Chapter 10 : Longing for His Presence

89 6 0
                                    





AWTUMATIKONG napahinto sa kaniyang paglalakad si Lilac ng biglang may apoy na lumitaw sa kaniyang harapan. Naglalakad siya sa malawak na patag sa labas ng gusali ng Kamarchya. Hindi masyasong matao sa gawing ito at dito ang kadalasang dinadaanan ni Lilac. Wala siyang nakitang sinoman sa paligid. Hindi niya alam kung sino ang gumawa nito nguni't nararamdaman niyang nasa paligid lang ito.

Hindi na siya makakadaan dito kaya naman ay umatras siya ay bumalik sa kaniyang dinaanan.

Binilisan ni Lilac ang kaniyang mga hakbang at piniling tahakin ang daan papunta sa likod ng Kamarchya. Kung saan matatagpuan ang makapangyarihang dagat at kung saan ipinagbabawal ng punong guro. Biglang sumagi sa isip niya si Edge.

Wala akong pakialam kung sesermonan na naman ako non. Bakit ko ba siya iniisip?

Saway ni Lilac sa sarili at dumiretso sa paglalakad nguni't biglang umapoy na sa kaniyang harapan. Ang mga halaman na nasa kaniyang malapit ay umaapoy na. Kung dadaan pa siya ay maaari na siyang mapaso sa apoy.

"Anong kailangan mo sa akin?" tanong ni Lilac habang nanatili sa kaniyang posisyon. Nararamdaman niya ang presensya nito sa kaniyang likuran.

"Ito ang una at huling beses na sasabihin ko sa 'yo to. Hindi mo alam kung sino ang binabangga mo." mariing wika ni Lady Georgiana at mas nilakihan pa ang apoy. Nararamdaman na ni Lilac ang init ng apoy kaya naman ay umatras siya ng kaunti at hinarap ang dalaga.

"Wala akong balak na kaharapin kayo." wika ni Lilac at sinalubong ang mga tingin nito.

Hindi pa ngayon.

Alam niyang hindi siya maaaring magkamali sa mga sandaling ito. Nakikita niyang hindi 'yong tipong mapapakiusapan mo si Lady Georgiana. Kumpara kay Lady Annalise ay mas matapang ito at walang patawad. Ginagamit nito ang kaniyang kapangyarihan para sa kaniyang mga kagustuhan.

"'Wag kang mag-alala. Ito ang una at huli na kakausapin kita. Babala ko ito sa 'yo, babae. Hindi ko naiibigan ang pakikitungo mo sa prinsipe at kay Lady Annalise. Isa ka lang ordinaryong mamamayan."

"Lumabas na rin ang totoo mong kulay. Hindi nga ako nagkamali. Ang mga nobles ay mga uri ng taong ginagamit ang kanilang kapangyarihan pala pangibabawan ang lahat. Masyado kayong sakim!"

"Anong sinabi mo?" nainis si Lady Georgiana at biglang nabalot ng apoy ang magkabilang palad nito. Mas dumami ang apoy sa paligid ni Lilac at nararamdaman na niya ang hapdi dulot ng init nito. Nguni't nanatili siyang walang emosyon at nakatingin lamang dito.

"Unang-una sa lahat, wala akong obligasyon para sundin ang sinasabi mo. Oo, hindi ako maharlika kagaya mo. Nguni't hindi mo ako kayang utusan. Pangalawa, wala akong intensyon na ganoon kung paano ko sila hinarap. Sila ang nag-umpisa. Wala akong interes sa isa man sa inyo. Wala kang dapat ikagalit."

Itinuon ni Lady Georgiana ang palad nito kay Lilac habang nakatingin ng masama. "Hindi ko alam kung anong binabalak mo. Hindi mo ako maloloko diyan sa mga salita mo. Sabihin mo, ano ang kailangan mo sa prinsipe?"

"Georgiana...." biglang lumabas mula sa likod ng isang puno si Lady Lorelie.

"Lumayo ka Lore. 'Wag kang makisali dito. Noong una pa lang ay dapat naturuan na ng leksyon ang babaeng ito. Hindi mo ba nalalaman ang lugar mo?" mas lumakas ang boses ni Georgiana at may apoy na lumitaw sa kaniyang harapan at pumorma ng linya papalapit kay Lilac.

Napaatras si Lilac habang papalapit ang apoy sa kaniya. Isang atras pa at mapapaso na siya sa apoy sa paligid niya.

"Georgiana, huminahon ka!" awat ni Lady Lorelie sa kaibigan nito nguni't tila walang naririnig ang dalaga. Nagpatuloy ang paglapit at paglakas ng apoy kaya naman ay umaatras pa rin si Lilac.

The Last SuccessorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon