyado ka ng nilamon ng iyong galit."

Kahit siya, ay hindi niya mapipigilan ang sariling nararamdaman. Pabalik-balik man sa kaniyang isipan ay wala itong epekto sa kaniya.

"Hindi ka ipapanalo ng iyong galit. Hindi..."

Kumuyom ang kamao ng dalaga at tiningala ang isang lalaking nakabantay sa pinto mula sa loob. Isang maliit na butas na kasya ang mukha ng lalaki ang bumungad sa mga mata ng dalaga.

Masugid siyang tinitigan ng binata mula ulo hanggang paa. At muli ay tinuon ang tingin sa kaniyang mukha.

"Pangalan?" mahinahong tanong ng lalaki sa dalaga.

Nanatiling nakatitig ang dalaga sa kaniyang habang kinakapa ang sariling isipan.

"Pag-isipan mong mabuti....."

Isang bagay ang nasa isipan ng dalaga.

Anim na taon ang nakakalipas. Maraming taon ang lumipas at hindi nawawala ang kaniyang nararamdaman.

Kahit pagbaliktarin niya ang mundo at subukang mag-isip sa ibang paraan ay ibinabalik siya nito sa katotohanan.

Sa nararapat.

At ang nararapat ay...

"Lilac." mahina niyang usal, sagot sa tanong ng lalaki. Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nila.

Ilang sandali pa ay bumukas ang malaking pinto sa harapan ng dalaga. Mas bumilis ang tibok ng puso ng dalaga habang naghihintay na tuluyang magbukas ang pinto sa kaniyang harapan.

Inihakbang niya ang kaniyang mga paa. Pagkatapos ng dalawang hakbang ay napahinto siya sa tapat ng isang lalaki sa gilid ng pinto.

Diretsong nakatingin at may ngiting nakaukit sa kaniyang mga labi, kapagkuwa'y binabanggit ang mga salita.

"Maligayang pagdating sa Kamarchya, Lilac!!"

Nagpantig sa taenga ng dalaga ang mga salitang iyon at bumungad sa kaniyang dalawang mga mata ang lugar na matagal na niyang pinaghahandaan.

"Pag-isipan mong mabuti, Lilac."

Tinitigan ni Lilac ang kaniyang mga palad. Pinaghalong pakiramdam ang matatanaw sa kaniyang kulay bughaw na mga mata. Mapungay nguni't puno ng pinaghalong pakiramdam.

"Nakapag-isip na ako, Sandro."

-------


Please comment, vote and share. Thank you! ✨

The Last SuccessorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon