TULUYAN nang umangat ang bula at umahon na sila sa lupa mula sa ilalim ng karagatan. Naramdaman pa ni Lilac ang pag-alog noong sila ay makaakyat dahil sa malalaking alon nguni't hindi nito naapektuhan ang bula na kanilang sinasakyan.
Sa sandaling makaapak na sila sa lupa ay tumambad naman sa harapan ni Lilac muli ang mga halaman na kung saan nanggagaling ang mga Sprites. Lumabas mula sa mga halaman ang mga ito at paikot-ikot sila sa mga bula at sa isang iglap lang ay pumutok ang bula.
"Salamat." mahinang usal ni Lilac sa maliliit na mga Sprites. Tiningnan lamang siya ng mga ito at nagsimula na silang magsiliparan pabalik sa mga halaman.
"Mula dito ay maglalakad ka papunta sa palasyo. " wika ni Lord Ramar kay Lilac. Nakasakay ito sa kaniyang kabayo habang nakatingin kay Lilac. Nagbago naman ang ekspresyon ng mukha ni Lilac at tiningnan ng masama ito.
"Wala akong kasalanan. Pagsisisihan ninyo itong ginawa niyo." bulalas ni Lilac habang sinusubukang ilayo ang kaniyang mga kamay sa isang guwardiya na lumapit sa kaniya. Nilagyan siya ng isang kadena sa kaniyang kamay at leeg at nakatali ito sa kabayo.
"Isa itong leksyon para sa mga magtatangka sa buhay ng mga nobles at royals. Kamatayan at pagdurusa ang inyong kakaharapin." tumalikod na si Lord Ramar at pumwesto sa pinakaunahan habang si Lilac naman ay naglalakad na hila-hila ng mga kabayo.
Napapayuko na lamang siya sa kahihiyan na kaniyang dinanas habang nakatingin ang mga tao sa kaniya. Mga maharlika ang nakatira sa bayan na ito na matatagpuan sa pinakapaanan ng bundok kung saan matatagpuan ang Sankori Kingdom.
Mabilis na kumalat sa buong bayan ang nangyaring pagkasaksak ng tagapagmana ng Donnachaid Clan. Sa mata ng mga nakatira sa bayan na ito ay isa itong malaking krimen at isa itong eskandalo sapagka't sila ang mas malapit sa mga royals at nobles.
Mula sa isang gilid naman ay mayroong dalawang taong palihim na nakamasid sa dalagang hila-hila ng mga kabayo habang may nakataling mga kadena sa kaniyang kamay at leeg. Suot-suot ang mga balabal nito ay mas lalo nilang ibinaba ang takip nila sa ulo upang maiwasang makita ang kanilang mga mukha.
"Siya ba ang tinutukoy nilang sumaksak kay Lady Annalise?" mahinang bulong ng isang batang babaeng nasa edad labing limang taon.
"Sa palagay ko. " mahinang tugon ng isang binatang nasa tabi lang nito at mahina lang din ang boses. Nasa dalawapu't isang taong gulang na ang binatang ito at mayroon din namang matipuno at magandang mukha.
"Mukha naman siyang hindi nananakit ng tao. Totoo ba talagang siya ang gumawa non?" sa mata ng babaeng ito ay isang maamo at magandang mukha ang kaniyang nakikita. Mula sa kaniyang kinatatayuan ay natatanaw niya ang isang dalagang may ginintuang kayumangging buhok na mistula'y isang magandang dilag. Hindi ito nalalayo sa pagiging isang prinsesa ang ganda.
"'Wag ka ngang magpapadala sa magandang mukha niya. Mukha siyang maamo pero maaaring nasa loob lang ang kulo niya." tugon ng binata at nakatingin lang din kay Lilac. Dumapo ang tingin ng batang babae sa binatang nasa kaniyang tabi at tiningnan ito ng mapanukso.
"Kung ganoon ay nagagandahan ka nga sa kaniya?" wika pa nito at ngumiti.
"Tumahimik ka nga, Alexandra. Tara na at bumalik na tayo sa palasyo. Magtataka na ang iyong ama kung bakit nawala ka bigla." pag-iiba ng binata sa usapan. Nais niyang iwasan ang usapin na ito gayong inaamin niya sa sarili niyang nagagandahan siya sa dalaga.
"Sige, tara. Nandito na rin naman ang sinasabi nilang sumaksak kay Lady Annalise."
"Talagang ang sadya mo sa kabilang isla ay ang makita kung sino ang sumaksak kay Lady Annalise. "
BINABASA MO ANG
The Last Successor
ФэнтезиKabilang si Lilac Vanidestine sa limang angkan na pumapalibot sa Sankori Kingdom. Labing siyam na taon ang nakakaraan, isang kagimbal-gimbal na digmaan ang nangyari dahilan ng tuluyan na pagkawala ng kaniyang angkan. Sa kagustuhang maipaghiganti ang...
