LIGTAS na nakatawid si Lilac mula sa kabilang bayan habang sakay sa isang bangka at inaalalayan siya ng mga sirena. Sa sandaling makaapak na siya sa lupa ay nilingon niya ang mga ito.Iniiwasan rin naman ng mga sirena na makita sila ng mga tao. Lingid sa kaalaman ng mga tao ang pagkakaroon ng mga sirena sa ilalim ng tubig. Kahit si Lilac ay ngayon lang nalaman ang tungkol sa mga nilalang na ito.
"Maraming salamat!" wika ni Lilac sa mga sirena. Nasa unahan si Draya habang nasa kaniyang likuran ang mga lalake at babaeng mga sirena.
"Walang anoman, Lilac. Nawa'y magtagumpay ka sa iyong gagawin."
"'Wag kayong mag-alala, Draya. Ibabalik ko ang proteksyon ng buong kaharian."
"Kami ay lubos na nagtitiwala sa iyong kakayahan, Lilac. Kung kailangan mo ng tulong ay tawagin mo lang kami sa pamamagitan nito." lumangoy si Draya papalapit kay Lilac at inabot ang isang parang maliit na kawayan. May tali ito na para bang isinusuot ito sa leeg. "Kapag inihipan mo 'yan ay malalaman namin ang direksyon mo. Asahan mong darating kami upang tulungan ka."
Napatitig si Lilac sa bagay na nasa palad niya. Sa unang pagkakataon ay tatanggap siya ng tulong mula sa kakaibang nilalang.
Kahit na anong iwas ni Lilac sa mga tao o nilalang na nais tumulong ay nauuwi siya sa reyalidad na darating ang panahon na kailangan niya ng tulong sa iba.
Gumuhit ang ngiti sa kaniyang labi at tiningnan ang mga ito.
"Salamat."
Kumaway ang mga ito at sabay-sabay na sumisid sa ilalim ng tubig.
Tiningnan ni Lilac ang lawak ng dagat. Totoong nababalot ng mahika ang kanilang mundo. Marami pang mga bagay na nakatago sa ilalim ng tubig na ito. Maging sa ibaba ng lupa ay siguradong marami pa siyang hindi natutuklasan.
Sinuot ni Lilac ang takip sa ulo ng kaniyang balabal upang matakpan ang kaniyang mukha. Kadalasan ng nga tao ay nasa palasyo upang makipagdiwang sa isinasagawang kasalan ng prinsipe at Lady Annalise.
Napahawak ng mahigpit si Lilac sa kaniyang damit habang iniisip 'yon. Sa totoo lang ay hindi niya talaga maunawaan. Hindi sumagi sa kaniyang isipan na darating ang panahon na ikakasal ang prinsipe sa iba. Ngayon pa, kung kailan ay nahulog na ang loob niya dito.
Maraming mga karwahe ang tumatakbo papunta sa palasyo. Maraming mga maharlika ang imbitado sa nasabing kasal. May iba ay pupunta pa lang at ang iba ay todo suot ng magagarang damit para sa seremonya. Lahat ay ipinagdiwang ang pag-iibigan ng dalawang angkan. Isa itong simbolo na mas lalakas pa ang susunod na mga mamumuno sa kanilang kaharian.
Ang Donnachaid ay isa rin naman kilalang angkan na nagtataglay ng malakas na kapangyarihan. Napapalibutan ang buong kaharian ng tubig kaya naman ay laging napagkakatiwalaan ang Donnachaid Clan.
Isa itong biglaang seremonya. Nagtataka si Lilac kung bakit biglaan na lamang ang kanilang kasal.
Noong isang araw ay tanda niya pang siya ang iniibig ng prinsipe nguni't ngayon ay sa iba ito nagpakasal.
Sadyang ganoon ba magmahal ang isang Indigo Baxter El Throndsen? Ang pinakamakapangyarihang nilalang sa buong Sankori?
Huminga ng malalim si Lilac. Hindi siya maaaring magpaapekto sa nangyayari. Kahit na ano mang mangyari ay tuloy ang kaniyang balak.
"Pupunta ka rin ba sa palasyo?"
Napatingin siya sa kaniyang likuran at nagulat siya ng makita si Edge. Mag-isa lamang ito.
"Edge! P-paano mo nalaman na ako ito?" nagtatakang tanong niya. Mabilis siyang nahalata ng binata kaya naman ay nagtaka siya kung sinusundan ba siya nito.
BINABASA MO ANG
The Last Successor
FantasyKabilang si Lilac Vanidestine sa limang angkan na pumapalibot sa Sankori Kingdom. Labing siyam na taon ang nakakaraan, isang kagimbal-gimbal na digmaan ang nangyari dahilan ng tuluyan na pagkawala ng kaniyang angkan. Sa kagustuhang maipaghiganti ang...