Chapter 02 : Other Side

207 10 15
                                        




UNTI-UNTING lumuluwag ang mahigpit na pagkakahawak ni Lilac sa isang lumang aklat na kaniyang binabasa. Nakasulat sa aklat na ito ang tungkol sa kasaysayan ng kanilang kaharian. Maraming dekada na ang nakakaraan mula ng gawin ang 'sankori' sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Vanidestine Clan, upang maging proteksyon ng buong kaharian mula sa mga halimaw na naninirahan sa paligid ng kanilang lupain at kabundukan. Dahil sa taglay na kapangyarihan ng Vanidestine ay ginawang pinakamalapit na Clan sa mga Royals ang mga ito. Maraming dekada na ang nakakaraan at ang Vanidestine ang tinaguriang Royal Clan.

Mariing isinara ni Lilac ang aklat at napagdesisyon na 'wag ng ituloy ang kaniyang binabasa. Kapag binabasa niya ang mga ito ay mas lumalala ang galit na kaniyang nararamdaman.

Ang maraming dekada na paglilingkod ng mga Vanidestine ay isinawalang bahala lamang nila sa isang iglap.

'Yon ang tumatak sa isipan ni Lilac habang nakatitig sa ngayo'y nakasara na aklat. Luma na ito dahil sa tagal ng panahon na ng aklat nguni't malinaw mo pa ring mababasa.

"Ah-" napahinto ang isang babae na biglang bumangga sa kaniya noong dumapo ang tingin nito kay Lilac. Ang isang babae na kasama nito ay mahigpit na napahawak sa braso ng kaniyang kasama at bakas sa mga mukha nito ang takot ng mapagtantong si Lilac ang kanilang nabunggo. "Pa-paumanhin. Paumanhin, L-L-Lilac- Waah!" tuluyan ng napatakbo ang mga babae sa sandaling pinukulan sila ni Lilac ng isang malamig na tingin.

Tiningnan niya ang mga ito habang tumatakbo ito papalayo sa kaniya. Ilang linggo palang ang nakakalipas simula ng mag-aral siya sa Kamarchya at kinatatakutan na siya ng iilan sa mga estudyante dito.

Ito ay isang bagay na hindi ikinababahala ni Lilac gayong ayaw niya rin namang makipagkaibigan sa sino man.

Isa lamang ang tumatak kay Lilac at 'yon ay ang, 'Wala akong ibang pagkakatiwalaan kundi ang sarili ko!'

Matapos ang ilang taon ay nagtagumpay si Lilac na balutin ang kaniyang puso ng poot sa mga tao. At bukas lamang ito sa nag-iisang taong kumupkop sa kaniya.

"A-ah, "

Muling napatingin si Lilac sa kaniyang gilid at nakita niya ang isang pamilyar na mukha ng isang lalaki. Natatandaan niya ang binata na ito at agad na sumagi sa kaniyang isipan si Edge Oni.

Makikita ko na naman ba ang asungot na 'yon dito sa silid-aklatan?

Sigaw ng isipan niya at tinaasan ng kilay ang binatang nanginginig habang nakatingin sa kaniya. Kumpara kay Edge Oni ay may mahinang pisikal na anyo ang isang ito. Hindi ito tuwid tumayo at madalas na manginig lalo na kapag kaharap si Lilac. Nasisindak din naman ito sa awra at tingin ni Lilac.

Nguni't hindi nito maiwasang umiwas kay Lilac gayong sa kabila ng matapang nitong mga tingin ay nakikita niya ang isang dalagang may kulay asul na mga mata at ginintuang buhok. Na para sa binatang ito ay nagbibigay ganda sa kaniyang anyo.

"L-Lilac, tama d-di ba?"

Nauutal na tanong nito habang hawak-hawak ang kaniyang suot na balabal dahil natatakot ito sa susunod na maaaring gawin ni Lilac.

"Bakit? Anong kailangan mo?"

Napalunok ito at nakayuko sa harapan ni Lilac. "K-kung tapos ka n-nang magbasa niyan ay n-nais ko sanang hiramin."

Tinapunan ni Lilac ng tingin ang aklat na kaniyang hawak. Isa ito sa mga aklat na hindi na madalas pinagaaksayahan ng mga estudyante na basahin pa. Ito ang pinakalumang aklat ng kasaysayan ng kanilang kaharian.

Kaya naman ay nagtaka si Lilac kung bakit nais nitong basahin ang isang nakakabagot na kwento tungkol sa Royals at mga Nobles para sa karamihan ng mga estudyante ng Kamarchya.

The Last SuccessorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon