Chapter 30 : Lilac's missing

60 7 0
                                    


ISANG buong linggo ang lumipas pagkatapos ng pagkalaya ni Lilac. Matapos ng paggising ni Lady Annalise ay ang biglaang pagkawala ni Lilac sa palasyo at sa Kamarchya. Para baga itong isang bula na bigla na lamang nawala sa isang iglap at hindi na nila mahagilap.

Muling tumahimik ang Kamarchya. Isang buong araw na naging usap-usapan ang pagkainosente ni Lilac sa buong paaralan nguni't nagtataka sila kung bakit ito nawawala.

Maraming nagtataka nguni't marami rin naman ang walang pakialam.

"Wala pa rin si Lilac." mahinang tugon ni Shiyo kay Edge habang magkasama silang naglalakad sa pasilyo ng paaralan. Hindi maialis kay Shiyo ang pag-aalala sa dalaga dahil sa narinig nito kay Edge. Noong araw ng paggaling ni Lady Annalise at kung kailan nito napatunayan na walang kasalanan si Lilac ay bigla na lamang itong nawala na parang bula. "Sa tingin mo ay may nangyari sa kaniya?"

"Hindi ko alam." tipid na tugon ni Edge at napatingin sa prinsipe na tahimik na naglalakad sa pasilyo. Gaya ng dati ay malamig pa rin ang mapupula nitong mata. Gaya niya ay nagtataka rin naman ito sa biglaang pagkawala ni Lilac.

Yumuko si Shiyo ng bahagya ng makalapit sila sa prinsipe nguni't nagulat na lamang siya ng huminto bigla ang kaibigan niyang si Edge at nagsalita.

"Mauna ka na, Shiyo. May gagawin lang ako."

Kahit na naguguluhan ay tumango na lamang si Shiyo at nagmadaling maglakad papunta sa silid aklatan.

Pagdating niya sa silid aklatan ay nakita niya doon si Lady Annalise na nagbabasa ng aklat kasama si Lady Lorelie at si Lady Georgiana. Tahimik lamang si Lady Annalise na tila ba ay wala naman sa aklat na binabasa ang kaniyang isipan. Huminto ang binata sa paglalakad at nanatiling nakatayo sa di kalayuan ni Lady Annalise at tinitigan lamang ito. Nais niya itong makausap ng tungkol kay Lilac nguni't hindi niya ito magawang lapitan o kausapin man.

Bukod pa doon ay nais niya lang itong kumustahin at tanungin ang kalagayan, nguni't dinadaga ang kaniyang dila. Napahawak siya sa kaniyang dibdib na lumalakas ang tibok sa kaba habang nararamdamang pinagpapaiwasan na siya. Umiling si Shiyo sa kaniyang nararamdaman at lumiko upang layuan na lamang ang dalaga.

Isang hakbang pa lamang ang kaniyang nagagawa ay napahinto na siya ng marinig ang malambing at mahinhing boses na iyon.

"Shiyo."

Para bang nanigas ang buong katawan ni Shiyo at atumatiko siyang napahinto sa paglalakad at naramdamang natutuyo ang kaniyang mga kalamnan.

"L-lady Annalise.." nauutal niyang tugon at dahan-dahan na nilingon ang dalaga. Bumungad sa kaniya ang magandang mukha nito maging ang maganda nitong mga ngiti. Isa itong ngiti na para bang hindi man lang siya nanggaling sa isang kritikal na kondisyon.

Naglakad ito papalapit kay Shiyo habang bitbit ang isang aklat.

"Hindi na kita madalas makita dito sa silid aklatan. Hindi rin kita makausap sa loob ng silid dahil lagi ka lang tahimik."

Umiwas ng tingin si Shiyo. "P-paumanhin. M-marami lang akong iniisip."

"Si Lilac ba? Nagtataka ka ba kung bakit wala siya?" diretsong taong nito. Napaangat ng tingin si Shiyo at dahan-dahan na tumango.

"I-isang linggo na siyang wala. Nagtataka lang ako. Siguro naman ay totoong pinalaya siya, hindi ba? Alam kong wala naman talagang kasalanan si Lilac."

Ngumiti si Lady Annalise nguni't hindi maikakaila ang lungkot sa likod nito. Maging siya ay nalulungkot rin sa hindi nito pagpapakita sa loob ng Kamarchya sa loob ng isang linggo.

The Last SuccessorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon