Chapter 23 : Journey to West

54 5 0
                                    







"PROFESSOR, hindi ako sang-ayon sa binabalak ni Edge." huminto ito sa paglalakad upang makitang mabuti kung ano ang susunod na gagawin ni Professor Constance. "Kahit na mahusay siyang makipaglaban ay ibang usapan ang pegagsus. Kahit kailan ay hindi pa siya nakipaglaban ng libo-libong pegagsus." dagdag nito. Tuluyang huminto sa kaniyang paglalakad si Professor Constance habang diretso pa rin ang kaniyang tingin sa kanilang harapan.

"Hindi ko mapipigilan kung iyon ang nais ni Edge."

Kumunot ang noo ni Professor Hidmer sa sinabi nito at humakbang siya upang malapitan ang Professror.

"Professor, anak mo siya. At nalalaman ninyo kung gaano ka delikado sa lupain ng mga Vanidestine lalo na sa mga panahong ito. "

"At ito ang nais kong sabihin sa 'yo, Professor Hidmer. Nagtitiwala ako sa kakayahan ni Edge. Dumating na ang panahon na magagamit na niya ang kaniyang lakas sa isang totoong laban. Alam kong hindi niya ako bibiguin."

"Nguni't, Professor----"hindi nito naituloy ang kaniyang sinasabi dahil pinigilan na siya ni Professor Smith. Hinawakan nito ang balikat ni Professor Hidmer upang sabihing itigil na niya ito at wala siyang magagawa.

"Kung talagang nag-aalala ka kay Edge, ay gawan mo ako ng isang pabor." lumingon si Professor Constance at tinapunan ng tingin si Professor Hidmer.

"Bahaginan mo sila ng iyong kapangyarihan bilang proteksyon."





Inikot ni Lilac ang kaniyang paningin sa buong silid. Isa itong silid kung saan nakatambak ang iba't-ibang uri ng mga sandata. Natatagpuan naman ang silid na ito sa ilalim na bahagi ng palasyo. Medyo maalikabok at halatang hindi na masyadong nadadalaw ang lugar na ito.

"Mas maganda kung magbitbit kayo ng totoong matitibay na mga sandata. Hindi namamatay ang mga pegagsus sa isang simpleng espada lang."

Tiningnan ni Lilac si Lord Eduard na naglalakad papalapit sa isang mesa kung saan may mga maraming nakapatong na iba't-ibang klase ng espada.

"Kung ganon ay ito ang dadalhin ko."

Narinig naman niyang nagsalita si Edge at nasa isang sulok ito at may bitbit na espada. Kumikinang pa ang espada sa talim nito.

Naglakad papalapit si Lilac sa kung saan nakatayo si Lord Eduard. Iba't-ibang uri ng sandata ang kaniyang nakikita at hindi niya masasabing maalam siya sa paggamit ng mga ito gayong alam niya sa sarili niyang hindi siya marunong makipaglaban.

"Kung tutuusin ay may mas matibay na sandata sa Vozenilek Mansion. Kaso dalawang araw lang ang ibinigay ng hari sa inyo. Matatagalan kung pupunta pa tayo sa aming lupain. Kaya wala tayong ibang magagawa kundi mamimili ng pinakamatibay dito. Kunin niyo na ang mga sandata na kaya ninyong gamitin para protektahan ang mga sarili ninyo."

Tiningnan ni Edge si Lilac na hindi pa rin gumagalaw at wala pa ring dinadampot na sandata.

"Lilac, tutunganga ka na lang ba diyan? Mamaya bago magdilim ay kailangan na nating magsimulang umalis. Malayo ang lupain ng Vanidestine. " wika nito.

"Namimili pa lang ako." tugon ni Lilac at lumapit kay Lord Eduard.

"Ano ba ang kaya mong gamitin sa pakikipaglaban? " tanong ni Lord Eduard dito. Hindi agad na nakasagot si Lilac nguni't naalala niya noong nage-ensayo siya sa Elwood. Ginagamit niya lang ay mahabang sanga na kunwari ay espada. Nguni't noong nag-aral na siya sa Kamarchya ay natuklasan niyan hindi pala biro ang paggamit ng totoong espada.

The Last SuccessorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon